Wednesday, April 27, 2016

Berto:Alipin ng Paaralan, Prinsepe ng Lansangan

Awarded 2nd Place Panelists' Choice Awards, Pamiyabe 2012, The Regional Creative Writing Workshop of The Angelites (the Official Student Publication of Holy Angel 


“Tayp mo ako ‘no?” labas gilagid na nakangiting sabi ko sa isang kolehiyalang napadaan lang sa aking pinagtatambayang weyting shed. Ginaya ko pa ang istayl ni Jose Manalo sa pagpapa-kyut na aayusin ang kilay gamit ang hinlalaking nilawayan, pagkatapos ay nag-pose na ala Mister Pogi ng Eat Bulaga.

Napatakbo na lang ang dalaga sa pag-aakalang may isang baliw na tikbalang na kapre na nagkatawang tao na bigla na lang nagpa-kyut? sa kaniya.

Natawa lang ako sa reaksiyon ng babae. Hindi ako maiinsulto o maiinis man lang. Sanay na ako sa ganitong sitwasyon, ikaw ba naman ang makaranas ng ganito sampung beses sa isang araw kung hindi ka masasanay. Ito na ang pampalipas oras ko araw-araw o minsan sa isang linggo habang hinihintay ang pagdating ni James, ang aking bespren.

Si James, kababata ko, itinuturing kong matalik na kaibigan, pero hindi ako sigurado kung gano’n din ba ang tingin niya sa akin. Gano’n man o hindi, wala akong paki-alam.

Sabay kaming nag-aral sa elementarya hanggang high school, hindi pala buong high school dahil na kick-out ako noong ikalawang taon ko rito. Ang mga hinayupak ko kasing titser walang pakikisama. Parang hindi umiinom ng alak! Masahol pa nga silang maglasing kesa sa’kin. Porke nahuli akong palihim na umiinom sa loob ng kampus, e, bigla na lang akong kinik-out! Buti na lang anderstanding si Ermats at Erpats. Isang buong libro lang ng sermon na binigkas buong maghapon ang ibinigay ni ermats sa akin. Partida bawat litanya ay may kasunod na malutong na ‘putang ina mo’, as if, hindi siya ang ina ko. O baka naman ampon lang ako? Si Erpats naman, binatukan lang ako nang malakas at sinabing “Gago ka pala, e! Alam mo namang mahilig din akong uminom, sana sinabi mo sa’kin at nag-inuman tayo, unang matumba gigilitan ng titi!” sana inaya ko siya noong gabi ring iyon at pinilit ang sarili na talunin siya sa inuman para nagilit ko ang titi niya at hindi na umabot sa sampo ang kanilang mga anak. Sana lima lang kaming magkakapatid ngayon.

Mas masarap talaga sa labas ng iskwelahan— ang hindi mag aral. Hindi ka gigising nang maaga kahit puyat dahil kunwari’y nag-aaral sa gabi pero sa totoo lang ay nagbabasa lang ng mga malalaswang babasahin.  Walang pipingot sa’yong guro pag wala kang asaynment dahil nga iba ang ginagawa sa gabi. Walang magpapatawag sa magulang mo pag lumiban ka sa klase dahil nakikipag-inuman ka pag may madaraanang nag-iinumang kalalakihan, mapa-matatanda o binata o kagaya kong bata, basta inuman Globe na (go lang nang go). Dapat palaging nasa loob lang daw ng kampus pag oras ng klase. Pero pag sa loob ka ng kampus iinom kick-out ka. At higit sa lahat walang guro na gagawin ang lahat maging impiyerno lang ang buhay mo sa napakagandang mundong ito.

Ibang-iba ang buhay sa lansangan kesa paaralan. Pero pareho akong kilala sa paaralan at sa lansangan. Kilala ako sa iskwela bilang bobo, gago at mukhang maligno, at dahil ganiyan ang tingin sa akin, utos-utosan lang ako ng mga magagaling kong guro. Ibig sabihin ginagawa akong alipin. Pakshet! Buti pa ngayon sa lansangan kilala ako bilang si Berto, ang Prinsipe ng lansangan. Inggit ka ‘no?

“Putik! Nasaan na ba’ng bespren ko? Mag-aalas sais na, a! Madilim na. Baka hinoldap na ‘yon sa kabilang kanto! Tsk! Hindi ko pa mandin kasundo ang prinsipe do’n!” bulong ko sa sarili habang paparoo’t paparito ako sa weyting shed na siyang aking palasyo. “Hindi! Marami lang ginagawa ‘yon sa iskwela,” Tumawa ako nang malakas, natatawa na naman ako dahil kausap ko na naman ang aking sarili.

“O, Berto! Masaya ka ha!” puna ni Aling Doreng nang matapat sa akin. Si Aling Doreng, payat at mukhang otsenta sa edad na trenta. Parang si Inang lang.

“Palagi po akong masaya, Aling Doreng!” masigla kong sagot.

“Paki-sabi nga pala kay Inang mo, magtago na siya. Paparating na ang tagasingil ng mga utang!” bilin nito. 

