Sunday, April 17, 2016

Ito ba ang Langit?

Third place maikling kwento category in 7th Gawad Emman Lacaba, the College Editors Guild of the Philippines Annual Literary contest. 2011

Ako si Demonyito at ito, ito ang kwento ng buhay ko.

Gaya nang mga nagdaang araw masaya naman ang kinalabasan ng aking umaga. Pero may kakaibang nangyari.

oOo

Hingal pa ako ngunit may ngiti sa aking labi dahil may makakain ako ngayong umaga. Ang paborito ko, kalamay ube. Isang mahabang habulan pa ang nangyari sa amin no’ng ale, ‘yong nagtitinda ng kalamay na kinuha ko, bago ko siya natakasan. Habang hinahabol nga ako isinisigaw pa niya ang aking pangalan “ Demonyito ka! Wag kang pahuhuli sa akin at mapapatay kita!” galit na galit ang matanda buti na lang mataba siya kaya hindi nakahabol.

May ipinagtataka lang ako. Halos lahat ng tao kakilala ako. kung minsan may iba ring ipinapangalan sa akin gaya ng, hayop, hampas lupa, bastardo at marami pang iba. Pero karaniwang tawag sa akin ng mga tao ay ang pangalan ko: Demonyito. Gano’n din ang tawag ng mga magulang ko sa akin dati. May naaalala akong tawag sa akin ni inay dati eh,… parang,… Jepri? Ay, ewan, di ko na maalala, napakabata ko pa kasi noon.

Tapos ko nang kainin ang kalamay ko nang naglalakad ako papunta sa aking tulugan, sa ilalim ng tulay. Aquino Bridge ang tawag ng mga tao rito sa Tarlac sa tulay na iyon. Ipinangalan daw sa isang dating presidente. Hindi ko siya kilala. Wala rin akong pakialam kung ano man ang itawag nila. Basta ako, doon ang bahay ko. Doon lang kasi ako pwedeng matulog. Sa mga daan kasi ay may iba ng nagmamay-ari, katulad kong mga bata, ang ilan mga may edad na. Ang swerte nga nila, e, buti pa sila may pagmamay-ari na sila na ipinagtatanggol sa mga gustong umangkin. Pero alam ko, pagdating ng araw, magiging akin din ‘yong ilalim ng tulay, matagal na akong nakatira roon, wala pa naman ang nagpapa-alis sa akin at sinasabing akin ‘yan. At kung mangyayari man iyon, e, maaari ko na sigurong ipagtanggol ito. May karapatan na akong angkinin ang lugar na iyon, sa tinagal-tagal ba naman na roon ako tumira, ‘yon ang batas na alam ko.

Sa aking paglalakad palabas ng Plazuela ng Tarlac na kaharap ng katedral na nasa kabilang kalsada, ay may lumapit sa akin na babae, medyo may edad na. Hindi ko alam kung ilang taon na, basta maganda siya. Napakalinis at napakaputi ng kaniyang damit na mahaba. Nakangiti siya habang lumalapit sa akin. Napa-atras ako, baka kasi may balak siyang masama sa akin. Siya lang kasi ang ngumiti sa akin ng gano’n.

“Bata!” tawag ng babae. Lalo akong natakot sa tawag niya sa akin, siya lang ata ang tumawag sa akin ng ganoong pangalan.

“Hindi Bata ang pangalan ko!” matigas pa nga ang pagkakasagot ko para malaman niyang hindi ako takot sa kaniya.

“Anong pangalan mo?” nakangiti pa rin niyang tanong.

“Demonyito!” mariin kong sagot. Lalo pa siyang napangiti sa aking sinagot. Wala namang nakakatawa sa sagot ko, baka nga may masama siyang balak sa akin!

Parang gusto ko nang kumaripas ng takbo, buti pang magalit siya gaya ng ginagawa ng ibang tao sa akin, tawagin ng kung ano-anong pangalan, habulin ng itak at kung ano-ano pa, kesa kausapin ako nang gano’n at ngitian na parang may masamang balak. Tinanong naman niya kung ano ang pangalan ng mga magulang ko at kung saan ako nakatira.Nag-isip ako, naaalala ko noon, may katagalan na rin noong huling araw ko sa aming bahay, taon na siguro ang nakalilipas, hindi ko kasi alam magbilang,at hindi ko rin alam kung paano bilangin ang taon.

Ayon sa aking pagkaka-alala, sa tuwing nag-uusap si Inay at Itay, hiyawan, gaya nang pag-uusap ng mga kapit bahay. Kung minsan nagsusuntukan pa sila kung mag-usap. Tinatawag ni Itay si Inay na Demonya, tapos tawag naman ni Inay kay Itay Demonyo, tapos bigla nila akong hahanapin, “ Nasa’n na ba ang demonyito mong anak?”

Tapos noong huling araw ko sa aming bahay narinig ko si Itay, “Makalayas na nga sa impiyernong bahay na ito!” napakalakas ng boses ni Itay noon, manghang-mangha ako sa kaniya. Tapos sinuntok  pa niya si inay sa tiyan gaya ng nakikita ko sa TB. Idolo ko si itay kaya ginaya ko siya.

Sumigaw rin ako nang malakas “Lalayas na rin ako sa impiyernong bahay na ito!”

“Lumayas ka kung gusto mo! Mabuti pa nga at nang magkaroon ako ng kalayaan mula sa pagkakagapos sa putanginang buhay na ito!” sagot naman ng aking ina sa akin.

At mula noon sa kahabaan ng F. Tanedo na ako tumira. Nagpalaboy-laboy sa lansangan namalimos noong una, ngunit wala pala akong mapapala sa pamamalimos. Buti na lang at may nakilala ako, si Morlong, mas matanda sa akin ng, ilang taon nga ba? Hindi ko alam.

Ang sabi niya sa akin, magnakaw raw ako. Hindi ko alam kung anong ibig niyang sabihin noong una, kaya ipinakita niya sa akin kung paano gawin iyon. Siyempre sa unang pagkakataon ay nahuli ako. Sobrang galit na galit sa akin ‘yong mama na pinagnakawan ko. Hindi ko siya maintindihan kung bakit galit na galit siya, e, pinagnakawan ko lang naman siya. Malaking tao ang una kong ninakawan, at sa kaniya ko natikman ang unang bugbog sa aking buhay. Hindi pala dahil palagi rin akong binubugbog ng aking ama noon, ito ang totoo, sa kaniya ko natikman ang mabugbog na halos ikamatay ko. Halos di ako makagalaw nang iwan niya akong nakahandusay sa liblib na eskinita ng Matatalaib. Buti na lang at nakita ako ni Morlong, tinawanan pa niya ako habang binabatukan “Tanga ka talaga!  Dapat galingan mo kasi. Huwag kang papahuli,” naaalala ko pang binanggit niya sa akin.

“Bakit ba galit na galit siya?” Pinilit kong magsalita kahit hirap na hirap na ako sa sitwasyon ko.

“Dahil pinagnakawan mo siya,” simple niyang sagot.
“Di ko pa rin maintindihan,” muli ay pinilit ko ang aking sarili sa pagsasalita.

“Alam mo kasi,” tumingin siya sa akin, napukaw na ang kaniyang pagkakangiti. “May mga taong gahaman sa pera, ayaw nilang magbigay o mawalan ng pera, kaya galit na galit sila kapag pinagnanakawan sila ng mga kagaya natin. Ang sabi nila masama daw kasi ang magnakaw, pero tingnan mo naman, ang daming pulitiko ang nagnanakaw sa kaban ng bayan, hindi nila binubugbog kagaya nang ginawa sa’yo. Kung pwede silang magnakaw ba’t tayo hindi? E, maliit lang naman ang ninanakaw natin,” napakatiim ng kaniyang pagkakatingin sa akin. Kahit di ko siya lubusang naiintindihan nang mga araw na iyon alam ko sa sarili ko na tama ang kaniyang mga sinabi.

oOo

Bumalik ang ulirat ko sa kasalukuyan sa pag uulit ng babae sa kaniyang tanong.

