Saturday, July 2, 2016

Si Gabat at si Cuja

Ang Aming mga Alagang Aso


Kahit kailan hindi kami nagkaroon ng alagang aso at pusa na may lahi. Dahil wala naman kaming perang pambili, gano’n din sa pagkain nila. Wala rin kaming pampa-groom. Kaya naman ordinaryong aso at pusa lamang ang aming inaalagaan mula pa noong magka-isip ako. Aspin lang lahat. Marami na kaming mga naging alagang aso at pusa, pero sina Gabat at Cuja ang mas tumatak sa akin.

Si Gabat, ang Aso ni Nanay

Si Gabat, ang aso ni Nanay. Kulay brown, may kakapalan ang hibla ng kaniyang mga balahibo. Walang espesyal sa kaniya, ordinaryong aso lamang. Di ko alam kung ilang taon na siya sa amin. Pero ayon kay Nanay, higit pitong na taon na siya.

Galing si Gabat sa Ate kong pangalawa sa panganay na nakatira sa Santiago, Gerona, Tarlac. Hindi naman talaga nila pag-aari si Gabat. Napadpad lamang daw siya sa kanilang bakuran at ilang araw na nilang pinapakain. Walang naghanap kaya tuluyan nang kinupkop.

Sa mga panahon na iyon, iisa na lang ang aso namin, si Whitie (kulay puti kaya pinangalanang Whitie, ang pinakamatagal naming naging aso, namatay lang dahil sa katandaan). Hiningi si Gabat ni Nanay para raw may kasama ang aming asong si Whitie. Ibinigay naman agad ni Ate. Inuwi siya ng Nanay sa bahay.

Gaya ng nakagawian, bago tuluyang makarating sa bahay, pinaupo siya sa lupa kung saan nakatanim ang puno ng malunggay na nasa likuran ng bahay. Doon, sinabi ng Nanay ko, “Dito ka iihi at tatae.” Paulit-ulit.

Matagal na naming kinagawian ito sa lahat ng alaga namin na ipinapasok sa loob ng bahay. Para daw hindi sa loob tumae o umihi. Isang ritwal na minana pa ng aking mga magulang sa kanilang mga magulang, at sinong nakakaalam kung kanino ito nag-umpisa? Pasa-pasang kultura at tradisyon, mahirap nang alisin sa aming sistema. Hindi ko na rin sigurado kung gano’n ba talaga ang orihinal na ritwal o nahaluan na ng mga pinagpasahan. Maaari ding ibang-iba na ang ginagawa namin sa orihinal na ritwal.

Pinangalanan siya ni Nanay ng “Gabat,” salitang Ilokano na ang ibig sabihin ay “inanod” o “lagalag.” Hindi naianod si Gabat pero dumating siya sa bahay nila Ate. Naglagalag siguro at hindi na niya kayang bumalik sa kaniyang pinanggalingan. Parang bagay na inanod mula sa napakalayong lugar at hindi na kayang bumalik sa pinanggalingan.

Natatawa naman ang kuya ko (ang panggitna sa aming pitong magkakapatid) dahil sa itsura ni Gabat: Napakaliit, nagmumuta, maraming kuto, mukhang sakitin, at mukhang hindi magtatagal. Halos kasyang-kasya lamang siya sa palad ko. Kaya siguro hindi na hinanap pa ng may-ari. Kung mayroon man.

Pinagtiyagaan naming alagaan ni Nanay. Si Nanay ang nagpapakain, naging kaagaw ko pa ng gatas. Ako naman ang nagpapaligo at nangunguto. Araw-araw. Nagtagal naman siya ng ilang araw, linggo, buwan at taon. Hanggang ngayon, aso pa rin namin. Buhay pa hanggang ngayon.

Noong bata pa si Gabat, sinubukan ko siyang turuan ng ilang tricks gaya ng mga napanonood ko sa TV. Sasabihin kong sit down, tapos didiinan ko ang bandang puwetan niya para mapa-upo. Bark, tapos kakahol ako. Apir, tapos kukunin ko ang kanang paa sa harapan niya at ia-apir ko sa kamay ko. Wala siyang natutuhan kahit isa. Hindi pala gano’n kadali magturo ng aso. Taliwas sa iniisip ko. Marahil, kailangan ko pa ang mag-training para makapag-train ng aso. Hinayaan ko na lang. Kinalimutan ang pangarap na magkaroon ng aso na maaari kong ipagmayabang sa mga kaibigan.