Oo nga pala, lubog na kami sa utang. Kabilaan ang kina-uutangan ni Inang, ilang ulit na rin siyang pinapabaranggay dahil sa kaniyang mga utang na di mabayaran. Kung di ba naman kasi sila magaling, uutang para pambayad sa utang. Ang labas, ang prinsipal na utang hindi nababawasan, ang interes limang daang pursiyento na ang ipinatong. Minsan nang sabihin kong tumigil na sila sa ka-uutang, isiagot sa akin, wag ko raw sila maturo-turuan dahil hindi ko alam ang sinasabi ko. At no’ng sabihin kong alam ko kung anong sinasabi ko sasabihan ako ng “Sige! Hindi na ako uutang! Bayaran mo lahat ng utang ko at ikaw ang dumilihensiya ng pang araw-araw nating gastusin!” sapul ako do’n! Oo nga, hindi na dapat pa akong mangi-alam dahil wala akong magagawa. Pakshet naman kasi si Tatang, ang dakila kong Erpats, walang matinong trabaho nag-anak pa ng sampu! Mga kapatid ko? Pareho kong palamunin, hindi naman lahat, ‘yong iba nagtatrabaho. Nangangalakal, nagtitinda ng bote, diyaryo, tabako at kung anu-ano pa, at ako? Eto, pinangangalagaan ang aking palasyo at nasasakupan. Aba! Baka may magtangka na patalsikin ako sa aking trono, mahirap na! Isa pa, may prinsipe na bang nagtatrabaho para sa kaniyang pamilya? Wala! Ang mga alipin ang gagawa para sa akin. Teka, sino-sino ba ang mga alipin ko? Tsk! Tsk! Tsk!

“O, Berto! Ang lalim ng iniisip mo, a!” si James na!

“Oo nga! Sa sobrang lalim hindi ko na malaman kung ano,” nakangiti kong sagot. “Ano? May maibibigay ka ba?” agad kong tanong nang wala akong makitang hawak-hawak niya.

“Oo naman! Ako pa? Pwede bang wala?” binaklas niya ang kaniyang bak pak mula sa kaniyang likuran at binuksan iyon, inilabas ang mga papel at inabot sa akin. Labas gilagid na naman ako sa pagkakangiti. “Asan ‘yong ibinigay ko no’ng nakaraang linggo?” tanong nito.

Tumungo ako sa basurahan na malapit sa aming kinatatayuan, inangat at kinuha ang mga papel sa ilalim, ibinigay sa kaniya. Parang nandidiri pa nga siya. Pero kilala ko itong bespren kong ‘to kahit gaano karumi kukunin at kukunin niya kung ako ang nagbibigay.

“Kung sa’n-sa’n mo naman tinatago ang mga gawa ko!” padrama pa niyang sabi.

“Mabuti nang pa iba-iba, baka matiktikan ako, nakawin pa mga yan!” binuklat ko ang kabibigay lang na papel at binasa nang malakas ang titulo. “Berto, Ang Alipin ng Paaralan, Prinsipe ng Lansangan,” ayos ‘to! Ginamit pa niya ngayon ang pangalan ko sa kaniyang kwento. “Dapat maganda ‘to, ginamit mo pa ang pangalan ko.”

“May ginawa ba akong pangit?”

“Pag pangit ‘to, ipapahuli kita sa aking mga alipin at papa-pugutan!” isang malakas na tawa lang ang sagot niya.

“Gago ka! Pag ipinapatay mo ako wala nang gagawa ng mga kwentong tungkol sa palasyo, hari at prinsipe para sa’yo!”

Oo nga, ako rin ang kawawa kung nagkataon. “Sige, ipapakulong na lang kita at bibigyan lang ng papel at lapis,” biro ko. Sabay kaming nagtawanan. “Wala ka bang pera riyan? Hindi pa nagreremit ang mga tao rito sa nasasakupan ko eh, kailangan kong paswelduhin ang ilang alipin!” alam kong naiintindihan niya ang kalokohan ko. Siya lang ang nakaka-intindi sa mga trip ko. At kung minsan siya lang ang sumasabay at nakakasabay.

Bumunot siya sa kaniyang bulsa, inilabas ang napakaraming papel, hindi ko alam kung bakit doon niya inilalagay ang mga papel na lukot-lukot, bakit hindi na lang niya itapon o kung mahalaga bakit hindi niya sa bag inilagay? Ang labo talaga nitong bespren ko. Bumunot pa ulit, maraming barya isang dakot. Kaya pala maumbok ang bulsa niya, akala ko tuloy kanina lumipat na ang ari niya sa bulsa. Ibinigay niya lahat sa akin ang mga barya.

“Pambihira! Ako na nga lang ang ginagawang alipin sa paggawa ng mga kwento, ako pa ang huhuthutan!” nakangiti nitong galit sabay kamot sa ulo. “Sige, mauna na ako. Marami pa akong gagawing assignments.”

“Sabi ko naman sa’yo! Mas masarap ang magpa kick-out! Nagpapagago ka lang sa mga titser mo! Inuuto ka lang nilang gumawa ng ganito at ganyan. Kayo naman sunod nang sunod! Pinaka-tanga ‘yong sinasabi ninyong pinakamatalino sa klase! Sabihin mo rin ‘yan kay Julius!” si Julius ang genius daw na kaibigan niya na kaibigan ko na rin.

“Bakit naman?” naka-tanga niyang tanong.

“Kasi hindi niya malamang inuuto lang siya!” malakas ulit ang tawa ko.
“Oo nga no?” natutuwa ako sa itsura niya. Para siyang batang paslit na may nalaman sa isang napaka talinong tao, at ako ‘yong taong ‘yon. “Hayaan mo, sasabihin ko sa kaniya,” anito at nagpaalam na.