“Demonyo si Itay si Inay naman Demonya!” sagot ko, nakita ko ang gulat sa  kaniyang mukha matapos niyang marinig ang sagot ko, tapos bigla siyang nalungkot. Natuwa naman ako, di ko napigilan ang aking tuwa at napangiti ako sa kaniyang harapan. Dahil do’n ngumiti rin siya at humawak sa aking ulo,“Ikaw talagang bata ka” sabi niya at marahan pa niyang ginulo ang magulo ko ng buhok. Sa sobrang gulat ko iwinaksi ko ang kaniyang kamay nang napakalakas. Narinig ko pa nga siyang umaray, ngunit ngumiti pa rin pagkatapos kahit matalim na ang pagkakatingin ko sa kaniya.

“Sa’n ka nakatira?” muli niyang tanong.

“Sa impiyerno rati, pero ngayon diyan na ako sa ilalim ng tulay nakatira!” matigas pa rin ang pagkakasagot ko sa babae.

Nang muli niya akong hahawakan, kumaripas na ako ng takbo, sa sobrang takot, palipat sa kalsada, palayo sa babae. Nang medyo nakalayo na ako, tumigil ako at lumingon sa kaniyang direksyon. Di pa rin siya gumagalaw at nakatingin pa rin sa akin. Di ko talaga lubos maisip kung bakit gano’n ang turing sa akin ng Ale, kaya sa sobrang galit at pagka inis ko sa kaniya ay inilagay ko ang aking magkabilang hinlalaki sa aking sentido nang nakalahad ang kamay sabay labas ng aking dila, medyo iginewang ko pa ang aking bewang gaya ng mga nakikita kong bata kapag nag-aaway-away sila. Nang maramdaman kong maglalakad siya patungo sa akin, kumaripas akong muli ng takbo, ngunit di ko namalayan na may pampasaherong jeep na biyaheng 3M ang paparating sa direksiyon na aking tinakbuhan, di ko na ito naiwasan. Biglang nagdilim ang aking paningin. Ang tanging naaalala ko, tumatakbo ang babae patungo sa aking kinaroroonan at humihingi nang saklolo.

oOo

Bigla na lang bumalik ang alaala ko kay Morlong. Pinaslang siya ng mga walang awang tao. 

Awang-awa ako sa kaniya nang araw na iyon. Naliligo siya sa sarili niyang dugo, di makapag salita habang kalong-kalong ko siya, maging ako ay naliligo na rin sa dugo. 

“Ayon siya!” isang malakas na sigaw ang aking narinig mula sa aking likuran. Paglingon ko, nakita ko ang mga tambay sa may kanto, mga ale na nagtitinda ng kung ano-ano, ang mga aleng nagtsitsismisan sa kung saan, lahat sila may hawak na pamalo.

“Siya! Siya ang pumatay!” sigaw ng isa pa.

Sinubukan kong sabihing hindi ako pero parang narinig ko si Morlong na sinasabing “tumakbo ka na” 

Pinagbibintangan pa akong pumatay sa sarili kong kaibigan, wala akong magawa kundi ang tumakbo. Walang lingon at walang tigil, hanggang mahapo at mapadpad sa lugar na ito.

Sinumpa ko pa mandin sa aking sarili na ipaghihiganti ko siya. Pero paano? Ni hindi ko alam kung sino ang gumawa no’n sa kaniya. At ang masaklap ay ang alam ng ibang tao ay ako ang pumatay. 

oOo

Gaya nang mga nagdaang araw masaya naman ang kinalabasan ng aking umaga. Pero may kakaibang nangyari.

Pagdilat ko ng aking mga mata, wala nang ibang tao sa paligid, tanging ako na lang mag-isa. Di ko alam kung nasa’n ako, ang tanging nakikita ko ay ang dalawang espasyo sa aking harapan. Sa isang banda ay puting-puti na silid kung saan may naririnig akong mga awitin, habang sa kabila naman ay madilim kung saan sigawan ang namamayani.





*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*

2 comments:

  1. Love it!

    Doon siya sa pangalawa. Iyon naman ang kinalakihan niya diba? Doon siya belong. Ahahaha!!!

    ReplyDelete