Sabado ng hapon noon, apat na buwan na ang nakalilipas.
Habang abala ako sa pagbabasa ng Etsa-puwera habang nakahiga sa sofa sa
sala ng apartment ko, kumatok ka. Sabado kaya alam kong alam mo na naroon
lamang ako kaya mo kinatok. At malamang na nasilip mo na rin na naroon ako.
Naka-lock ang pinto, di ako mapalagay kapag hindi ito naka-lock. Di ko alam,
nakasanayan ko na lang na gano’n. Di ako bumangon para pagbuksan ka. May susi
ka naman.
Nangupahan ako ng apartment sa may San Vicente para mas
malapit sa pinapasukan kong accounting firm. Masuwerte at may nakuha akong may
sariling sala at may karugtong na kusina at may isang kuwarto. Walang
kagamit-gamit dito noon, unti-unti, galing sa suweldo. Sa loob ng isang taong
mahigit, kumpleto na ako sa gamit. Sa sala, bumili ako ng sofa, isang mahaba at
dalawang tig-isahan. May maliit na mesang salamin sa gitna. Nagpasadya rin ako
ng bookshelf na ipinakabit ko sa sala, katabi ng computer. Sa kusina, anim na
pinggan, tatlong mangkok, tatlong platito, anim na set ng kutsara’t tinidor
isang kalderong maliit at isang malaki, gano’n din sa kaserola, may isa ring
kawaling katamtaman ang laki—hindi kalakihan, hindi rin kaliitan, dalawang
sandok at siyanse. May maliit naman na parihabang hapag-kainan na kasya ang
anim na tao. Sa kuwarto, medyo malaki ang aking kama, kasya ang apat kung
katamtaman ang laki ng katawan. Nasa magkabilang gilid nito ang isang lamp
shade sa kanan at isang maliit na mesa sa kaliwa na may single sofa. May
aparador na rin sa may pintuan. May isang araw nga na tinatawanan mo ako, sabi
mo bakit parang may pinaglalaanan na ako sa mga gamit ko. Mag-isa ko lang naman
bakit laging may pasobra. Ang sagot ko, tamad akong maghugas ng paisa-isang
pinggan kaya marami akong gamit-pangkain, malikot akong natutulog at alam mo
naman iyon dahil ilang beses na tayo nagkatabi sa pagtulog mula pa noong mga
bata tayo. kaya kailangan ko ng ganito kalaking kama. At kung dadalaw sina Mama
at Papa at ang kapatid ko, may magagamit sila. At ano ba ang masama kung
paghandaan ko na ang pagkakaroon ng sariling pamilya. Mas maganda na kung
ngayon pa lang naghahanda na ako. Balak ko kasi, pagkaraan ng dalawa pang taon,
aayain ko na ng kasal si Shiela. Di ka umimik.
Noong una, padalaw-dalaw ka lang kapag day-off ko na alam
mong naroon ako hanggang sa mga araw na kapag umuuwi ako, nadaratnan kitang
naghihintay sa labas. Kadalasan kong uwi ay alas singko y medya ng hapon. Halos
araw-araw, nararatnan kitang naghihintay pero may mga panahon na nauuna akong
dumating. Nakasanayan mo na kasi ang makitambay sa akin kapag wala kang ibang
ginagawa o kung bakante sa eskuwela. Tapos, bigla ka na lang sisibat para
pumasok pagpatak ng alas-siyete. May panggabi ka kasing subjects. kung minsan
naman, bumabalik ka pagkatapos ng klase mo, mga 9:15, nakikikain hanggang sa
makikitulog na. Uuwi kinabukasan.