Ang tali-talino ko talaga! Mas matalino pa sa mga nag-aaral. Mag-aplay kaya ako bilang titser? Malamang maraming estudiyante ang matututo sa akin. Pero teka! Ayaw ko nga palang pa-uto tapos mang-uuto naman ako? Tsk! Di bale na!

Hindi ko sukat akalaing makakahanap ako nang tulad ng bespren ko. Akalain mo, may itsura naman, e, nagtitiyagang makisama sa tulad kong bukod sa pangit at mukhang binulutong na hindi gumaling ang mukha, e, pangit talaga. May kalakihan nga pero butiking pasay naman. Teka nga! Iba pa ba ang butiki sa Pasay sa butiki sa aming bahay? Marahil ay kaya siya dumidikit sa akin para lumitaw pa lalo ang kaniyang ka-gwapohan. Tang ina, ginagamit lang pala ako?

Okay lang kung gamitin niya ako sa bagay na iyon. Basta nagagamit ko rin naman siya. Isa siyang manunulat sa kanilang publikasyon, gustong sumikat bilang nobelista o manunulat ng mga maikling kwento. Matagal ko ring niligawan para igawa ako ng mga kwento, ayaw niya no’ng una. Hindi raw siya basta-basta manunulat(ang yabang niya ‘no?), hindi raw basta kwento pwedeng isulat at higit sa lahat ang mga gusto niyang isulat ay ang mga kwentong makatotohanan, mga kwentong nangyayari sa lipunan, kabuktutan ng gobyerno at kagaguhan ng mga buwayang nagkatawang tao raw ang dapat isulat hindi mga pantasya gaya ng mga gusto ko. Kaya mariin siyang tumanggi noong pagsulatin ko siya tungkol sa mga hari o prinsipe. Ito lang kasi ang gusto kong basahin mula nang maging prinsipe ako ng lansangan.

Hindi ko alam kung totoo bang ipektibo ang gayuma na binili ko sa isang kilalang mangkukulam dito sa amin. Basta pinakain ko siya no’n ang sabi ko “Kainin mo ‘yan, pinag-ipunan ko pa pambili ng gayumang inilagay ko riyan para ipansusulat mo ako ng kwento,” tapos bigla-bigla isang araw binigyan ako ng isang kwento, tungkol ito sa hari na hindi mapasunod ang kaniyang mga alipin, ang ginawa niya pinatay niyang lahat ang mga ito at mag-isang namuhay.

 Tinanong ako noon kung gagawin ko ba ‘yon sa mga alipin ko kung sakaling hindi ko sila mapasunod, ang sagot ko hindi, kasi malungkot ang mag-isa. Natuwa siya sa sagot ko. Akala mo naman isa akong baliw kung kausapin kung minsan.

Alam ko ang kwento ng buhay niya at gano’n din siya sa akin. Alam kong may niligawan siya noong unang taon namin sa high school pero na-turn off siya dahil napag-alaman niya na ‘yong babae pa mismo ang nanliligaw sa kaniyang natitipuhan at ang masaklap tibo ang nililigawan no’ng babaeng nililigawan niya. Taksiyapo!1 Kahit sino naman matu-turn off sa gano’n. Tsk! Tsk! Tsk!

Alam ko rin na may gusto siya kay Melay, ‘yong byutikwin ng aming iskwela. Iniyakan pa niya ito noon. Ang ipinagtataka ko iniiyakan niya ang taong hindi naman naging sila at ang nakakainis ni hindi naman niya niligawan. Ligaw tingin lang ang mokong! Ako nga ang nanligaw. Muntikan kong napasagot. Ang sabi kasi sa akin no’n ‘Berto, wala pa kasi sa isip ko ang mag-boyfriend,’ sayang hindi ko na siya ulit nakita. Siguro kung ngayon ko siya liligawan sasagutin na niya ako dahil nasa edad na siya at nasa isip na niya ang mag-boypren.

Ako rin ang unang naka-alam na may M.U. na sila nang kaniyang bespren (hindi ako ‘yan, ‘yong bespren niyang babae), ako rin ang unang naka-alam no’ng gusto na niyang ayaing pakasal ito. Ang gaga naman, ayaw maniwala, ang alam ata niya, e, isang paglalambing at biro lang ang lahat. Ilang buwan lang ang nakararaan binalitaan na lang ako ni James na ikakasal na raw ang kaniyang bespren (hindi pa rin ako ‘to). Ang gulo ng buhay nila! Minsan nga niloko ko siyang isulat ang sarili niyang kwento, ayaw raw niya. Ordinaryo lang daw ang kwentong pag-ibig niya. Marami na raw ang ganitong kwento sa merkado. Pero alam ko ang dahilan niya kung bakit ayaw niya. Dahil ayaw niyang malaman ng iba ang kaniyang kagaguhan at karuwagan. Sapat na akong nakaka-alam.

Pero hindi na lang ako ngayon ang nakaka-alam ng ilan sa kaniyang buhay. May mga naging kaibigan din siya sa kolehiyo. Sina Christian, Yawi, Marlon at Julius. Konti lang ang alam ko sa kanilang buhay. Si Christian, mayaman, may itsura rin kaya ‘yon, nilandi, nagpalandi, nabuntis ‘yong lumandi sa kaniya, nanganak, iniwan sa kaniya ‘yong anak, at itong kawawang si Christian, hindi pa raw handang maging ama. Niloko ko nga minsan sabi ko ibigay na lang sa’kin ang anak niya para pamanahan ko ng aking kaharian, tinawag lang akong baliw! Ang gago! Hindi lang siya kaibigan ni bespren matagal na siyang nakabaon sa lupa! Pero mabait din naman, palaging taya sa inuman namin.

Si Julius, ang alam ko lang matalino siya, siya raw ang pinakamatalino sa kanila. Pero gaya nang sabi ko, siya ang pinakatanga sa mga kaibigan ni James, palagi mong maririnig ang salitang ‘Praise the Lord’ sa kaniya. Sa tuwing maririnig ko naman ‘yon, sinusundan ko ng malutong na mura! Gusto pa atang maging pari.

Si Marlon naman, inggit ata sa akin, kahit mahirap daw kami atleast mahal ako nina Erpats at Ermats. Kahit daw minumura ako ni Ermats, may halo pa rin itong lambing, mura raw ito ng pagmamahal. Korni. Gago rin, e! Sino kaya ang hindi nagmamahal sa sariling anak! Try ko kayang makipagpalit ng buhay at nang maranasan niya ang mamuhay na puno ng utang at puno sa kapatid. Pero ayaw ko rin, baka di niya mapangalagaan ang kaharian ko. O kaya naman masarapan niyang maging prinsipe at hindi na niya ibalik ang trono ko. Teka nga! Ako lang ata ang Prinsipe na lubog sa utang ang pamilya?

Si Yawi, pasimple ko pang tsinatsansingan kung minsan, ’yon at malulutong na mura ang palagi kong pulutan. Minsan na napansin niya ang ginagawa ko, isang malakas na sapak ang natikman ko at kung hindi siya naawat malamang, matagal na akong nasa ilalim ng lupa, inuuod. May lahi atang amasona. Malas daw siya sa mga lalaki. Ang sabi ko, ako na lang ang mahalin niya, kahit hindi ko siya mahal pipilitin ko siyang paligayahin at gagawin ko pa siyang reyna, at ako magiging hari na! Isang malakas na ‘grosssssss!’ lang ang sinabi, kinuha ang bote ng alak, hindi tatagay sa baso, kundi ‘yon na mismong bote ang itotongga.

Sila ang mas palaging kasama ni James. Sila na kapareha niyang nagpapa-uto sa mga titser nila.

oOo

Masaya akong iniwan ang weyting shed na nagsisilbi kong kaharian para umuwi ng bahay dala-dala ang kwento ni James at ang mga barya niya. May pang-inom kami ni Tatang! Sigurado akong magkakasya ito sa isang bote ng GSM na maliit. ‘‘yong sobra ibibigay ko na lang kay ‘Nang para hindi magbugnot. Wala nang pulu-pulutan.

“Sa’n ka galing?” salubong agad sa’kin ni Inang habang abala sa pagpapaningas sa kalang de kahoy. Punum-puno ng usok sa bahay. Pakiramdam ko tuloy nasa langit na ako.

“Inang! Kahit pala masama ang ugali niyo makakasama ko pa rin kayo sa langit!” natatawa kong sabi. Alam kong mumurahin na naman nila ako sa sinabi ko. Hinintay ko na lang ang mura pero wala, bagkus inulit nila ang tanong kung sa’n ako galing.

Si Inang talaga, alam naman nila na sa palasyo ko lang ako manggagaling magtatanong pa. “Sa Mars po,” sagot ko. “Sinubukan ko lang kung totoong mabubuhay ang tao ro’n, end of the world na kasi bukas, do’n ko na lang ipapatayo ang bago kong palasyo. Asaan si Tatang?”

“Nasa impiyerno! Kainuman si Lusiper!” naiinis na turan ng aking mahal na ina.

Pumasok ako sa kwarto naming magkakapatid. Isiniksik ang papel na kinalalagyan ng gawa ni James sa ilalim ng unan ko. Inilabas ang mga barya binilang ang pambili ng alak nag-iwan ng bente sa lansena at ang natira ibibigay ko na kay Inang. Kung end of the world na nga bukas kailangan magpakalasing na ako nang todo! Masaya na akong end of the world na bukas, at least hindi na kailangang magbayad ng mga utang si Inang, tsk! Kawawa naman ang mga kinauutangan nila. Pero dapat lang ‘yon sa kanila! Kinokotongan na lang nila nang harap-harapan ang mga gipit. Sila raw ang tutulong sa mga naghihirap, papautangan ng pang-negosyo para guminhawa ang buhay. Ang mga gago! Ipapahiram ngayon ang pera kinabukasan umpisa na ang pagbabayad, araw-araw hanggang sa mabayaran mo ang utang, at kung hindi makabayad manghihila sila ng kasangkapan. Nawala tuloy ang radyo at TB namin. Ang galing. Nakatulong nga sila. Pakshet!

