Thursday, June 16, 2016

Grotto of Our Lady of Lourdes: Tanda ng Anim na Dekada ng Pananampalataya

Ito ang kauna-unahan kong Travel Essay (o kung Travel Essay nga ba ito). Isa itong Proyekto namin ng Travel Buddy ko na si Jay upang libutin at ipakilala ang bayan ng Tarlac.




Sangayon sa nagtitida sa tuktok ng bundok, sa gitna ng 1950-1953 ipinatayo ng isang gobernador ang Groto. Siya ay si Gobernador Lugay. (hindi na niya sigurado ang pangalan ng gobernador, pero ayon sa website na https://ischoolssparaan.wordpress.com/provincial-governors-profiles/ ang Gobernador noong panahong iyon ay si Gobernador Arsenio Lugay, 1954-1963)

Matatagpuan ang Grotto of Our Lady of Lourdes sa Brgy. Lourdes, Anupul, Bamban Tarlac.

Mula sa kanto, kailangan mong maglakad ng lima hanggang 15 minuto para marating ang paanan ng bundok. maluwang ang daan kaya pwede kang maglakad na pagewang-gewang (iwasan lang ang mga sasakyan at huwag mag astang baliw o mayabang baka kuyugin ka ng mga residente).


View habang papalapit ka sa paanan ng bundok.



Hindi agad makikita ang Gotto sa mismong kanto, pero makikita ito sa Mc Arthur Highway sa parteng hindi nahaharangan ng mga puno. Makikita mo ito mula sa kanto pagkatapos  ng ilang hakbang. Madadaanan mo rin ang ilang mga bahay. Maging sa paanan ng bundok ay may mga residente na.



View Mula sa Paanan ng Bundok.


171 na bahagdan ang nabilang namin ng aking travel buddy na si Jay. 171 na bahagdan ang kailangan mong akyatin para marating ang imahen ng Our Lady of Lourdes sa itaas. Matatagpuan din sa itaas ang isang tindahan na siyang nagsabi sa amin kung kelan ito ipinagawa.

171 na bahagdan kayat iminumungkahe kong magdala ng inumin (pero pwede rin namang bumili sa tindahan) dahil tatagaktak ang iyong pawis (lalo na kung pawisin ka na gaya ko).



Selfie muna bago akyatin ang hagdan.


Ito ang bubungad sa iyo kapag naakyat mo na ang hagdan.

Bungisngis.

Tagumpay ang pag-akyat!


Sulit ang pagod pagkarating sa itaas. May upuan dito para pagpahingahan. dito matatanaw mo ang kalakhang Bamban at Pampanga. Sa harapan (lampas ng Mc Arthur Highway) makikita mo ang ilang kumpol ng puno ng akasya. sa dako pa roon ay ang South Luzon Expressway (SLEX) sa kanan ay ang sikat ding Hanging Bridge na naguugnay sa Tarlac at Pampangaat ang Bundok ng Arayat, sa kaliwa naman ay isang bundok.


Right side view from the top.

Left side view from the top.


Pwede kang maglimi, manalangin habang nagtitirik ka ng kandila kung ikaw ay isang Romano Katoliko o manahimik lang habang nakatanaw sa ibaba o magbasa ng aklat habang naaamoy ang halimuyak ng bulaklak ng Rosal na nakatanim sa paligid.


Lugar kung saan nagtitirik ng kandila ang mga dumarayo dito.


May ilang mga Rosal na matatagpuan dito na nagbibigay halimuyak sa paligid


Hindi pa ito ang pinakatuktok ng bundok (pero hindi na ako umakyat sa summit) may daan papunta sa tuktok sa bandang kanan (kapag nakaharap ka sa imahen), si Jay lang ang umakyat kaya siya na lang ang magkukwento. Pero ilalagay ko na rin dito ang mga larawan na kinuha niya habang paakyat siya at nung ng nasa itaas siya.


Daan Paakyat sa pinakatuktok ng bundok. Ang putol na istruktura ay ang tindahan.

Daan Paakyat sa pinakatuktok ng bundok.

Yung tatlong Krus daw ang pinakatuktok.

Nakakalungkot, may mga nakasulat sa mga Krus.

View sa pinakatuktok.

View sa pinakatuktok.


Hapon na kami pumunta ng aking Travel Buddy na si Jay, ito ang magandang oras ng pagpunta dahil nasa likuran na ng bundok ang araw. Maganda rin siguro na madaling araw ka umakyat at abangan ang pagputok ng bukang liwayway sa silangan dahil nakaharap ang grotto sa silangan.