Kahit hindi ko naturuan ng tricks na gusto kong matutuhan ni Gabat, natuto pa rin ito ng ilang bagay. Gaya kapag nasa loob ng bahay at sasabihin mong “labas” sabay turo sa labas ng bahay, susunod ito. Pero bago noon, titingin muna sa iyo nang may malamlam na mata na para bang gusto niyang sabihing: Ano na naman ba ang ginawa kong kasalanan? Tapos pipikit-pikit, pagkatapos, yuyuko at maglalakad palabas. Kapag naman narinig niyang may binubugaw kang manok, kambing o baka na pumasok sa bakuran at naninira ng mga pananim na halaman o gulay, hahabulin niya ito, habang kumakahol-kahol at patalon-talon pa.

Libreng pumasok sa kahit saang bahagi ng bahay namin ang mga alagang aso at pusa namin. Noong maliit pa, di maiwasan ni Gabat sa loob ng bahay tumatae at umiihi (gaya ng nagdaang mga alaga). Nakatoka si Tatay rito. Siya ang tagalinis ng mga dumi. Minsan, naaapakan ng Nanay at Tatay dahil mahina na rin ang kanilang paningin gawa ng katandaan. Nagagalit kung minsan ang nanay pero parating sagot ng tatay: “Aso mo ‘yan. Ikaw ang may gusto n’yan.” Pagkatapos niyon, hindi na sila iimik.

Kung nagkakataong nakikita namin ang pag-ihi o pag-tae niya, pinapalo namin ito sa puwet, at bahagyang ingungudngod ang kaniyang nguso sa kaniyang iniwan para hindi na  uulitin. Tapos, dadalhin namin siya sa puno ng malunggay. Uulitin ang ritwal: Dito ka umihi at tumae! Dito ka umihi at tumae!” paulit-ulit hanggang matutong lumabas pag natatae o naiihi.

Matalino ang mga aso, natututo sila sa bawat araw ng kanilang buhay. Hindi ko ngayon masigurado kung dahil ba sa ritwal o ayaw na niyang mapalo at mangudngod sa kaniyang iniiwan kaya lumalabas na sila sa bahay sa tuwing tinatawag ng kalikasan.

Sinanay ko rin si Gabat na may kasamang pusa. Halos kasabayan din kasi niya ang dalawang pusa namin dati. Parehong mga bata. Noong una, nag-aaway-away sila. Pero palagi ko silang pinagdirikit na tatlo. Nakagagalitan pa ako minsan ng Tatay dahil daw ang aso at pusa ay hindi talaga magkaibigan, likas na magkaaway. Mag-aaway at mag-aaway sila kahit anong mangyari.

Hindi ako nakinig, isa ito sa mga bagay na hindi ko pinakikinggan ang aking mga magulang. Masunurin ako kung minsan, pero madalas, matigas ang ulo. Pinagtatabi ko pa rin sila, kung pare-pareho na silang tulog, itatabi ko ang dalawang pusa kay Gabat, kung mapapansin nila ang bawat isa, mag-aaway na naman, hanggang nasanay sila sa presensiya ng isa’t isa. Mali si Tatay. Pero may mga pagkakataon pa ring nag-aaway-away sila dahil sa aso't pusa nga pa rin naman sila. Mali rin ako.
Sa mga pagkakataon na naghaharutan sila, natutuwa ako na manood. Maghahabulan sila at magkakagatan. Iyong karaniwang laro ng mga aso sa kanilang kapwa aso at pusa sa kanilang kapwa pusa. Ang kaibahan, aso at pusa ang naglalaro.  Kapag nag-aaway naman sila, naiinis ako. Naaawa ako kay Gabat kung minsan dahil hindi siya masyadong pumapatol, mas matapang ang pusa. Madalas, iiyak lang si Gabat kapag nag-away sila. May mga pagkakataon kasi na nasosobrahan ni Gabat ang pagkagat sa ulo ng pusa, masasaktan ito at biglang mangangalmot upang dumipensa. Kalaunan, namatay ang isang pusa, nakalimutan ko na kung anong pangalan at kung ano ang ikinamatay. Ang naiwan si Maymay (mey-mey). Suwerte raw ang ganitong pusa, tatlo ang kulay— puti, itim, at kahel.

Noong medyo malaki-laki na si Gabat, namatay na si Whitie. Gaya ng una kong nasabi, namatay siya dahil sa katandaan. Hindi na siya kumakain noon, umalis sa bahay isang araw at natagpuan na lang namin sa bakir na patay na. “Itinapon na niya ang kanyang sarili” sabi ni Tatay. Kinuha siya ni Tatay at inilibing namin sa likod ng bahay. Inalayan ko pa ng bulaklak no’ng di na nila nakikita. Si Gabat naman ngayon ang walang kasamang aso.

Hindi na naghaharutan si Gabat at Maymay nang lumaki sila. Pag magkakasalubong parang wala lang, maglalampasan lang sila, pero hindi mag-aaway. Pero mayroon at mayroon pa ring pagkakataong naaalala nilang aso at pusa nga pala sila at kailangan nilang mag-away. Si Maymay ang madalas humamon ng away. Iiwas lang naman si Gabat pero kapag nasukol, lalaban naman nang patayan.

May mga pagkakataon pa rin na ikinikiskis ni Maymay ang katawan niya sa paa ni Gabat, gaya ng pagkiskis niya sa aming mga paa o sa paa ng mesa o upuan. Minsan hinahayaan lang ni Gabat ito, madalas, umiiwas siya. Takot siguro na biglang sumpungin ang pusa at mangalmot.

Nabuntis si Maymay at nanganak. Ipinamigay ang iba, itinira lang ang isa. Lalaki, kulay puti at itim. Pinangalanan itong Tonton ng Ate ko (pangalawa sa bunso. Ako ang bunso). Siya rin ang nagpangalan kay Maymay. Inisip ko noon, ang baduy niyang magpangalan ng hayop, hanggang ngayon, natatawa pa rin ako sa kaniya: Maymay, Tonton, at sa kasalukuyan may alaga siyang pusa, si Happy, kapatid ni Tonton anak ni Maymay sa ikatlo niyang panganganak.

Mas malapit si Tonton kay Gabat kaysa kay Maymay. Noong maliit pa ito, sinanay ko na rin siya kay Gabat. Nagkaroon ng bagong kalaro si Gabat. Kakagat-kagatin niya ito hanggang sa mabasa ang buong katawan ng pusa, isusubo nang buo ang ulo, si Tonton naman, hinahayaan lang si Gabat, hahabol-habulin at saka hihilahilain ang buntot. Dahil sa sadya yatang maharot ang pusa kapag maliit pa lang, madalas silang magharutan na may kasamang sakitan. Hanggang lumaki ang pusa. Hindi na sila naghaharutan gaya nang maliit pa si Tonton, pero madalas kong makitang ikinikiskis ni Tonton ang kaniyang katawan kay Gabat at hinahayaan lang niya ito. Hindi gaya kay Maymay na iniiwasan niya.

Kung naglalaba si Nanay, o kung may ibang ginagawa sa likod ng bahay. Uupo si Gabat malapit sa kaniya at iiling-iling, magpapa-awa o magpapapansin. Kung mapapansin siya ni Nanay, tatanungin siya, “Gutom ka na ba?” Bigla naman siyang tatayo, maging ang buntot niya tatayo rin at gegewang-gewang. Iyong tainga niya tatayo rin. Ito marahil ang paraan niya ng pagsasabing “oo.” Pagkatapos no’n, papakainin na siya ni Nanay.
Kung sinusubuan si Gabat ng pagkain, kahit gaano kaliit ang isusubo mo, halos parang ayaw niyang masayad ang ngipin niya sa iyong daliri. Didilaan lang niya. O kung minsan, kung sobrang maliit ang inaabot mo, hindi niya kakainin hanggat hindi mo inilalapag sa sahig. Madalas ko siyang lokohin noon, sinasadya kong liitan ang ibinibigay ko, kaya kung minsan nilalayasan na lang niya ako.

Minsan, natatawa ako sa sarili ko, pinagseselosan ko kasi si Gabat noon. Di ko mapigilan kung minsan kaya kinatatamaran ko siyang pakainin at paliguan. Lalo naman siyang nagpapapansin sa nanay kapag gutom. Kung makapagsasalita lang siguro siya, sasabihin niya: Magselos ka hangga’t gusto mo.

Tuwing umaga na nagwawalis si Nanay, aali-aligid si Gabat sa kaniya para magpalambing. Habang si Cuja, ang aking aso, nakahiga lang sa kaniyang higaan sa aking kuwarto. Kung hindi siya papansinin, haharang-harang siya sa walis, patalon-talon at pakahol-kahol para magpapansin. Hangga’t hindi uupo ang Nanay para himasin at yayakapin, hindi siya aalis at titigil. Pagkatapos naman siyang lambingin ng Nanay ay sasabihan na, “Sige, alis na riyan,” para naman niyang naintindihan (o baka naiintindihan naman talaga niya) aalis na at makikipagharutan kay Cuja sa kuwarto o sa aso ng kapit-bahay.

Noong nag-aaral pa lang ako sa kolehiyo, (night shift ako, may mga pagkakataon na day shift pero dahil sa may katungkulan ako sa kolehiyo noon bilang punong Patnugot sa aming College Publication, madalas alas nuebe ng gabi na ko umuuwi) sinusundo ako ni Gabat sa daan. Inisip ko noong una, nagkataon lang, pero hindi lang isa, dalawa o tatlong beses nangyari iyon. Maraming beses. Minsan nga, pagbaba ko pa lang sa bus, agad na niya akong sinalubong. Natakot ako sa kaniyang kaligtasan. Sa oras na iyon, para akong tanga na nagagalit sa isang aso. Masaya ako na sinusundo niya pero ibang usapan na kung sa mismong kanto ako susunduin, may pusibilidad na masagasaan siya, marami pa man ding sasakyan kahit gabi na. Dati-rati kasi sa may kantong papasok sa bahay lang namin siya naghihintay, malayo sa main road.

Madalas na magkaproblema si Gabat kaysa kay Cuja. Isang araw, nakita ko na lang si Gabat sa kuwarto ko na nakahiga. Hindi siya naglalagi roon, si Cuja lang dahil may sarili siyang higaan sa kuwarto ko. Nagtaka ako kaya kinausap ko siya: “Bakit, Gabat, at nandito ka?” malambing ang pagtatanong ko. Pagkatapos niyon, hinaplos ko ang ulo niya. Ugali ng aso kapag hinahaplos, itinataas nila ang kanilang paa para ipahaplos ang kanilang tiyan. Nakita kong may butas ang tiyan niya malapit sa bayag. Tinawag ko agad si Tatay para ipakita ang kalagayan ni Gabat. “Mukhang nabaril,” sabi ni Tatay nang makita ang butas sa kaniyang tiyan. Alam kong masama ang manumpa, pero noong araw na iyon, isinumpa ko kung sino man ang bumaril, kung totoo mang binaril.
Ginamot ko si Gabat, araw-araw kong nilalagyan ng betadine ang kaniyang sugat. Namaho siya, nangitim at nabulok ang tiyan. Hindi ko naman mapaliguan dahil nanghihina siya. Ayaw papaliguan ni Nanay, baka raw lalong magkasakit dahil mainit siya. Nilalagnat siguro. Sa mga oras na iyon, madalas ko  siyang nakikita na dinidilaan ang kaniyang sugat, ang sabi ng tatay, ginagamot niya ang kaniyang sarili. Hindi naglaon gumaling din.

Minsan ding umuwi si Gabat na may taga sa kaliwang paa sa may bandang likuran. Halatang tinaga. May pagkalagalag kasi. Ibinagay niya sa kaniyang pangalan ang kaniyang ugali. Buti na lang at hindi napuruhan ang buto, laman lang ang natapyasan. Nanamlay na naman siya. Ilang araw ding hindi kumain. Pero nakabawi rin at gumaling pagkaraan ng ilang araw na gamutan. Mula noon, madalas siyang iika-ika kung maglakad. Minsan normal ang lakad, minsan hindi. Kapag sinisipag ako, hinihilot ko ang kaniyang paa, mukhang gustong-gusto naman niya dahil tatahimik lang siya at hihiga habang ang mata niya nakatingin sa akin. Parang gusto niyang magpasalamat pero hindi niya masabi. Hindi naman niya kailangang sabihin, ramdam ko naman ang pagpapasalamat niya.

May isang araw na umuwi kami ng Tatay galing kina Ate ko sa Pampanga, pipilay-pilay na naman si Gabat. Pero hindi iyong ordinaryong pilay niya dahil mas iika-ika siya ngayon. Tinanong ko ang Nanay, "Napano na naman si Gabat?" Nasagasaan daw bago kami umalis, hindi ko man lang nalaman noon. Pumunta pa nga raw ang Tatay sa mga tricycle boys sa sa paradahan, dahil isa raw sa kanila ang nakasagasa, para tanungin kung sino ba sa kanila. Walang umamin. Sino ba ang taong handang ipahamak ang kaniyang sarili?
Parang buhay lang ng tao, maraming pagsubok na dumaraan sa kaniya. Nakakaya naman. Ito siguro ang kapalaran ng aso ni Nanay. Ang kapalit ng pagmamahal na natatanggap niya sa amin ay ang pagmamalupit ng ibang tao.

Si Cuja ang Aso Ko


Nanganak ang aso ng panganay kong kapatid. Dahil mag-isa na lang si Gabat noong namatay si Whitie, naisipan kong humingi ng tuta. Ibinigay naman niya agad ang nagustuhan kong tuta.

Katatapos ko lang basahin ang nobela ni Stephen King na Cujo noon. Nagustuhan ko ang kuwento: Isang mabait na malaking aso na naging halimaw. Balita ko na-ban pa ito sa Amerika dahil sa karahasan ng kuwento. Lalaki ang aso sa kuwento, babae naman ang tuta ko kaya pinangalanan ko itong Cuja. Sa tuwing namamasyal si Iway, barkada kong babae, sa bahay, palagi niyang sinasabi, “Sana, maging Cujo si Cuja.” Nabasa rin niya ang nobela. Mumurahin ko lang naman siya at sabay kaming magtatawanan pagkatapos. Tapos tatanungin ako kung ano ang gagawin ko kung sakaling mag-ala Cujo si Cuja. Lalambitin ako riyan, sagot ko sabay turo sa tali na nakalagay sa aking kwarto para gawing sampayan ng mga damit ko kung umuulan.

Noong dumating si Cuja sa bahay, nanamlay si Gabat. Ilang araw na hindi masyadong kumakain. Madalas din na wala sa bahay, umaalis. Inaaway rin niya si Cuja kapag lalapit ito sa kaniya. Kung minsan kinagagalitan ko kapag nakaharap ako. Dahil do’n, ayaw na rin niya akong lapitan kung minsan. Likas daw na siloso ang aso. Lalo na nakikita niyang kinakatabi ko pa ito sa kama, maging sa pagtulog. Nasanay sigurong sa kaniya lang ang atensiyon ko—namin, pero ngayon si Cuja na ang mas inaasikaso ko.

Gaya ng mga nagdaang mga alagang hayop, bago tuluyang ipasok sa bahay, ginawa ko rin ang ritwal: “Dito ka tumae, dito ka umihi.” Paulit-ulit.

Hapon noong iuwi ko si Cuja sa bahay kaya sa kulungan siya ng manok, na walang laman na nasa likuran ng bahay, natulog magdamag. Naaawa pa nga ako noon dahil wala siyang tigil sa pag-iingay. Ikaw ba naman ang masanay na kasama mo ang magulang mo at mga kapatid na kaharutan ay biglang mahihiwalay at walang kasama. Tapos ikukulong ka pa. Ayaw ko sana siyang ikulong noon pero sabi ni Tatay, aalis ang tuta kung hindi ko ikukulong. Ayaw ko pa siyang ipasok sa loob dahil marami itong kuto, gaya ni Gabat noon.
Kinabukasan, maaga ko siyang pinaliguan. Nilagyan ko pa ng mainit na tubig ang kaniyang pampaligo, sang-ayon sa bilin ni Nanay. Pagkatapos ay kinutuhan ko. Mula noon, araw-araw ko na siyang pinapaliguan at kinukutuhan, minsan isang linggo rin ay sinashampuhan ko ng pantanggal ng kuto. Minsan din sa isang linggo ay hindi ko siya binabanlawan pagkatapos sabunin. Sabon panlaba ang ipinansasabon ko. Nililinisan ko rin ang kaniyang ipin gamit ang toothbrush na pinaglumaan ko, isang beses sa isang araw, bago maligo.

Si Cuja noong tuta pa lang siya.

Noong tuta pa si Cuja, kulay brown na maninipis ang hibla ng kaniyang balahibo. May mangilan-ngilan ngunit kapansin-pansing mga itim na hibla rin sa buong katawan. Hindi naglaon, kumupas ang kaniyang kulay. Naging light brown. Hindi ko alam kung nangupas dahil sa kaniyang palagiang pagligo gamit ang sabong panlaba o sadyang nangungupas talaga ang kulay ng aso kapag lumalaki.

Bago matulog.

Ilang araw matapos ko siyang iuwi, katabi ko na si Cuja sa kama, maging sa pagtulog. Mahilig siyang sumiksik sa katawan ko kapag inaantok na siya sa gabi. Siya na rin ang gumigising sa akin sa umaga sa pamamagitan ng pagdila sa akin: Sa kamay, paa, leeg o kung minsan sa mukha. Malambing siya hanggang lumaki, mas malambing siya kay Gabat. Madalas din siyang nagpapakandong sa akin kung inaantok o humihiga sa may paanan ko. Siya ang nagsilbing stress reliver ko sa mga oras na hindi ko na alam ang gagawin sa sobrang dami ng gawain sa pag-aaral at sa publikasyon. Madalas kasi kapag nagrerebyu ako, nakabantay lang siya sa tabi ko, patingin-tingin tapos ay sasampa sa kama at sisiksik sa aking kalong para matulog. Ako naman, hahaplos-haplosin ko siya habang patuloy sa pagbabasa. Wala akong alam sa anumang scientific explanation, pero ang alam ko, gumagaan ang pakiramdam ko kapag kasama ko siya.

Minsang kumain siya ng patay na daga o palaka, pinaliguan ko siya tinut-brush-an kahit gabi na. Pagkatapos ay binalot siya ni nanay at pinatulog sa kanyang kanlungan.

Taliwas kay Gabat, hindi kailanman umihi o tumae sa loob ng bahay si Cuja. Kahit noong tuta pa lang siya. Kapag naiihi o natatae siya, lalabas at lalabas siya ng bahay. Kapag naman gabi na nakasara ang pintuan ko sa kwarto, mag-iingay siya, ginigising niya ako. Nakasanayan ng pamilya ko ang nakakulambo sa pagtulog, namana ko ang kaugalian na ito. Hindi ako makatulog nang walang kulambo, mas ligtas sa pakiramdam ang nakakulambo, hindi ko alam kung bakit. Noong tuta pa lang si Cuja at hindi pa niya alam ang bumaba sa kama at lumabas sa kulambo, sa loob siya ng kulambo kumakahol, hindi siya titigil sa pagkahol hanggat hindi ako nagigising. Noong medyo lumaki na siya at kaya na niyang lumabas sa kulambo, sa may pintuan na ng aking silid siya kumakahol. Kahit anong oras iyan, walang oras na partikular ang pagtawag sa kaniya ng kalikasan. Kapag nagising na ako bubuksan ko ang pintuan, agad naman siyang tatakbo palabas ng kwarto at maghihintay sa pintuan sa kusina. Patakbo rin siyang lalabas kapag iyong pintuan sa kusina naman na ang bubuksan ko. Mawawala sa dilim, pagkaraan ng ilang sandali ay babalik na at didiretso sa kwarto ko. Gabi-gabing gano’n.



May isang gabi habang natutulog siya, may nakita akong puting bagay sa kama malapit sa kaniya. Pinagmasdan ko ito, maliit pa sa butil ng bigas, mukhang malambot. Kinilabutan ako noong gumalaw ito. Naisip ko agad bulati! Hindi ito ‘yong ordinaryong bulati na nakikita kung saan kaya kinuha ko ito gamit ang papel at ipinakita ko kina Nanay at Tatay. “Kulapad ‘yan, saan mo nakuha?” tanong ni Tatay. Mula noon hindi ko na itinabi si Cuja sa kama. Inilagay ko ang isa kong unan sa paanan ng kama at doon ko siya tinuruan na matulog. Noong una, ayaw niya roon at pilit na sumasampa sa kama. Ibinababa ko naman siya palagi. May mga pagkakataon pa nga na paggising ko sa umaga ay nakahiga siya sa aking tabi, sa labas ng kulambo, dahil hindi siya makapasok. Kapag nakikita ko siyang natutulog, kahit nasaan siya, kinukuha ko at inihihiga sa inihanda kong higaan niya hanggang sa matuto siyang doon na matulog.

Si Cuja sa kanyang higaan, sa baba ng kama ko. Marunong gumamit ng unan ang loko!

Kung noong tuta pa lamang siya, maluwang sa kaniya ang unan, nang lumaki na, katawan na lang niya ang nakadantay sa unan at ang ulo ay nakalabas. Hanggang sa ginagamit na lang talaga niya itong unan. Nakadapa siya at nakapatong ang ulo at dalawang paa sa harapan sa unan. Natatawa nga ako kung nakikita ko siya, para siyang tao na marunong gumamit ng unan.

Bago ako matulog nasa baba pa siya, sa kanyang higaan. Pagkagising ko nang madaling araw o umaga, ayan, nasa kama na siya sumisiksik sa kulambo.

Kahit na natutulog na siya sa baba ng kama, may mga panahon pa rin na nadaratnan ko siya na nakahiga sa kama. Hinahayaan ko na lang kung minsan, tutal araw-araw naman siyang naliligo. Sa mga panahong marami akong ginagawa lamang siya hindi napapaliguan o kung minsan, kapag umiiral ang aking katamaran.

Nasanay kasi na sa kama mahiga.

Kung noong una, inaaway ni Gabat si Cuja, di nagtagal nagkasundo rin sila. Naghahabulan na rin at naghaharutan. Magkasundo rin si Cuja at Tonton. Madalas, si Cuja ang humahabol kay Tonton. Palibhasa, maharot ang aso ko. Buti hindi pinapatulan. Pero may mga pagkakataon na pumapatol din si Tonton, siguro kapag mapapalakas ang kagat ni Cuja at masasaktan siya, bigla siya nitong kakalmutin sa mukha na dahilan ng pagkaripas niya ng takbo papalayo sa pusa habang umiiyak.

Hindi na siya kasya sa kanyang unan.

Hindi lumaki na balasubas gaya ng ibang aso si Gabat at Cuja. Kung kumakain kami, uupo lang sila sa tabi ng mesa. Hindi gaya nina Tonton at Maymay na meow nang meow at hindi mapakali sa taas ng mesa hanggat hindi bibigyan ng pagkain. Sina Gabat at Cuja, titingnan lang kami habang kumakain, naghihintay na tapunan ng pagkain. Kapag pinalabas at sasabihing mamaya na kayo kumain, susunod naman at lalabas ng bahay. Tapos mula sa pintuan sa kusina, tatanaw sa amin na parang nagmamakaawa. Mabsia naman dahil tatayo na ang Nanay para bigyan sila ng pagkain.

Ako lang ang nakapagpapaligo kina Gabat at Cuja. Hindi sila mapaliguan ng iba. Aangilan nila ang sinuman na magtatangka na paliguan sila. Tahimik naman silang paliguan, ang problema ko lang kay Gabat ay ang tawagin siya para maligo. Si Gabat ang palagi kong unang pinaliliguan, kapag kasi si Cuja ang nauna at nakita niya, agad siyang kakaripas ng takbo papalayo sa akin at magtatago na, ayaw paligo. May mga pagkakataon din na kapag makikita niya akong nagbobomba sa gripo para pampaligo nila, tatakbo na siya at hindi magpapahagilap. Tila alam na niya na ang tubig ay gagamitin sa kaniyang pagligo. Pagkatapos kong mapuno ang timba, hahanapin ko siya, madalas hindi ko siya mahanap, kung makita ko naman, ayaw lumapit at tinatakbuhan ako.Dahil pilay ako (walang kanang paa) at hindi makatakbo, madalas siyang magtagumpay. Pero kapag nasukol ko naman, wala siyang reklamo, kukunin ko siya at kakargahin pabalik ng bahay. Sa gano’ng pagkakataon, tahimik na siyang papaliguan.

Disyembre taong 2015, nag-umpisa akong magtrabaho sa Bamban bilang computer operator sa isang truck scale business ng boss ng kuya ko. Kailangang doon ako tumira. Dahil walang ibang taong makakasama, isinama ko siba Nanay at Tatay. Sadyang nagpatayo ng bahay roon para sa magtatrabaho. Naiwan sina Cuja at Gabat sa bahay kasama ang kuya kong panganay (pangatlo sa panganay) at Ate ko na pangalawa sa bunso. Buntis na si Cuja noon.

Sa tuwing uuwi ako sa amin, sinasalubong niya ako at ni Gabat. Kung minsan, hindi pa ako nakakabihis nagpapakarga na si Cuja, sabik na sabik sa aking prisensiya. Kung hindi ko siya papansinin, sasampa siya sa kama at isinasampa niya ang kaniyang dalawang paa sa aking likuran at kumakahol-kahol. Siguro sinasabi niyang pansinin ko naman siya.Tuwing dumadalaw ako sa bahay, doon ko na lamang sila napapaliguan ni Gabat.

Noong Buntis si Cuja.

Pebrero nang sumunod na taon nang magtext sa akin ang Ate ko, “May apo ka na.” Alam ko na kung anong ibig sabihin noon. Maya’t maya nagti-text ako para alamin kung anong balita kay Cuja: Hindi siya mapakali, isa pa lang anak niya; sinira na ni Cuja yung side ng kama mo!; sa kwarto ni kuya siya nanganak pero palipat-lipat; ginawan siya ni Kuya Rey ng pag-aanakan niya, tumigil na siya.

Usapan namin ni Ate.

Kinaumagahan, ibinalita sa akin ni Ate na apat ang naging anak ni Cuja. Apat ang apo ko! Sa kwarto ni Kuya siya ngayon tumira. Natutuwa ang kuya kasi, ginigising daw siya ni Cuja sa gabi para umihi o tumae. Marunong pa raw itong mangalabit kung hindi niya naririnig. Bingi ang kuya kaya malamang, puro kalabit ang ginagawa ng aso ko sa kaniya. Masarap sa pakiramdam na bukod sa akin ay may nakakapansin sa magandang ugali ng aso ko.

Noong umuwi ako, ipinakita niya sa akin iyong kama ko na sinira niya

Abril nangtaon ding iyon, ini-uwi ko na si Cuja sa Bamban. Tatlo na lang ang kaniyang anak dahil hiningi ng pamangkin ko ang isa. Sinadya namin ang pumunta sa bahay kasama ang kuya ko pang isa (siya kasi ang may sasakyan na pick-up) para kunin ang ilan pa naming gamit doon para may magamit kami sa bago naming tinitirhan. Ikinulong namin si Cuja sa isang home made cage, doon kasama niya ang kaniyang mga anak. Pagkarating namin sa Bamban ng hapon, nakita namin na nagsuka siya. Parang tao rin pala ang aso na nahihilo at nagsusuka. Tawanan kami ni Tatay.

Wala pang isang linggo si Cuja sa Bamban nangdumating na ang kinatatakutan ko: Nanamlay siya. Masigla pa naman siya noong mga nagdaang araw, pero isang araw, ayaw na niyang kumain. Lumipas na ang dalawang araw hindi pa rin siya kumakain. Noong araw na iyon, nakita kong umalis siya pumunta sa bandang masukal sa aming tinitirhan. Tinatawag ko pero lilingon lang at hindi bumalik. Ilang oras din siyang hindi bumalik. Noong mainip na akong naghihintay sa kaniyang pagbabalik pero wala pa ring Cuja, pinuntahan ko na siya sa lugar na nakita kong pinuntahan niya kani-kanina lamang para hanapin. Ilang minuto rin akong naghanap. Tumulong na rin ang aking Ate (siya ang naiwan noon sa bahay na ngayon ay nasa Bamban na rin). Nakita ko siya sa masukal na bahagi, sa gitna ng talahiban, ayaw sumagot sa mga tawag ko. Tumitingin lamang pero hindi lumalapit. Pinakuha ko siya kay Ate dahil hindi ko kayang sumuot sa kinalalagyan niya.

Huling Picture ni Cuja bago siya mawala. Nakataas pa mga paa niya. Hindi na siya kumakain noon. Namayat na.

Napakain ko naman nang kaunti noong ikalawang gabi niyang ayaw kumain. Pero konting-konti lamang, tinikman lamang niya ang pagkain. Akala ko, umpisa na iyon ng kaniyang paggaling. Kinaumagahan, hindi ko na siya nakita. Hinanap ko sa bahay, wala. Nagtawag ako, walang Cuja na lumapit. Inisip ko, baka bumalik sa kasukalan at uuwi din. Tiningnan ko sa lugar kung saan ko siya nakita noong nakaraang araw. Wala siya. Umuwi ako. Noong magtatanghali na, wala pa rin siya. Binalikan ko ulit, wala pa rin. Bumalik ako sa bahay. Nag-aalala na ako, baka patay na? Noong hapon na at hindi ko na siya mahintay, sinabihan ko na si Tatay na maghanap na kami. Ako, si Tatay, Nanay at Ate ko na ang naghanap. Hinawi namin ang mga sanga ng ilang puno, mga talahib, at matataas na damo. Sinuong ang makakating mga damo at nakatapak ng siit. Wala. Wala si Cuja.

Nagpasiya ang Tatay ko na tumigil na, isa-isa na silang sumuko. Ako, naghahanap pa rin pero wala talaga. Ang sabi ng Tatay, baka itinapon na niya ang kaniyang sarili gaya ni Whitie noon: Isang araw, ayaw na lamang kumain. Umalis at nagpunta sa bakir, noong matagpuan, patay na. Marahil nga. Dahil mahal ako ng aso ko, pinili na lang niyang mamatay na hindi ko nakikita? Madaya. Kung ako ang tatanungin, mas gusto kong mamatay siya sa bahay. ‘Yon man lang mailibing ko siya bilang pagpapakita ng respeto at pagmamahal. Madaya talaga.

Ilang araw na rin mula noong nawala siya at hindi ko pa rin nakikita. Kahit bangkay man lang. Buti pa si Whitie noon, nakita ni Tatay pagkatapos ng ilang araw na hindi siya umuuwi. Nailibing pa namin siya. Naalayan ko pa ng bulaklak. Pero si Cuja, wala. Walang katawan. Ang sabi ni tatay, makikita na lang namin kapag nangamoy na ang kaniyang bangkay. Sana. Umaasa ako. Ang ikinatatakot ko lamang ay kung may kumuha sa kaniya at pinulutan kaya hanggang ngayon wala pa kaming maamoy na mabaho. Mas gusto kong tanggapin na namatay siya nang natural kesa isiping pinatay. Pero hindi maiwasan na mag-isip ng ilang bagay kahit ayaw kong isipin.

Sa mga panahong iyon, ang ilang mga larawan naming magkasama at mga apo ko na lang ang mga alaala niya. Dalawang lalaki at isang babae ang naiwan sa akin. Ang nag-iisang babae ay pinangalanan kong Cuja bilang alaala sa yumao (sana) niyang ina. Ang isa ay Cujo kung saan ko talaga kinuha ang kaniyang pangalan at ang isa ay Andros na sa pagkaka-alam ko ay salitang latin na ang ibig sabihin ay mandirigma.

Kapag umuuwi ako sa amin at nakikita ko si Gabat na sumasalubong sa akin, naaalala ko si Cuja. Iniisip kaya ni Gabat kung bakit hindi na niya nakikita si Cuja? Hindi kasi niya nakita noon na kinuha namin sila. Wala siya noon, marahil ay naglagalag na naman.

Minsang umuwi ako sa bahay noon, kinausap ko si Gabat. Ang sabi ko patay na si Cuja. Wala siyang reaksiyon. Naisip ko, sana nga, hindi kagaya ng tao na marunong magluksa ang mga aso. Sila magpapatuloy ang buhay na parang walang nangyari, na ni minsan walang Cuja na dumaan sa kaniyang buhay. Habang ako, kinukurot ang puso sa tuwing maaalala ko siya.