Pero teka! Kung end of the world na bukas, e, bukas ko pa lang balak basahin ang kabibigay lang na kwento ni James! Mukhang maganda pa naman! Kawawa rin pala si James, hindi matutupad ang pangarap dahil magugunaw na ang mundo. Gano’n din ang iba pang mga kaibigan niya. Lalong-lalo na ‘yong anak ni Christian. Ang bata naman niyang mamatay, hindi man lang niya maranasan ang malandi gaya nang naranasan ng kaniyang ama. Kung nagkataon ako lang pala ang masaya sa pagkagunaw ng mundo!?

Lumabas ako. Gano’n pa rin, mausok pa rin.

“Inang, hindi ko kayo makita! May ibibigay pa naman sana ako sa’yo!” Pabiro kong sabi. Hindi naman totoong hindi ko sila makita.

“Tumigil ka na nga Berto! Nahihirapan na nga akong huminga sa putang inang kalan na ito!” patuloy pa rin sila sa pag-ihip ng bakal na pahaba na may butas sa gitna na angnguyob ang tawag ng mga ilokano. Air supply naman ang tawag ko do’n, gano’n din kasi ang tawag ng iba.

Nakadilihensiya siguro sila kaya may isasaing. Kung may ulam, hindi ko alam, ang mahalaga may kanin na makakain mamaya. Ini-abot ko ang barya, may trenta pa siguro iyon, hindi ko na binilang.

“Sa’n galing ‘to?”

“Ninakaw ko po.”

“Hindi ka marunong magnakaw gago! Sa’n galing ‘to?” nagpamewang pa sila.

“Kay James po.”

“Bakit hindi mo siya pinatuloy rito sa bahay?”

“Sa palasyo lang po kami nagkita. Nagmamadali, marami pa raw siyang tatapusing asaynment.” 

“Sa’n ka na naman pupunta?” tanong na naman ni Inang nang akmang lalabas na ako.

“Sa impyerno po, makikipag-inuman kay Lusiper kasama ni Tatang.”

“Pag nakita mong mga kapatid mo pauwiin mo na sila! Umuwi kayo ng maaga. Wag na kayong magpapagabi sa inuman! Ano bang napapala niyo sa pag inum-inom niyong ‘yan? Kung......” blah blah blah blah!  Hindi ko na pinatapos ang litanya ni Inang, alam kong aabutin kami ng madaling araw kung hihintayin ko silang matapos magsermon. Sila na nga ang bibigyan ng pera, sila pa ang manenermon!

oOo

Naiinis ako kay Tatang! Pinagbawalan niya akong bumili ng panibagong bote ng alak! May pera naman ako! Matapos naming ubusin ‘yong boteng dinatnan ko sa inuman tumigil na kami. Ni hindi man lang ako nalasing, uminit lang ang likod ng tenga ko uwian na! End of the world na bukas, hello? Kung hindi ko lang Erpats ‘tong mokong na ‘to sinaksak ko na ng kutsilyo ang kaniyang lalamunan. Tuloy ang isang prinsipe ay naging alalay ng isang Tatang na walang laman ang bulsa kahit singkong pera! May singko pa ba ngayon?

Dalawa kaming gegewang-gewang sa daan. Kaya ko namang maglakad nang diretso na akay-akay si Tatang pero mas masaya ang maglakad nang ganito. Hindi naman masama, uminom kaming pareho ni Tatang, alam ng lahat ng mga kapitbahay na uminom kami kaya walang pakialamanan!

“Woooh! Meri Krismas Hapi new yir!” sigaw ko habang iginigewang ang aking lasenggong tatang sa daan.

“Lumabash ang shiga at harrrapin kami ng annnnak kooo!” si Tatang may gana pang manghamon di na nga kayang tumayo. Ibalibag ko kaya siya? Nakaka-irita kasi, walang originality, lahat na ata ng nalalasing ganito ang sinasabi. Mag-isip naman sana sila ng iba.

“End of the world na bukas, hintayin niyo na lang ang kamatayan niyo!” bulong ko kay Tatang.

“Gago ka tallllagang bata ka! Nagpapapapaniwallla ka sha mga kallllokohan ng mga gagong tulad mo! Twenti tartin na ngayon, pashko na! Shabiii nila noon magugunnnawww na ang mundo noong papapapashok ang tutawsan. Hindiiii naman!”

Pagkarating namin sa bahay, hindi pa tulog si Inang. Hinihintay ang dalawang magaling na nakipag-inuman. Agad inakay ni Inang si Tatang papunta sa kanilang kwarto. Ako tumuloy sa may mesa para kumain. Wala nang natirang kanin kundi tutung. Inubos na  naman ng mga hinayupak kong kapatid ang kanin! Ibinili siguro ni Inang ng bangus ‘yong binigay kong pera, may nakita akong pinagbalatan ng sitsiria, e. Pinulot ko na lang at inamoy-amoy habang sarap na sarap sa paglatak ng tutung. Uubusin ko na ‘tong kanin. Wag nang ipagtira si Tatang, tutal busog naman siya ng alak!

“Alam niyong wala na tayong pera iinum-inom pa kayo!” si Inang na naman. Kelan kaya nila maiintindihan na gaya ng kanin ay kailangan naming uminom para mabuhay? “At ayan! Pati si Berto nagaya sa’yo! Alam mo naman na may problema siya sa pag-iisip hinahayaan mo siya sa ginagawa niyang pag inom!”

“Hindi siya nakainom nang marami. Konti na lang ang laman ng bote no’ng dumating siya. Tumigil na kami pagkaubos.”

Tsk! Palagi na lang nilang sinasabi ‘yan!







1-Taksiyapo- isang mura sa Kapampangan.

Sunday, April 17, 2016

Aba Ginang Maria


Hindi ko naman talaga balak magsimba. Aliw ang hinahanap ko. Ewan ko ba kung bakit dito ako dinala ng tadhana.

Nandirito na rin lang ako kaya nagdasal na rin. Pagkatapos lumabas na ako kaagad. Wala pa rin akong alam puntahan kaya tumambay muna ako sa harap ng simbahan, malapit sa pintuan. Napalingon ako noong may marinig akong yabag mula sa loob papalabas. Isang dalaga. Mayumi. Maganda. Napamura ako sa kanyang kagandahan, ni hindi ininda kung nasaan ako.

Humarap ako sa kanya at ngumiti.

Nagpatuloy sya sa paglalakad, papalabas. Noong malapit na sya sa akin, ngumiti rin sya. 'Ang ganda talaga nya!' bulong ko sa sarili.

Lumapit sya sa akin. Inilapit ang kanyang mukha. "Magkano ba ang kaya mo?" bulong niya sa akin.



Ito ata ang unang flash fiction na naisulat ko. Nailathala sa Alab III-LANSANGAN. (ang opisyal na aklat pampanitikan ng The Blaze, opisyal na Pahayagan ng Kolehiyo ng Pangangalakal at Pagtutuos-Tarlac State University. Ako raw kunwari ang Punong Patnugot. May kaunting pagbabago sa nailathala.

Ito ba ang Langit?

Third place maikling kwento category in 7th Gawad Emman Lacaba, the College Editors Guild of the Philippines Annual Literary contest. 2011

Ako si Demonyito at ito, ito ang kwento ng buhay ko.

Gaya nang mga nagdaang araw masaya naman ang kinalabasan ng aking umaga. Pero may kakaibang nangyari.

oOo

Hingal pa ako ngunit may ngiti sa aking labi dahil may makakain ako ngayong umaga. Ang paborito ko, kalamay ube. Isang mahabang habulan pa ang nangyari sa amin no’ng ale, ‘yong nagtitinda ng kalamay na kinuha ko, bago ko siya natakasan. Habang hinahabol nga ako isinisigaw pa niya ang aking pangalan “ Demonyito ka! Wag kang pahuhuli sa akin at mapapatay kita!” galit na galit ang matanda buti na lang mataba siya kaya hindi nakahabol.

May ipinagtataka lang ako. Halos lahat ng tao kakilala ako. kung minsan may iba ring ipinapangalan sa akin gaya ng, hayop, hampas lupa, bastardo at marami pang iba. Pero karaniwang tawag sa akin ng mga tao ay ang pangalan ko: Demonyito. Gano’n din ang tawag ng mga magulang ko sa akin dati. May naaalala akong tawag sa akin ni inay dati eh,… parang,… Jepri? Ay, ewan, di ko na maalala, napakabata ko pa kasi noon.

Tapos ko nang kainin ang kalamay ko nang naglalakad ako papunta sa aking tulugan, sa ilalim ng tulay. Aquino Bridge ang tawag ng mga tao rito sa Tarlac sa tulay na iyon. Ipinangalan daw sa isang dating presidente. Hindi ko siya kilala. Wala rin akong pakialam kung ano man ang itawag nila. Basta ako, doon ang bahay ko. Doon lang kasi ako pwedeng matulog. Sa mga daan kasi ay may iba ng nagmamay-ari, katulad kong mga bata, ang ilan mga may edad na. Ang swerte nga nila, e, buti pa sila may pagmamay-ari na sila na ipinagtatanggol sa mga gustong umangkin. Pero alam ko, pagdating ng araw, magiging akin din ‘yong ilalim ng tulay, matagal na akong nakatira roon, wala pa naman ang nagpapa-alis sa akin at sinasabing akin ‘yan. At kung mangyayari man iyon, e, maaari ko na sigurong ipagtanggol ito. May karapatan na akong angkinin ang lugar na iyon, sa tinagal-tagal ba naman na roon ako tumira, ‘yon ang batas na alam ko.

Sa aking paglalakad palabas ng Plazuela ng Tarlac na kaharap ng katedral na nasa kabilang kalsada, ay may lumapit sa akin na babae, medyo may edad na. Hindi ko alam kung ilang taon na, basta maganda siya. Napakalinis at napakaputi ng kaniyang damit na mahaba. Nakangiti siya habang lumalapit sa akin. Napa-atras ako, baka kasi may balak siyang masama sa akin. Siya lang kasi ang ngumiti sa akin ng gano’n.

“Bata!” tawag ng babae. Lalo akong natakot sa tawag niya sa akin, siya lang ata ang tumawag sa akin ng ganoong pangalan.

“Hindi Bata ang pangalan ko!” matigas pa nga ang pagkakasagot ko para malaman niyang hindi ako takot sa kaniya.

“Anong pangalan mo?” nakangiti pa rin niyang tanong.

“Demonyito!” mariin kong sagot. Lalo pa siyang napangiti sa aking sinagot. Wala namang nakakatawa sa sagot ko, baka nga may masama siyang balak sa akin!