May mga araw naman na kinakailangan kong mag-over time sa
trabaho at gabi na ako makauuwi, naroon ka pa rin. Naghihintay. Kung minsan,
nagdarabog ka at sinasabing bakit gabing-gabi na akong umuwi alam ko naman na
madalas ay naghihintay ka, sana man lang mag-text ako. Lalo na kung alas-tres
pa lang ay naroon ka na dahil mahaba ang bakanteng oras mo sa eskuwela. Sinabi
ko noon na bakit kailangan kasing puntahan ako anumang oras na gustuhin mo
gayong alam mo naman kung anong oras akong dumarating. Hindi ka sumagot. Dahil
doon, humingi ka ng kopya ng aking susi dahil sabi mo nakaiinis ang maghintay
sa labas kung kailan ako darating. Hindi na rin ako nag-usisa pa at ibinigay ko
ang susi para mapa-duplicate mo. Mula noon, bawat free time mo ay roon ka na
tumutuloy, doon na nag-rereview, at gumagawa ng assignment (nakikigamit ng Internet)
at kung ano-ano pa. Dumarating kahit wala ako. Mas mukhang bahay mo na nga ito
kaysa sa akin. Minsan, pabiro kong sinabi na bakit di mo na lang kunin ang mga
damit mo at tuluyan nang makitira sa akin, isang Linggo ng gabi, dumating ka na
may dalang dalawang malalaking bag at sinabi mong nasabi mo na kina mama mo na
makikitira ka na sa akin para mas malapit ka sa Tarlac State University (TSU).
Tumawa lang ako nang malakas noon at sinabing nagbibiro lang ako, bakit mo
tinotoo? Hindi ka umimik noon, pumasok ka lang at tumuloy sa kuwarto ko, inayos
ang mga gamit sa aparador ko. Mula noon, ikaw na ang naglilinis ng apartment,
ikaw ang nagluluto at naghuhugas ng pinagkainan, at kung minsan, isinasabay mo
na rin ang labahin ko.
At iyon na nga, pagkatapos mong kumatok nang tatlong beses
at hindi pa rin kita pinagbuksan, ginamit mo na ang susi mo. Wala kang imik na
pumasok, tiningnan lang kita hanggang sa umupo ka sa sofa katapat ko.
Mangiyak-ngiyak. Ni hindi makatingin sa akin. Inasar kita noon, sabi ko
nababakla ka na ata at may gusto ka na sa akin. Hindi na bago sa atin ang
ganitong asaran, dahil may mga pagkakataon noon na kapag nagbabasa lamang ako,
nakahiga rito sa paborito kong sofa, ay napapatitig ka, na kung titingin ako,
iniiwas mo ang iyong tingin, tapos kapag ipagpapatuloy ko na ang pagbabasa,
titingin ka ulit.
“Di ka ba nagsasawa sa ka-guwapuhan ko? Mula bata magkasama
na tayo, ilang beses na kitang napapansin na tumititig, a!” gago lang naman ang
isinagot mo
“Di ka ba nagsasawa sa kababasa? Mula elementarya, hanggang
sa kolehiyo walang tigil tayo sa pagbabasa ng mga lessons. Ngayong nagtapos ka
na, nagbabasa ka pa rin?” Ngisi lang ang isinagot ko. Ilang minuto kang di
nagsalita, hinihintay siguro ang sagot ko, pero wala akong balak sumagot.
Maya-maya, tumayo ka, hinablot ang binabasa kong Walong Diwata ng Pagkahulog
ni Edgar Calabia Samar, binasa ang pamagat pagkatapos ay inihagis mo sa
bintana. Hindi ito tumama sa jalousie ng bintana kaya tuloy-tuloy ito sa labas.
Dinampot mo ang susi sa mesa at kumaripas ng takbo papasok sa kuwarto at
ini-lock mo ang pinto para di kita masuntok. Ilang beses na rin kasi tayong
nagsusuntukan sa maliliit at malalaking bagay. Wala akong magawa kundi tumayo
at kunin ang aklat sa labas kahit na kumukulo ang dugo ko. Kinabukasan, nakita
kitang binubuklat-buklat ang mga libro ko, parang hinahanap ang sagot sa iyong
tanong.
Minsan namang nahuli mo akong pinanonood ka habang
naglalaro sa computer ko ng DOTA isang hapon ng Linggo, bumawi ka: “Di ka ba
nagsasawa sa ka-guwapuhan ko? Mula bata magkasama na tayo, ilang beses na
kitang napapansin na tumititig, a!” gago lang din naman ang sagot ko.
