Saturday, April 29, 2017

Bayani

Kami na atang may pangalang Bayani ang may pinakamabigat na pangalan. Paano ba namin ito pangangatawanan?

May 22, 1989 nang ipinanganak ako ng mag-asawang Virginia (Biring) at Artemio (Goding) Gabriel. Huli sa walong magkakapatid na ngayon ay pito na lamang. Gaya ng pelikulang 3 idiots na nang ipanganak ang isa sa mga bida ay idineklara na ng ama na magiging engineer ito paglaki. Sa aking kaso, ipinangalan pa sa akin ng aking mga magulang: Bayani.

Ipinanganak akong may kapansanan. Putol ang kanang paa ko mula sa baba ng aking tuhod. Kapag nagbibiruan kami ng aking mga kaibigan sinasabi kong 'kulang sa diin kaya hindi buo ang nabuo ng aking mga magulang'. Ayon kay Nanay, nang makita niya ang aking kalagayan, idineklara niya: magiging bayani ang anak ko. Naging bayani naman ako--sa pangalan.

Napakahirap naman no'n. Paano nga ba maging bayani? Ayaw ko namang maging presidente, mangulimbat ng kayamanan, tapakan ang karapatang pantao at maging dahilan ng pagkamatay ng libo-libong tao para lang maging bayani. Di bale na lang.

Wala namang bigat ang aking pangalan--Noon. Nang mga panahong ang problema ko lang ay kung paano tatakas sa mga kapatid ko sa tanghali para makipaglaro sa mga kapitbahay (na karamihan ay mga kamag-anak). Nang mag high school na ako na mas malalim na ang pang-unawa na ako sa mga bagay-bagay, doon lang naman bumigat ang kahulugan ng aking pangalan.

Gumawa ako ng solusyon upang kahit papaano ay mabawasan ang bigat nito: Yanz. Hango sa pangalan ko, gumawa ako ng aking palayaw. Ito ang naging pananggalang ko sa aking problema. Naging pangalan ko ito hanggang sa kolehiyo at hanggang sa ngayon ay iyon pa rin ang tawag sa akin ng mga personal kong kakilala. Pero hindi pa rin nawawala ang aking totoong pangalan. Ako pa rin si Bayani sa mga guro at mga taong hindi ako lubos na kilala. May mga tumatawag din sa akin ng Gabriel. Okay lang naman sa akin ito dahil Apilyido ko naman ito. May ilang nagkakamali lang kung minsan na ang akala nilang pangalan ko ay Gabriel at ang apilyido ko ay Bayani. May tumatawag din sa akin ng Hero. Ito ang ayaw ko. Tawagin na nila akong Gab, Gabriel, Bayani o Gurang (Gurang ang tawagan naming magbabarkada), huwag lang Hero. Siguro ay hindi maiintindihan ng iba pero ayaw kong ini-ingles nila ang pangalan ko. Ako ay Pilipino, at Pilipinong-pilipino ang aking pangalan. Ayaw kong maging ito ay maimpluwensiyahan na ng banyaga. Di bale nang manamit ako ng mga damit ng banyaga, huwag lang patunuging banyaga ang aking pangalan.

Sa ngayon, sapat nang maging pangalan ko lang ang bayani. Hindi ko naman pinangarap na tuparin ang deklarasyon ni Nanay, kahit sino naman ata ay hindi pinangarap ang ganitong titulo(maliban sa isa?). Mas gusto kong maging simpleng tao lamang. Kilala ko ang aking sarili, wala sa aking pagkatao ang pagiging bayani: marami akong kalokohan sa buhay, marami akong mga ginawang kagaguhan at maaaring marami pa akong gagawin(pero hindi gaya ng mga kalokohan at kagaguhang ginawa ng bayaning nakalibing ngayon sa Libingan ng mga Bayani at mga ginagawa ng nagpapanggap na messiah sa kasalukuyan).




*If you like this essay, please subscribe. Thank you! :)*




Sunday, April 23, 2017

Berto: Patay kang Bata ka!

 Isang kabanata lamang ito ng isinusulat kong nobela. Siya rin si Berto sa kwento kong Berto:Alipin ng Paaralan, Prinsepe ng Lansangan na mababasa rito:
http://huwadnabayani.blogspot.com/2016/04/bertoalipin-ng-paaralan-prinsepe-ng.html


Ang tagal kong inantay ang pagmulat ng mata nitong kapatid ko na si Jani. Kanina ko pa siya ginigising ayaw magising. Parang mantika kung matulog. Teka, natutulog nga ba ang mantika? Ay ewan ang mga tao talaga kung ano-ano ang ini-imbentong mga walang kwentang salita. Inihahambing ang tao sa mantika na wala namang kaluluwa. Dipende na lang kung pulitiko ang pag-uusapan, hihihi.. ang tali-talino ko talaga! Putang ina! Mamatay na ang nag-imbento ng salitang ‘yan!

Teka, malamang patay na siya. Pero salamat na rin sa kaniya dahil may nagamit ako ngayon sa kapatid ko. Kung sakali kayang di naimbento ang salitang ‘yon ano kaya ang gagamitin ko? Tsk! Di bale na nga! Bat kasi ‘yon ang pinoproblema ko? Tanungin ko na lang ang bespren ko na si James kung anong pwedeng pamalit.

Ang dapat na pinagtutuonan ko ng pansin ay ang pagpatay sa kapatid kong si Jani. Hindi ko naman talaga siya papatayin. Tatakutin ko lang. hihihi!

Wala sina Inang at Tatang kasama ang lima ko pang mga kapatid, naroon sila sa lamayan, ang tatlo ko pang mga kapatid di ko alam kung nasaan, pero naglalaro ang mga ‘yon, darating na lang pag matutulog na. Tapos ito si Jani, ang sumunod sa akin at ako lang ang natira dito sa bahay. Kaninang pananghalian ando’n silang lahat sa lamayan nakikikain. Hindi ako pumunta, tinatamad ako.

Kanina ko lang naisip. Ang boring kasi ng buhay, wala na ngang makain, wala pang magawang matino. Kaya naisip kong magpanggap bilang si kamatayan. Nagsuot ako ng itim na pantalon (‘yong uniporme ko noong high school) itim na damit at ibinalabal ko ‘yong itim na tela sa ulo ko. ‘Yong nakasabit sa harapan nila Mang Kanor. Yung isinabit nila no’ng mamatay ang kaniyang asawa na si Aling Iska. ‘Yong may nakasulat na pangalan ng funeral parlor na nag-imbalsamo kay Aling Iska. Di ko alam kung para saan ‘yon, basta hiniram ko muna.

Tapos nagdurog ako ng uling, ipinahid ko sa buong mukha ko. Kinuha ko rin ang itak ni Tatang, ‘yong korteng kalawit sana kaso walang gano’n si tatang kaya ito na lang.

Kagaya nga ng sabi ko, mahirap gisingin ang hinayupak kong kapatid. Ala una na siyang natulog, e mag-aalas tres na ng hapon, isang oras na rin akong naghihintay sa paggising niya. Pinagpapawisan na ang buo kong katawan sa sobrang init. Ang kilikili ko, ang singit, bayag, braso, maging ang loob ng tenga ko ata pinagpapawisan. Nangangati na rin ang mga tigyawat ko. E, nuknukan ng dami, ibig sabihin, buong mukha ko ang nangangati. Pero kailangan kong isakatuparan ang aking balak.

At sa wakas! Dumilat na sya!

Tumayo ako bigla “Ako si Kamatayan! Oras mo na kaya magpaalam ka na sa mga mahal mo sa buhay!” pinilit kong ibahin ang boses ko para hindi niya mahalata na ako ito.

“Oy, Bokbok, ano na namang kagaguhan ‘yan?!” pupungas-pungas niyang tanong. Ni hindi man lang natakot sa itsura ko.

“Gagu! Kuya mo ako kaya dapat ‘Kuya Bokbok!’” lagot bakit ako agad umamin? “Ay, hindi ako ang kuya Bokbok mo… ako si Kamatayan... hindi ako ang kuya Bokbok mo!” iniba ko ulit ang boses ko. “At papatayin na kita! Wah....” lumapit ako sa kaniya at akmang tatagain na siya. Wala man lang siyang reaksiyon. Bumangon lang siya at umupo. Imbes na sa kaniya ko itinaga ‘yong itak ay sa papag na lang, para matakot naman.

“Ewan ko sayo!” masama ang tingin sa akin ng aking kapatid.

Itinaga ko pa ulit ang itak. “Papatayin kita! Tumakbo ka na!”

“Hala ka! Sira na nga ang papag sisirain mo pa!” tumayo siya at lumabas. “Isusumbong kita kina Inang!”

Maya-maya humahangos na dumating sina Inang at Tatang. Galit na galit si Inang.

“Putang ina mong bata ka! Ano na namang kabaliwan ang nasa kokote mo?! Gagu ka! Ikaw kaya pagtatagain ko at nang mamatay ka na!?” hinablot ni Inang ang itak sa akin at ini-amba sa akin.

 “Inang Chill lang! Ang suso n’yo lalaylay niyan, e!” tumawa ako nang malakas. Si Inang talaga OA kung minsan, kung minsan naman madalas.

“Kaya pala nawawala ‘yan! Sabay turo sa itim na tela na naka pulupot sa ulo ko. “Gusto mong multuhin ka ni Manang Iska buong buhay mo? Hala! Isaoli mo ‘yan! Kanina pa nila hinahanap kung saan-saan!” si Tatang naman naka tanghod lang at nanonood. Pinagmamasdan si Inang. Siguro nainlab si Tatang sa pagiging bungangera ni Inang. Nangiti ako dahil kinikilig ako kapag naiisip ko iyon. Si Inang ang Reyna ng mga bungangera si Tatang naman ang hari ng katahimikan. ‘Yon ay kung hindi lasing, pero pag nalasing, hahamunin ng suntukan kahit si San Pedro o si Lusiper. Hayun, nagkita at nagka-inlaban. Kakakilig!

Tumayo na ako para isaoli ang hiniram kong tela. Pagkatapos ay tatambay na lang ako sa aking kaharian.




*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*




Wednesday, April 19, 2017

Ang mga Ina sa Sixty in the City ni Lualhati Bautista

No automatic alt text available.

"Mula ipanganak, kasama na ng anak ang kaniyang ina... hindi naman nagpapakilala nang lubos ang ina sa anak...

"Akay ng ina ang anak sa paghahanap at pagtunton sa sarili niyang direksiyon... hindi alam ng anak na ang ina pala ay maaaring may direksiyon din na hinahanap at gustong tuntunin.

"Tinutulungan ng ina ang anak sa pagbuo ng sariling pangarap... hindi niya ipinagtatapat na may mga pangarap din siya na gusto niyang buoin.

"Kinikilala ng ina ang kaniyang anak, hindi siya lubos na nagpapakilala sa kaniyang anak. At buong buhay mang yakap niya ang kaniyang anak... nakatago ang kaniyang puso."

-Sixty in the City

Kaibigan, asawa, ina, lola. Higit sa lahat, babae. Dito uminog ang nobela ni Lualhati Bautista.

Kwento ito ng mga magkakaibigang Guia, Roda at Menang. Si Guia na sa umpisa ng kwento ay namatayan ng asawa. Sa pag-inog ng kwento ay malalaman natin na naki-apid siya kay Amante na kung tutuosin ay anak na lamang niya, drayber ng kaniyang namayapang asawa, ilang taon bago pa ito mamatay. At nang mabiyuda, ay ninais niyang dugtungan kung anuman ang namagitan sa kanilang dalawa noon. Si Roda na naki-apid ang asawa at naghanap ng mapaglilibangan matapos niyang makipaghiwalay rito. At si Menang na pinakamahirap sa kanilang tatlo, nakatira sa iskuwater area, ay may asawang iginupo ng sakit. Sa sitwasyon nilang tatlo, si Guia at Roda ay may kaya at kaya nilang bilhin ang anumang nais, ang mahirap na si Menang pa rin ang nagmamahal at minamahal nang totoo ng asawa.

Malinaw na inilahad sa atin ni Bautista kung paanong hinarap nila ang buhay nang makakasama at nang mag-isa. Ipinakita ni Bautista kung paano mag-isip at ano ang nasa damdamin ng isang babae.

May mga sikreto silang itinatago at nais ibunyag, dahil "Kung alin 'yong sinasabi nila, nakakasira sa dangal ng isang babae, iyon mismo ang nagbabangon sa kaniyang dangal". May kani-kaniya silang kahinaan, may kani-kaniyang kagaspangan, ngunit pare-parehong palaban. At nagmamahal.

Karaniwan na sa mga inaakala natin na gustong-gusto ng mga lola ang pag-aalaga ng kanilang mga apo (na minsan, e, totoo naman). Hinainan naman tayo dito ng panibagong perspektiba. Ayaw na ayaw nila Guia at Roda na iniiwan sa kanila ang kanilang mga apo. Rason nila, naghirap na sila sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, hanggang apo pa ba naman. Obligasyon na ito ng mga magulang. Sa nobelang ito, mas ipinaunawa sa atin ni Bautista na ang mga matatanda, babae man o lalaki ay may mga pangarap din na gustong tuparin: nangangarap at umiibig din gaya nang kung paanong mangarap at magmahal ang teen-agers. Sang ayon mismo kay Bautista sa aking panayam dito sa FB: "sabihin natin na sa nakikita ko, pag matanda na ang magulang, kadalasang nawawalan na sila ng kontrol sa sariling buhay nila, and that goes to both the mother and the father. Parang ina-appropriate na ng mga anak ang buhay ng mga magulang, kinakalimutan nila na may sarili ring gustong gawin ang mga magulang nila. I think the culture of dominance has a lot to do with it. Tulad ng iba ko pang nobela, gusto kong ibalik sa mga babae, ang kontrol sa sarili nilang buhay. Kailangang manatiling kanila ang kontrol sa buhay nila sa ano mang edad". Ito ang naging inspirasyon niya upang isulat ang nobela.

At sang ayon sa aklat, itong nobela ay:

Higit para sa lahat ng magulang, 

ito'y para sa lahat ng anak.

Basahin natin at nang maunawaan natin ang ating mga magulang, lolo at lola.




*If you like this review, please subscribe. Thank you! :)*




Wednesday, April 12, 2017

Ang Gagamba sa Nobela ni Mark Angeles

No automatic alt text available.
Hindi ko pa natapos basahin ang parteng "Mga Kwentong Waratpad" na may walong dagli.
(Ikalawang rebyu-rebyuhan)

Una kong nakilala si Mark Angeles bilang makata. Ang totoo niyan, ang aklat niyang Patikim na kalipunan ng mga tula ang unang aklat ng mga tula na binili at binasa ko. Wala pa akong kilalang mga bagong makata noon, tanging sina Amado Hernandez, Jose Corazon de Jesus at Rizal ang kilala kong makata, dahil nababasa ko sila sa text books. Maaari kong sabihin na si Angeles ang nagbukas ng pinto para sa akin upang pagtuonan ko ng pansin at pag-aralan ang tula. Paulit-ulit ko itong binabasa noon at ang paburito ko ay ang Dapithapon sa Eternal Gardens, Hagok at Sa Pagitan Natin. Mula noon, naghangad na akong makabasa ng iba pang tula mula sa iba't ibang bagong makata.

Hindi lang pala mga talinghaga sa tula ang kaya niyang habiin at ang Gagambeks ang patunay.

Hindi ito kwento ng mga super heroes gaya ng Spiderman o Gagamboy na may super powers. At hindi gaya nila Spiderman at Gagamboy na gusto ang bansag sa kanila. Dito, ayaw ni Gelo o Angelo na tawagin siyang Gagambeks. Insulto ito sa kaniyang pagkatao.

Hindi ito kwentong pantasya. Totoong nangyayari ito sa tunay na buhay. Mabisang pinaglangkap ni Angeles ang usaping kasarian, unyon, piket line at pag-ibig upang buoin ang nobelang Gagambeks.

Gagamba ang ginamit na elemento sa nobela. Hindi ito basta ginamit para magkaroon ng magandang titulo: gagamba+bakla, gagambang beki=gagambeks. Hindi lamang dahil sa magandang pagsasanib ng dalawang salita upang bumuo ng madulas bigkasing salita ang dahilan sa paggamit ng gagamba.

Dalawa ang uri ng gagambang binanggit: gagambang bahay na ayon kay George(kababata ni Gelo) ay duwag at gagambang ginagamit para sa larong kinahumalingan natin noon.

Ginamit na simbulo ni Angeles ang gagamba upang itanghal tayong mga mamamayan. Tayo, tayong mga ordinaryong tao ang gagamba. May mga mamamayan na duwag na mas pinipiling manahimik at mayroon namang lumalaban. At itong mga taong palaban naman ay ginagamit ng mga naghaharing-uri. Pinaglalaban-laban habang sila, nakamasid, nanonood. Naghihintay ng kahihinatnan. Pero hindi tayo gagamba, tao tayo at may kakayahang magpasya at lumaban, bakit kailangang kalabanin ang bawat isa?

Kung puro kilig to the bones ang hanap mo, hindi ito para sa iyo. Kung puro huhuhu at isa pang huhuhu at paglulunoy sa luha ang hanap mo, hindi rin bagay sa iyo ang nobelang ito. Dahil nagpapatawa ito, nagpapangitngit, sasampalin ka rin nito ng mga katotohanang pilit mong iniiwasan at sa bandang huli, paiibigin ka.

Hindi pa tapos ang kwento ni Gelo. Dahil hindi gaya ng mga Disney Stories na may "and they lived happily ever after", sa totoong buhay, walang hanggan ang ating pakikibaka.




*If you like this review, please subscribe. Thank you! :)*




Ano ang Nasa Kasunod ng 909?

Image may contain: phone
(naka-plastic cover ang aklat kaya reflected ako)

Ano nga ba ang tamang reaksiyon kung ang pinaglalamayan ng pamilya ng iyong namayapang kaibigan, ay hindi naman ang iyong kaibigan, ngunit kumbensido sila na ito nga ang bangkay ng kanilang kapamilya? Ito ang malaking hamon kay Eman.

Dito nag-umpisa ang nobelang Sa Kasunod ng 909 ni Edgar Calabia Samar.

Gaya ng Walong Diwata ng Pagkahulog na unang nobela ni Samar, hindi nawawala ang manunulat, manananggal at puta bilang mga tauhan sa kaniyang nobela: kwentong kagila-gilalas na iilan na lamang ang nagtatangkang gumawa.

Ang nobela ay nahahati sa dalawang panahon na aakalain mong dalawang magkahiwalay na kuwento. Totoo, ang kuwento ay pinaghiwalay ng panahon: isang kasalukuyan at isang nakaraan, ngunit panahon din ang magdurugtong.

Kuwento ito ng mga nawala at bumalik, nawala at hindi na bumalik, ng mga hinahanap at naghahanap. Panibagong alok ito ni Samar na dalhin tayo sa panibagong mundo, bagong mundo sa loob din ng ating mundo, mundo na siya lamang ang makagagawa. Malay tayo na kathang-isip lamang ang lahat ngunit nagagayuma tayong paniwalaang totoo itong nangyayari o nangyari dahil mismo sa kuwento. Natatakasan lamang natin ang gayuma kapag binitiwan na natin ang aklat o kapag natapos na natin itong basahin, gayunpaman, nag-iiwan ito ng espasyo sa ating puso.

Magbaon ng maraming hangin sa baga, dahil baka maubusan ka ng hininga sa pagitan ng mga pahina. Baliktarin na rin ang damit, dahil gaya ng tiyanak sa Walong Diwata ng Pagkahulog at Janus Silang ay susubukan ka nilang iligaw sa mundo nila Eman at Oman. Huwag kang hihiwalay sa kanila, baka ikaw'y maiwan at hindi na makalabas sa kwento.




*If you like this review, please subscribe. Thank you! :)*