Parang gusto ko nang kumaripas ng takbo, buti pang magalit siya gaya ng ginagawa ng ibang tao sa akin, tawagin ng kung ano-anong pangalan, habulin ng itak at kung ano-ano pa, kesa kausapin ako nang gano’n at ngitian na parang may masamang balak. Tinanong naman niya kung ano ang pangalan ng mga magulang ko at kung saan ako nakatira.Nag-isip ako, naaalala ko noon, may katagalan na rin noong huling araw ko sa aming bahay, taon na siguro ang nakalilipas, hindi ko kasi alam magbilang,at hindi ko rin alam kung paano bilangin ang taon.

Ayon sa aking pagkaka-alala, sa tuwing nag-uusap si Inay at Itay, hiyawan, gaya nang pag-uusap ng mga kapit bahay. Kung minsan nagsusuntukan pa sila kung mag-usap. Tinatawag ni Itay si Inay na Demonya, tapos tawag naman ni Inay kay Itay Demonyo, tapos bigla nila akong hahanapin, “ Nasa’n na ba ang demonyito mong anak?”

Tapos noong huling araw ko sa aming bahay narinig ko si Itay, “Makalayas na nga sa impiyernong bahay na ito!” napakalakas ng boses ni Itay noon, manghang-mangha ako sa kaniya. Tapos sinuntok  pa niya si inay sa tiyan gaya ng nakikita ko sa TB. Idolo ko si itay kaya ginaya ko siya.

Sumigaw rin ako nang malakas “Lalayas na rin ako sa impiyernong bahay na ito!”

“Lumayas ka kung gusto mo! Mabuti pa nga at nang magkaroon ako ng kalayaan mula sa pagkakagapos sa putanginang buhay na ito!” sagot naman ng aking ina sa akin.

At mula noon sa kahabaan ng F. Tanedo na ako tumira. Nagpalaboy-laboy sa lansangan namalimos noong una, ngunit wala pala akong mapapala sa pamamalimos. Buti na lang at may nakilala ako, si Morlong, mas matanda sa akin ng, ilang taon nga ba? Hindi ko alam.

Ang sabi niya sa akin, magnakaw raw ako. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin noong una, kaya ipinakita niya sa akin kung paano gawin iyon. Siyempre sa unang pagkakataon ay nahuli ako. Sobrang galit na galit sa akin ‘yong mama na pinagnakawan ko. Hindi ko siya maintindihan kung bakit galit na galit siya, e, pinagnakawan ko lang naman siya. Malaking tao ang una kong ninakawan, at sa kaniya ko natikman ang unang bugbog sa aking buhay. Hindi pala dahil palagi rin akong binubugbog ng aking ama noon, ito ang totoo, sa kaniya ko natikman ang mabugbog na halos ikamatay ko. Halos di ako makagalaw nang iwan niya akong nakahandusay sa liblib na eskinita ng Matatalaib. Buti na lang at nakita ako ni Morlong, tinawanan pa niya ako habang binabatukan “Tanga ka talaga!  Dapat galingan mo kasi. Huwag kang papahuli,” naaalala ko pang binanggit niya sa akin.

“Bakit ba galit na galit siya?” Pinilit kong magsalita kahit hirap na hirap na ako sa sitwasyon ko.

“Dahil pinagnakawan mo siya,” simple niyang sagot.
“Di ko pa rin maintindihan,” muli ay pinilit ko ang aking sarili sa pagsasalita.

“Alam mo kasi,” tumingin siya sa akin, napukaw na ang kaniyang pagkakangiti. “May mga taong gahaman sa pera, ayaw nilang magbigay o mawalan ng pera, kaya galit na galit sila kapag pinagnanakawan sila ng mga kagaya natin. Ang sabi nila masama daw kasi ang magnakaw, pero tingnan mo naman, ang daming pulitiko ang nagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi nila binubugbog kagaya nang ginawa sa’yo. Kung pwede silang magnakaw ba’t tayo hindi? E, maliit lang naman ang ninanakaw natin,” napakatiim ng kaniyang pagkakatingin sa akin. Kahit di ko siya lubusang naiintindihan nang mga araw na iyon alam ko sa sarili ko na tama ang kaniyang mga sinabi.

oOo

Bumalik ang ulirat ko sa kasalukuyan sa pag uulit ng babae sa kaniyang tanong.

“Demonyo si Itay si Inay naman Demonya!” sagot ko, nakita ko ang gulat sa  kaniyang mukha matapos niyang marinig ang sagot ko, tapos bigla siyang nalungkot. Natuwa naman ako, di ko napigilan ang aking tuwa at napangiti ako sa kaniyang harapan. Dahil do’n ngumiti rin siya at humawak sa aking ulo,“Ikaw talagang bata ka” sabi niya at marahan pa niyang ginulo ang magulo ko ng buhok. Sa sobrang gulat ko iwinaksi ko ang kaniyang kamay nang napakalakas. Narinig ko pa nga siyang umaray, ngunit ngumiti pa rin pagkatapos kahit matalim na ang pagkakatingin ko sa kaniya.

“Sa’n ka nakatira?” muli niyang tanong.

“Sa impiyerno rati, pero ngayon diyan na ako sa ilalim ng tulay nakatira!” matigas pa rin ang pagkakasagot ko sa babae.