“Di ka ba nagsasawa kalalaro niyan? Sa pagkakatanda ko,
wala akong ini-install na kahit anong laro diyan, a! Minsan, buburahin ko lahat
ng laro diyan!” Ngumisi ka lang din. Ilang minuto akong di nagsalita,
naghihintay ng sagot mo, pero parang wala kang balak sumagot. Tumayo ako at
lumapit at biglang binunot ang computer sa saksakan. Lintik lang ang walang
ganti. Tumakbo rin ako papuntang kuwarto. “Pustahan 'to! 'Tang ina naman!
Malapit na kaming manalo!” sigaw mo. Kinabahan ako dahil di ko nakuha ang susi.
Hindi ka naman sumunod para suntukin ako. Lagi’t lagi namang ako palagi ang
nagsisimula ng suntukan. Kinabukasan, sinabi mong tuturuan mo akong mag-DOTA,
sabi mo pa nga, walang kabataan ang hindi naglalaro ng DOTA ngayon. Nagpaturo
naman ako. Nawili kaya hindi ko binura ang mga inilagay mong mga laro sa PC ko.
“Break na kami ni Mary Anne” ang sagot mo sa tanong ko.
Tumawa lang ako noon nang malakas. Sa totoo lang hindi ko naman iyon
intensiyon. Nagawa ko lamang ang pagtawa sa kawalan ng sasabihin. Ganoon naman
ako palagi, tawa ang nagiging sagot kapag wala akong alam sabihin. Dapat alam
mo na iyon. Di gaya mo, nananahimik kung wala nang masabi. At iyon, alam na
alam ko. Tumayo ka na lang at sinabing maghihiwalay rin kami ni Shiela, sabay
sibat. Pabagsak mo pang isinara ang pinto. Ilang araw kang hindi umuwi na
ikinatuwa ko naman dahil walang istorbo kapag nag-uuwi ako ng trabaho. Pero
nag-alala pa rin na baka dinamdam mo ang ginawa ko. Tayo lang ang magkaibigan,
dapat dinamayan na lang kita.
-=oOo=-
Nakikita na kita noon sa paaralan, kilala kita sa hitsura
pero hindi sa pangalan. Alam ko ring gano’n ka sa akin. Pareho tayong grade
four, magkaiba lamang ang ating section. Isang hapon, umiiyak na nagsumbong sa
akin ang nakababata kong kapatid na babae na noon ay nasa grade 2. Sinigawan mo
raw siya at pinagbantaang susuntukin kung hindi siya umalis sa iyong harapan.
Kumulo agad ang dugo ko nang mga oras na iyon. Sinundan ko ang aking kapatid
dahil sinabi kong puntahan ka namin. Naabutan ka naming nagpupunas ng kung ano
sa iyong puwetan, may inaalis? Agad kitang sinuntok nang makalapit ako. Hindi
ka nakailag dahil hindi mo naman inaasahan ang gagawin ko. Napaupo ka. Agad
kang tumayo at gumanti naman ng suntok, nailagan ko ngunit hindi na ang
ikalawa. Ang bilis mong kumilos. Napaupo rin ako.
Nang mga oras na iyon, pinalibutan na tayo ng mga kapwa
natin estudyante. May mga umaawat pero sa salita lang, takot siguro na madamay
sa gulo kung pipigilan tayo. May ilan naman na inuudyok pa tayong ituloy ang
laban. May mga nagsasabing “Sige nga, hawakan mo nga ang tainga niya!” Ang ilan
naman ay tumakbo para magtawag ng guro.
Tumayo ako at pumorma gaya sa mga napanonood kong pelikula
ni Jackie Chan. Ginaya mo rin ako, nagtawanan at nagpalakpakan ang mga kapwa
nating estudyante. Lalo silang nanabik sa kung anuman ang kahihinatnan ng ating
labanan. Dahil pareho na tayong may tama, pareho tayong nagpipigil ng iyak (nalaman
ko ito nang minsang napagkuwentuhan natin ang pangyayaring iyon, na tinatawanan
na lang natin). Kailangan kong ipagtanggol ang aking kapatid, kailangan mo
namang ipagtanggol ang iyong sarili mula sa kung kanino na wala ka namang
kasalanan ay bigla ka na lang sinuntok. Hindi mo alam kung bakit ko iyon
ginawa. Laban ito ng taon para sa ating dalawa.
