Thursday, October 25, 2018

Tatlong Dagli



Opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 2018. http://www.sba.ph/

MASARAP

Kumusta naman ang buhay sa Amerika? tanong ni Alfie kay Kim habang kumukuha ng vegetable salad sa buquet ng Lutong Bahay, isang Eat All You can Restaurant sa Tarlac. Balita ko, after 10 years head nurse ka na sa ospital na pinagtatrabahuhan mo?

Tumingin muna ang tinanong, kumuha rin ng salad matapos kumuha ni Alfie. Mahirap, maganda lang pakinggan. Maikli nitong sagot sabay kuha ng inihaw na talong at buro. My God! Ang tagal kong di nakatitikim nito! Ikaw? Engineer sa Saudi at balitadong chick boy! Kumusta naman ang buhay?

Mahirap na masaya. Sa pagiging chick boy, ano bang magagawa ko, e kung sa guwapo ako? Sabay tawa at umusog sa tapat ng malalaking alimango. E, ang tinaguriang Prince of Big Screen ng Pilipinas? Naks! Hanep ang titulo, noong high school tayo tatahi-tahimik ka lang, ngayon sikat nang artista, ito siguro ang maraming chicks! inilapag niya ang kaniyang plato at itinupi ang kaniyang long sleeve hanggang sa kaniyang siko.

“Pinaghirapan ko yan, sagot ni Alex. “Good boy ako, alam nyo yan! at sabay-sabay silang nagtawanan. Anong masarap na kasarian? bigla nitong tanong nang akmang kukuha na si Alfie ng alimango.

Bahagyang napahinto si Alfie, tumingin sa mata ni Alex at kay Kim. Natahimik sila ng ilang segundo bago siya nakasagot. Babae, siyempre.

Tumingin ang nagtanong kay Kim, naghihintay ng sagot. Nakangiti na at sumagot ng lalaki sabay hawi ng kaniyang buhok.

Mas masarap ang bakla, agad na sabi ni Alex. Natahimik ulit silang tatlo.

"Okay lang yan, tanggap kita. Marami akong kaibigan sa states na gaya mo," tugon ni Kim nang makabawi sa pagkakabigla.

Inilapag naman ni Alfie ang kaniyang pinggan at mahigpit na yumakap sa kaniya. "Nabigla ako, pero tatanggapin kita," sabi naman niya. "May nakaka-alam ba?" dagdag nito.

"Ano bang sinasabi n'yo?" natatawang tanong ni Alex. Sa Alimango ang sinasabi ko. Paliwanag niya at lumapit siya sa mga alimango. "Lalaki kapag patatsulok ang guhit sa tiyan, babae kung pabilog, bakla naman kung alanganing tatsulok at pabilog. Ayon sa mga nagtitinda, mas mataba at mas masarap daw ang bakla." natatawa niyang sabi. Nagtawanan silang tatlo at pumunta sa kanilang mesa. Doon, itinuloy nila ang kumustahan sa mga balita sa kanila makalipas ang sampung taon na paghihiwa-hiwalay.

Nang pauwi na sila ay may inabot si Alfie kay Alex na piraso ng papel. Binuklat niya ito, laman ang hotel na tinitirhan niya sa ngayon at sa baba ay: masarap ako.


TOL

Sabay tayong nagising at nagkatinginan. Hindi ko masyadong maimulat ang kaliwa kong mata. Nagulat ako sa itsura mo. Basag ang ilong at nangingitim ang dalawa mong mata, namamaga rin ang buo mong mukha. Nakita ko rin ang gulat mo habang nakatingin sa akin, “Anong nangyari sa mukha mo?” sabay nating tanong. Inilibot ko ang aking paningin, nakahinga ako nang maluwag nang makitang nasa apartment ko tayo. Naalala ko na, kagabi, nagsapakan ulit tayo. Ito na ang ikatlo, at sa ikatlong pagkakataon, nagsapakan tayo dahil sa babae.

Malinaw na sa aking alaala ang lahat. Nag-inuman tayo kagabi pagkatapos nating magsapakan. Dalawang pusong sawi na naghahanap ng kalinga, ng masasandalan, ng makakaramay. Pagkatapos nating magsapakan, tayo at tayo pa rin ang nagdamayan hanggang sa huli.

Pagkatapos nating magulat sa kapwa natin basag na mukha at magtanong kung anong nangyari, at inilibot ko ang aking paningin sa paligid, umupo ako. Di na ako makatingin sa iyo. Malinaw na malinaw na sa aking alaala kung ano ang nangyari kagabi.

Hinanap ng aking paningin ang mga damit ko, nakita ko ang aking damit sa may lamp shade sa tabi mo, magkasama naman ang aking brief at shorts sa may single sofa sa tabi ko, kasama ng iyo. Sinubukan kong hilain ang kumot pantakip sa aking kahubdan nang akmang tatayo ako para kunin ang aking mga damit ngunit nakipaghilaan ka. Hinawakan mo ang aking mga kamay. Muli nagkatinginan tayo. Di ko maibuka nang maayos ang kaliwa kong mata. Hinigpitan mo ang pagkakahawak sa aking mga kamay.

"Tol?"

"Tol?"




BAKLA

Tawang-tawa si George sa akin nang gayahin ko ang boses nila Jaya, Regine at Zsa Zsa.

Madali lang naman siyang patawanin sa tuwing alam kong problemado siya. At ako lang naman ang tinatawagan niya sa tuwing may problema siya. Walong taon na kaming magkaigan, mula pa noong kolehiyo kami, sa lahat ng mga lalaking naging kaibigan ko, siya ang tumagal at di kaylanman kinuwestiyon ang pagiging bakla ko. Ang totoo niyan, minsan na siyang nanuntok ng ex ko. Feeling ko ang haba-haba ng hair ko noon. Ako lang ata ang baklang may kaibigang lalaki na gaya niya.

"Bakla, kumusta love life mo?" tanong niya. Ito ang ayaw ko sa kaniya. Ang tawagin akong bakla. Pero dahil kaibigan ko siya hinahayaan ko na lang.

"Puwede bang Elsa na lang ang itawag mo?" hiling ko.

"bakit? Anong masama sa bakla?" tanong niya. Di ako nakasagot. Oo nga naman. Anong masama sa bakla?

"minsan pang tawagin mo akong bakla, hahalikan kita!" banta ko sabay simangot.

"Bakla!" siryoso niyang sabi.