Daan papuntang Japanese Cave


Bago ka tuluyang umakyat sa may imahen, mainam din na daanan muna ang Japanese Cave. Nasa bandang kaliwa ito habang paakyat sa hagdan. Hindi namin alam ni Jay na papuntang kweba ang aming pinupuntahan dahil putol ang plaka na nakalagay sa puno (tingnan ang nasa itaas na larawan). Tinanong pa niya ako kung ano ang gagawin ko doon ang sagot ko lang: "kung ano ang meon dito", hanggang sa marating na namin ang kuweba.


Japanese Cave sa Grotto


Tinangka namin itong pasukin pagkatapos ng ilang selfie ngunit takot si Jay dahil madilim at hindi namin alam kung ano ang meron sa loob. Paalis na lang kami noong may makita kaming ilang namamasyal din na papunta sa aming kinaroroonan. Inaya namin sila na pumasok noong makarating sila sa amin.



Parang gago lang ako dito.


Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok ako sa isang kuweba. Madilim sa loob, torch lang ng aming cellphone ang nagsilbi naming ilaw. Mas mababa sa loob ng kuweba kesa sa labas kaya naman napapasok ito ng tubig-ulan (tag-ulan ngayong pumunta kami) bunga nito ay may parteng putik sa pinakadulo ng kuweba. Ayos lang dahil may mga bato naman na apakan at nagsilbing tulay para marating ang dulo.Madali lang ito sa mga taong kumpleto ang paa, pero sa kagaya kong artipisyal ang isang paa ay isa itong hamon o parte ng adventure para sa akin. Para saan pa at lumaki ako sa bukid kung hindi ko ito kayang tulayan?

Sa loob matatagpuan ang isang imahen ng isang Santa (Sorry, hindi ako katoliko kaya hindi ko ito kilala) May mga nakita rin kaming tunaw na kandila at ilang mga pagkain na iniwan ng mga bumubisita (para sa imahen marahil).


Imahen sa loob ng kuweba


May teorya kami ni Jay na hindi pa talaga ito ang totoong dulo ng kuweba dahil may palitadang simento sa likod ng imahen, may nakita pa siyang isang maliit na butas sa palitada. Habang kinukuhanan niya ito ng larawan biniro ko pa siya na baka may biglang sumilip dito.

 Malapit lang ang kaloob-looban ng kuweba (pero ika nga baka hindi pa talaga ito ang dulo) kaya hindi matagal ang lakaran. Lumabas din kami agad dahil takot ang ilan naming kasama (pati rin siguro si Jay, hehehe). Ang nagpabagal lang talaga sa amin ay ang pagtulay sa mga bato. (Masaya rin siguro kung sa putikan na maglakad habang magkahawak kamay kayo ng girlfriend mo. LOL! Pero hindi rin ito pwede sa akin dahil masisira ang artipisyal kong paa at single ako sa kasalukuyan).


Butas sa nakapalitadang pader sa likod ng imahen.


Anim na dekada na ang grotto kung pagbabasehan at kung tama ang sinabi nung matanda.Sa panahong ito marahil malaki na ang mga nagbago sa dating ganda ng grotto. Isa na marahil ay ang kalinisan. Marami ang mga nakakalat na pinagbalatan ng mga pagkain. At hindi ko man narating ang summit ng bundok, nakita ko sa mga larawang kuha ni Jay na ang mga Krus na nakatirik dito ay may mga sulat. Ito ang problema ng ilang Pilipino, hindi marunong mangalaga sa kagandahan ng lugar.



Ako sa ika 100 bahagdan (mula itaas pababa) Pauwi na at tagaktak na ng pawis.


Libre lang ang pagpunta rito, walang entrance fee, wala ring tourist guide para magkwento ng history ng grotto. Ganun pa man, kung gusto mong maglimi, manalangin, o gusto mo lang gumala, maganda rin itong puntahan. Sana bisitahin niyo rin ang aming Probinsiya, ang Probinsiya ng Tarlac!

Samahan niyo rin kami ni Jay sa aming susunod na adventure sa Tarlac. Ito pa lang ang una, buwan-buwan na kami niyan lilibot sa Tarlac.


June 12, 2016




(lahat ng larawan ay pagmamay-ari ni Jay)







*If you like this essay, please subscribe. Thank you! :)*

2 comments: