Wednesday, May 18, 2016

Mang Amado

Isang ama ang nakausap ko noong nakaraang linggo. Ipinakilala siya ng aking Kawaksing patnugot dahil isang katulad niya ang gusto kong itampok sa aking kwento. Isa siyang duktor sa buto sa Central Luzon’s Doctors Hospital (CLDH) at isa namang guro sa high school ang kanyang namayapang asawa.

Sa aking huling taon bilang estudyante at Punong-Patnugot ng aming pahayagang pang-kampus, gusto kong magtampok ng isang buhay ng isang bilanggo. Buhay ng isang bilanggo sa perspektiba ng isang magulang nang nabilanggo. 

Isa pa, sa apat na taon ko sa aming pamantasan, wala pa akong nabasa na ganitong kwento na inilathala sa kahit saan man sa mga student publications ng aming pamantasan. Bawat kulehiyo ay may sariling student publication, bukod sa aming University Publication. Gusto kong ilapit naman ang ganitong uri ng kwento ng lipunan sa Tarlac State University. Kahit sa aming kulehiyo lamang. Ang Kulehiyo ng Pangangalakal at Pagtutuos.

Hindi pa ako nakapasok ni minsan sa isang kulungan, palibhasa wala ni isa sa mga kamag anak ko ang nakulong na o nasa kulungan. Kaya naman hindi ko pa alam kung anong itsura nito bukod sa mga ipinapakita sa mga pelikula: masikip, maingay, magulo mabaho, at may manaka-nakang patayan.
Ayon sa aking kaibigan na Jail Guard sa Tarlac Provincial Jail sa Dolores Tarlac, maganda na raw ang buhay ng mga preso sakaslukuyan. Sapat na ang kinakain, may maganda at maayos na palikuran, may iba’t ibang aktibidad na pinagkakaabalahan, gaya ng mayroong basketball court sa loob. Sikat din ang Cebu Dancing Inmates sa ngayon dahil sa kanilang pagsayaw.

May mga naririnig pa nga ako na may mga nabibigyan ng pagkakataon na magbagong buhay kaya pinapalaya, at dahil sa hirap ng buhay, at wala na silang pamilya pang babalikan o pamilyang tatanggap sa kanila, gumagawa ulit sila ng krimen para makulong ulit at doon sa loob na magpapatuloy ng buhay. Mas maganda pa raw ang buhay sa loob kesa sa labas. Sa labas, kailangan nilang magtrabaho para kumain, ngunit wala namang gustong tumanggap sa kanila, nagugutom sila. Sa loob, kahit hindi gaanong nabubusog, at least kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Marahil nga. May mga ganitong kwento. Maganda na kung may maganda silang buhay sa loob, pero hindi lahat ay positibo.

Pero hindi matatawaran ang mainit-init pang balita tungkol sa mga buhay hari sa New Bilibid Prison. May sariling mga kwarto at palikuran; kumpleto sa gamit: telebisyon, aircon, electric fan, ref at kung ano-ano pa. Mala-hotel na kulungan? Ang lubos na nakakapagpainit ng pundilyo ay ang mga dekalibreng armas na natatagpuan sa mga kwartong ito. Mula labas hanggang sa loob: Hindi patas ang buhay. Aasa pa ba?

Marami pa rin ang nakukulong na walang kasalanan. Inhustisya. Walang perang pambayad sa magaling na abugado o pantapat sa ibinayad sa huwes. Gasgas na ang kwento, pero patuloy pa rin na nangyayari. Mas matimbang talaga ang kayamanan sa katotohanan. Ito ang katotohanan sa likod ng malawakang kampanya na just and fair pagdating sa hustisya. Nakakaburyong. Nakakabaog. Isang malakas na buntong hininga na lamang ang ginagawa ko minsan sa tuwing makakarinig o makakabasa ako ng ganitong kwento.

Hindi ko sila kayang ipagtanggol. Wala akong kayamanan, wala akong kapangyarihan, wala ako sa posisyon. Wala akong ibang magagawa kundi isulat kung ano ang mga nalalaman kong katotohanan na ayaw harapin ng maraming Pilipino.

Pero teka lang. Kahit ano naman ang gawin namin sa pagsusulat kung wala namang babasa sa amin, dahil wala namang pakialam ang mga tao na nakapaligid sa amin lalong-lalo na ang mga kabataan na mas pinoproblema pa ang kanilang kulay ng balat. 

Wala. Mas masarap ang humilata na lang at hayaang mangyari ang mga dapat mangyari. Mas masarap ang makipag umpugan ng bote sa mga kaibigan habang pinaguusapan ang mga walang kwentang bagay. Mas masarap magpalaki ng titi habang naghihintay ng magandang kapalaran na babagsak na lamang bigla sa ating harapan. Mas masarap ang magkamot ng bayag habang pinapanood ang mga sitcom sa telebisyon. Mas masarap ang manahimik na lang sa lahat ng bagay: manahimik sa klase kung hindi na alam ng reporter ang kanyang nirereport, o ang guro sa kanyang itinuturo, manahimik sa mga nalalamang kabulukan ng gobyerno. Mas masarap makipag titigan na lamang sa karelasyon. Mas masarap siyempre kung habang nagtititigan kayo ay pareho kayong naghuhubaran. Maraming masarap gawin sa buhay, kaya huwag na lang problemahin ang problema sa lipunan. Sino ba ang ayaw sumarap ang buhay?

Pero gusto kong makapag ambag sa pagbabago. Kahit konti lang. Kahit hindi maramdaman ng karamihan. Gusto kong maka-ambag sa pagbabago, hindi dahil ito ang idinidikta ng iba, kundi dahil ito ang alam kong tama.

Pumunta ako sa CLDH para makapagpa-schedule sa Duktor. Agad naman niya akong pinagbigyan at sa bahay pa mismo nila niya gustong kapanayamin ko siya.

Dumating ako sa takdang oras at araw na sinabi niya. Madali lang naman hanapin ang kaniyang bahay dahil sa tabi lamang ito ng highway at kilala naman pala siya ng mga drayber ng jeep. Sinabi ko na sa bababa ako sa bahay ni Mang Amado, ayon sa bilin niya at ibinaba na ako roon.

Naroon na siya sa kanilang gate noong bumaba ako. Marahil ay hinintay na niya talaga ako. Agad niyang binuksan ang gate para makapasok ako.

Malawak ang kanilang hardin, ngunit may karumihan na at ang ilang mga halaman ay nangamamatay na. Halatang hindi na naaalagaan. Nakabakod din ang buong compound. Kitang-kita na may kaya ang kanilang pamilya. Malaki ang two-story house. Malaki ang main door ng bahay. Hindi lang ito basta tabla, may mga nakaukit na tila maliliit na dahon o anupaman. Pinaupo niya ako sa kanilang sopa pagkapasok. Maluwang ang sala, may malakaing flat-screen TV, may sala set na sa tingin ko ay gawa sa Narra, may maliit na center table, kapares nang mga upuan, may mga muwebles na hindi ko pa nakikita sa ibang bahay na napuntahan ko na. Pero mahahalatang mag-isa na lamang siyang namumuhay sa kanilang bahay. Walang kurtina, walang buhay ang bahay. Walang babaing nakatira. Iniwan ako saglit para kumuha raw ng maiinum. Noong mailapag na niya ito, nagumpisa na siyang magkwento.

Siya si mang Amado (ito ang gusto niyang itawag ko dahil ito raw ang tawag sa kanya ng karamihan) na taga Anupul, Bamban, Tarlac. May anak na babae: matalino, maganda. Valedictorian sa public high school sa kanilang lugar. Siya ang aking subject.

Tuwang-tuwa raw si mang Amado dahil nabalitaan niyang isang manunulat pang kampus ang kanyang nagiisang anak sa high school. Lumalaban kung saan-saan bitbit ang pangalan ng kanilang paaralan at ang kanilang pangalan. Nananalo at naguuwi ng karangalan. Pinupuri, hinahangaan ng mga estudyante at mga guro.

Hindi lamang siya matalino, maganda rin. Dahil sa angkin nitong kagandahan marami ang nanligaw sa kanya, kwento ni mang Amado. Nililigawan sa paaralan, sa daan at kahit papaano ay may naglalakas ng loob na manligaw sa kanilang bahay. Karamihan, kasing edad niya, mga kaklase, kamag aral at maging ang kanilang ilang kapitbahay na nasa kulehiyo na. Nabalitaan pa nga niyang may anak ng politiko ang pumuporma sa kanya.

“Ganyan kaganda ang anak ko! Lahat nahahalina!”may halong pagmamalaki ang kanyang ama habang ikinukwento niya ito. “Siya rin ang kumakatawan sa school nila sa mga beauty pageant” dagdag pa niya.

Sa kwento nila parang gustong-gusto ko nang makilala ang kanilang anak.

At dahil nga raw sa kagandahan niya, pagka-graduate niya sa high shool ay isa sa mga binata niyang guro ang nagsabi ng kanyang pagibig-- kay mang Amado mismo. Wala naman daw siyang tutol sa kung sino man ang manligaw sa kanyang anak. Laki sa luho raw ang kanyang anak, “tamang luho” pagtatama niya.

“Marunong umintindi ang anak ko, hindi kagaya ng ibang pinalaki sa luho na laki sa layaw,” may kislap pa sila sa kanilang mga mata. Sa aking pagtingin, kislap ito ng panghihinayang.

“Si Cloe (pangalan ng anak niya) ang tumatanggi sa mga manliligaw niya. Hindi ako. Ayaw kong maging rebelde ang anak ko dahil sa paghihigpit. Si Vergie ang medyo mahigpit noon. Pero bago pa siya nakatapos sa sekundarya, naratay ang asawa ko, namatay sa colon cancer,

“Malakas at matibay ang loob ng anak ko, hanga ako sa kanya. Imbes na ako ang umalo sa kanya, siya pa ang umalalay sa akin sa pagkamatay ni Vergie.

“Kumuha siya ng Political Science sa UP-Diliman. Pumasa siya doon! Sigurado ako noon, proud na proud si Vergie sa kabilang buhay, baka sinasabi pa niya kay San Pedro ‘anak ko yan!’ ganun niya ipagmalaki ang anak namin. Marahil ibinibida rin niya sa aking mga yumaong biyenan ang kanyang anak noon.” Bahagya silang pumikit, marahil ay inilalarawan nila sa kanyang utak ang itsura ng kanyang asawa habang ipinagmamayabang niya si Cloe sa kanyang mga biyanan.

“Hindi natapos sa high School ang pagsusulat niya. Balita ko pumasa siya sa school paper sa UP. Philippine Collegian ata ang tawag nila doon. Masayang-masaya siya noong ibinalita niya sa akin minsang umuwi siya. Nasa unang taon pa lamang siya noon,” bahagya silang ngumiti. Marahil inaalala kung ano nga ba ang naging pakiramdam nila noong ibalita ito ni Cloe.

“Hindi ko alam na bukod sa pagaaral at pagsusulat ay may iba pa pala siyang pinagkakaabalahan. Ang pagra-rally. Hindi ko alam na sumasama pala siya sa mga rally-rally sa loob at labas ng paaralan. Kung saan-saan napapadpad. Minsan nalaman ko na nanggaling pala sila rito sa Hacienda Luisita, ni hindi man lang ako dinaanan gayong isang buwan na siyang hindi umuuwi. Dati-rati kahit nahihirapan siya lingo-lingo siyang umuuwi. Kung minsan naman dalawang beses sa isang buwan,” may halong hinanakit ang tinig nila.

“Nang minsang tanungin ko siya kung kailangan ba talaga niyang gawin ang mga pinaggagagawa niya, sagot lang niya, ‘dad, mas marami kang matututunan sa labas ng apat na sulok ng paaralan’. Nakangiti siya habang sinasabi niya iyon. Punong-puno ng pangarap. Hindi na ako nagtanong pa. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kailangan pa talaga niyang sumama sa mga rally,” tumigil sila sa pagkukwento, gusto ko man silang sagutin: kahit ako po noon, hindi ko po sila maintindihan, pero noong napasama ako sa kanila, parang mas naintindihan ko na. Ang magandang sagot para maintindihan sila e maging bukas ang isip higit ang puso. Makisalamuha sa mga lipunang inaapi. Pero mas pinili ko na lamang manahimik, baka may itanong sila na hindi ko kayang sagutin. Mahirap din kasing ipaliwanag ang sitwasyon namin. Lalo na sa kagaya kong totoy pa lamang sa pakikibaka.
Ang kwento ni Cloe ay iisa lamang sa napakaraming kwento ng mga kagaya niya, marami na rin akong nabasang ganitong kwento pero ito ang unang beses kong makasalamuha ang nagmamay ari ng kwento. Hindi. Ama pala ng nagmamay ari ng kwento.

“Nagumpisang bumaba ng kaunti ang kanyang mga grado. Mataas pa rin naman kesa sa karamihan, pero ayon sa ilang kaibigan niya na pumunta na rito, kung mami-maintain daw niya ang kanyang grado ay maaari siyang maging cum laude. Kaya medyo nalungkot ako noong bumaba ng bahagya ang kanyang mga grado. Sino ang may ayaw sa cum laudeng anak at sa UP pa galing? Pero ganun pa man, bilang nagiisang magulang niya, hindi ko ipinaramdam na masama ang loob ko na baka hindi na matupad ang pangarap ko na magkaroon ng anak na UP graduate at cum laude. Gusto kong iparamdam na mahal na mahal ko siya at kahit anong mangyari ay mamahalin ko siya,” nanggigilid ang kanilang mga luha habang kinukwento nila ang nakaraan pero halatang nagpipigil sila.

“Pero isang araw umuwi siya at sinabing hindi na siya magaaral sa paaralan, pero ipagpapatuloy niya ang pagaaral sa lansangan kasama ang mga totoong nakakaintindi ng mga nangyayari sa lipunan. Hindi ko talaga siya maintindihan noon!” tumigil ulit sila sa pagkukwento. Hindi tumuloy ang kanilang iyak. Marahil nagpipigil o matagal na niyang iniiyak ang mga bagay na ito.

Ako, wala akong ibang masabi. Wala akong ibang alam gawin kundi ang lagukin ang huling laman ng softdrink sa baso na iniharap niya sa akin kanina para maalis ang namuong bara sa lalamunan ko, o bara sa aking puso? Ewan, basta mabigat sa pakiramdam.

“Pagkatapos noon paalis-alis na siya rito sa bahay,” pagpapatuloy nila sa kwento. “Isa, dalawa, tatlong araw siyang nawawala noong una. Naging linggo sa mga sumunod. Ayaw niyang sabihin sa akin kung saan sila nagpupunta,” tumingin sila sa akin, parang nagtatanong, naghahanap ng sagot sa lahat ng nangyari. Wala akong alam gawin kundi ang tumingin din sa kanila. Naghihintay sa kanyang sasabihin.

“Marahil kasalanan ko rin, kulang siguro ang pagmamahal at ibinigay kong atensiyon kaya naghanap siya sa iba. Maaari ring nasobrahan kaya? Baka may mali sa akin kaya siya naging aktibista,” ito ang unang beses na binanggit nila ang salitang aktibista.

 “Hindi po siya naging aktibista dahil may mali sa inyo, naging aktibista po siya dahil may mali sa lipunang kanyang ginagalawan, ating ginagalawan.” Sagot ko. Patlang. 

“Pero kasama ako sa lipunan,” sagot nila sa akin. Tama naman sila, oo nga, kasama siya, ako, sila at ang lahat ng tao. May partisipasyon ang bawat isa kung ano ang uri ng lipunan ang meron tayo. Hindi na ako muling nagsalita pa.

Ilang minuto pa ang nakararaan ay nagpaalam na ako dahil may klase pa ako ng alas sais ng gabi. Alas kwatro pa lang naman pero kailangan ko ng umalis. Isang oras din kasing mahigit ang biyahe sa jeep pabalik sa TSU. Sayang, gusto ko na sanang tapusin ang kwento pero kailangan kong umabot sa klase. Sinabi ko na lamang na babalik ako para sa buong kwento. Nagpasalamat ako dahil pinaunlakan nila ako sa isang panayam kahit na may trabaho sila. Ganun din sila, nagpasalamat sa akin. Kung ano man ang gusto nilang ipagpasalamat, hindi ko na tinanong. Pero bago ako umalis ay binigyan niya ako ng larawan ni Cloe. Kuha ito sa isang studio kasama ang kanyang ama. Tama, hindi lang  nagmamayabang ang kanyang ama, maganda nga talaga si Cloe. Kinuha ko ang kanilang cellphone number para kung sakaling babalik ako ay maabisuhan ko sila.

Nag text ako kay Mang Amado dalawang araw bago ang sumunod na punta ko para tapusin ang kwento: Pagkatapos ng kulang isang buwan. Wala akong natanggap na sagot pero tumuloy pa rin ako.
 Sarado na ang gate ng bahay. Sumilip ako sa gate, kung noong una kong punta ay mukhang matagal ng hindi nalilinisan ang hardin, ngayon, higit pa roon. Mukhang wala ng nakatira. Pumunta ako sa katabing tindahan para bumili ng tubig, pero ang sadya ko talaga ay magtanong tungkol kay Mang Amado. “Namundok na si Mang Amado. Ginaya niya yung anak niya! Naku, duktor na naturingan, hindi alam kung ano ang ginagawa! Ano bang napapala sa pamumundok nila?!” sagot ng tindera.

Hindi ko na pinakinggan ang iba pa nilang sinabi. Puro panlalait na lang kasi. Wala silang alam.

Nalungkot ako. Marami pa ang kulang sa kwento, marami pa akong dapat tanungin kay Mang Amado. Paano nakulong si Cloe? Saan? At nasaan na siya ngayon? Buhay pa kaya? Ayaw kong magtanong sa kung sino lang. Baka kung ano lang din ang makuha kong kwento. Mga kwento ng mga taong hindi lubos na nakakaunawa sa mga nangyayari sa lipunan.

Pero okay na rin siguro. Marahil, naintindihan na ni Mang Amado ang dahilan ni Cloe. Nasagot na rin siguro ang kanilang mga tanong. Pero sayang, hindi ko man lang nakilala si Cloe. Ako naman ngayon ang may mga tanong na pilit hahanapan ng sagot.