Nang muli niya akong hahawakan, kumaripas na ako ng takbo, sa sobrang takot, palipat sa kalsada, palayo sa babae. Nang medyo nakalayo na ako, tumigil ako at lumingon sa kaniyang direksyon. Di pa rin siya gumagalaw at nakatingin pa rin sa akin. Di ko talaga lubos maisip kung bakit gano’n ang turing sa akin ng Ale, kaya sa sobrang galit at pagka inis ko sa kaniya ay inilagay ko ang aking magkabilang hinlalaki sa aking sentido nang nakalahad ang kamay sabay labas ng aking dila, medyo iginewang ko pa ang aking bewang gaya ng mga nakikita kong bata kapag nag-aaway-away sila. Nang maramdaman kong maglalakad siya patungo sa akin, kumaripas akong muli ng takbo, ngunit di ko namalayan na may pampasaherong jeep na biyaheng 3M ang paparating sa direksiyon na aking tinakbuhan, di ko na ito naiwasan. Biglang nagdilim ang aking paningin. Ang tanging naaalala ko, tumatakbo ang babae patungo sa aking kinaroroonan at humihingi nang saklolo.

oOo

Bigla na lang bumalik ang alaala ko kay Morlong. Pinaslang siya ng mga walang awang tao. 

Awang-awa ako sa kaniya nang araw na iyon. Naliligo siya sa sarili niyang dugo, di makapag salita habang kalong-kalong ko siya, maging ako ay naliligo na rin sa dugo. 

“Ayon siya!” isang malakas na sigaw ang aking narinig mula sa aking likuran. Paglingon ko, nakita ko ang mga tambay sa may kanto, mga ale na nagtitinda ng kung ano-ano, ang mga aleng nagtsitsismisan sa kung saan, lahat sila may hawak na pamalo.

“Siya! Siya ang pumatay!” sigaw ng isa pa.

Sinubukan kong sabihing hindi ako pero parang narinig ko si Morlong na sinasabing “tumakbo ka na” 

Pinagbibintangan pa akong pumatay sa sarili kong kaibigan, wala akong magawa kundi ang tumakbo. Walang lingon at walang tigil, hanggang mahapo at mapadpad sa lugar na ito.

Sinumpa ko pa mandin sa aking sarili na ipaghihiganti ko siya. Pero paano? Ni hindi ko alam kung sino ang gumawa no’n sa kaniya. At ang masaklap ay ang alam ng ibang tao ay ako ang pumatay. 

oOo

Gaya nang mga nagdaang araw masaya naman ang kinalabasan ng aking umaga. Pero may kakaibang nangyari.

Pagdilat ko ng aking mga mata, wala nang ibang tao sa paligid, tanging ako na lang mag-isa. Di ko alam kung nasa’n ako, ang tanging nakikita ko ay ang dalawang espasyo sa aking harapan. Sa isang banda ay puting-puti na silid kung saan may naririnig akong mga awitin, habang sa kabila naman ay madilim kung saan sigawan ang namamayani.


Suso Mo Inday

Matambok mong hugis,
Kaaya-ayang dulo,
Malambot mong laman,
Na kay sarap sipsipin.
Kinahuhumalingan
Ng mga bata,
Kahit kababaihan
Lalu ng mga kalalakihan.
Oh suso mo Inday
Malaman,
Masarap,
Masustansiya.

Kailan ulit matitikman?
Humayo na rito at ipatikim
Mga suso mo Inday
Na nahuhuli sa inyong palaisdaan.

Thursday, April 14, 2016

Kung Dumating ang Araw

Kung dumating ang araw
Na hindi na ako mag-iisa
Sa pag-aabang ng pagsikat at paglubog ng araw,
Sa pagbibilang ng mga bituin.

Kung dumating ang araw
Na hindi na ako sa hangin bubulong
Ng pagmamahal.
Kapag hindi na lamang ang sikat ng araw
Ang mainit,
Kundi maging ang titig ng buwan,
Igagapos kita
Sa aking mga bisig.
Ikukumot ko sa'yo
Ang aking katawan.
Ipaparinig ang bawat pintig
Ng pusong kaytagal naghintay
Sa iyong pag-ibig.

Kung dumating ang araw
Na hindi na ako mag-iisang
Ihahatid ng aking higaan
Sa ibang mundo.
Dahil nariyan ka na
Dalawa na tayong gagawa
Ng panibagong daigdig.
Kung saan natin matatagpuan
Ang ninanais ng ating mga puso,
Kung saan aalpas
Ang magkatalik nating puso't kaluluwa.
Doon, kung saan tayong dalawa
Ay hihimlay.

Nang Hawakan Mo ang Aking Kamay

Nang hawakan mo
Ang aking kamay,
Tumibok ang puso ko.
Hindi ordinaryong tibok,
May halong galak,
May halong pananabik
Dahil matagal-tagal na rin
Nung huling pagpintig nito.

Ngunit,
Nang subukan
Kong humawak sa iyong kamay
Bumitaw ka,
At humawak sa iba.

Gusto Kong Tanungin Mo Ako

Gusto kong tanungin mo ako
Ng mga bagay
Na hindi kayang ipaliwanag
Magdamag.
Para sa akin lang ang oras mo.

Gusto kong kulitin mo ako
Sa mga bagay
Na hindi mo alam.
Kahit magmukha akong tanga
Kung hindi ko alam ang sagot.
Basta akin lamang
Ang oras mo.

Pero hindi ka nagtanong,
Hindi ka nangulit.