Nang dumating ang mga guro, bitak na ang labi ko, basag
naman at may tumutulong dugo sa ilong mo. Kapwa tayo basang-basa ng pawis.
Magkakahalo ang pawis, alikabok dahil kapwa tayo gumulong sa lupa habang
nagrarambolan, at luhang di-napigilan sa pagpatak ang makikita sa ating mga mukha.
Ngunit kahit na napaluha na tayo, kapwa pa rin natin pinipigilan ang pag-iyak.
May mga pagkakataon lang talaga na pumapatak ang mga luha natin kahit na anong
pigil natin.
Sa principal’s office ang bagsak natin.
Doon, nalaman ko na nilagyan pala ng ketsup ng kapatid ko
ang upuan na malimit mong tambayan tuwing bakanteng oras. Hindi ko na tinanong
kung saan niya kinuha ang ketsup dahil mas mahalagang malaman kung bakit niya
iyon ginawa. At dahil nga sa kapilyahan niya nagalit ka at pina-aalis sa harapan
mo. Ayaw niyang umalis kaya pinagbantaan mo. Hindi ko naman pinagsisihan ang
ginawa ko dahil obligasyon kong ipagtanggol ang kapatid kong babae. Isa pa,
puwede naman siyang pagsabihan nang maayos kaysa sa pagbantaan. Sagot mo,
makulit talaga ang kapatid ko at kahit anong pilit mo ay ayaw talagang umalis.
Iyon na ang pinakahuling alam mo na gawin.
Pinagkamay tayo at pinahingi ng sorry sa isa’t isa. Buti
napakiusapan natin ang prinsipal na huwag nang iparating pa ito sa ating mga
magulang at huwag na silang ipatawag pa. Tutal ay bati na tayo. Kapag iniisip
ko ngayon hindi ko alam kung paano natin siya nakumbinsi noon.
Nauna akong lumabas sa office, kinausap ko ang kapatid ko
pagkalabas ng pinto. Tinanong ko kung bakit niya iyon ginawa.
“Naiinis kasi ako sa kaniya, Kuya,” sagot niya. Tinitigan
ko lang siya at naghintay ng iba pa niyang sasabihin. “Ang pogi kasi niya, Kuya,”
nahihiya niyang amin, “crush ko siya,” dagdag pa niya.
Napakainosente ng pagkakasagot niya sa akin na may kahalong
hiya. Tumawa ako nang malakas noon at ginulo ang buhok ng kapatid ko. Hindi ko
maintindihan ang rason niya kung bakit niya iyon ginawa, basta ang nakikita ko
sa panahong iyon ay parang mas gumanda ang batang-bata kong kapatid sa aking
paningin habang namumula ang pisngi. Bigla siyang nagulat nang mapatingin sa
aking likuran. Lumingon ako, nakasandal ka sa may pinto at nakikinig sa aming
usapan. Tumayo ako at inakay ang aking kapatid palayo.
Dali-dali akong tumuloy sa aking silid nang araw na iyon,
pagka-uwi ko sa bahay kasama ang aking kapatid. Hindi na ako nagpakita pa sa
Mama ko na noon ay nanonood sa sala. Binati ko lamang siya at tuloy-tuloy na sa
kuwarto. Pagkaraan ng ilang minuto ay pumunta ako sa kusina. “Kain na ‘ko, Ma,
hindi na ako sasabay mamaya, marami akong assignment,” pagsisinungaling ko. Nag-oo
naman si Mama at sinabing nakaluto naman na siya. Ayaw kong makita nila ang
bitak kong labi. Hindi na dapat nila malaman ang nangyari. Kinausap ko na noon
ang kapatid ko na huwag na huwag niyang ikukuwento ang nangyari. Sinabi ko na
kapag nalaman nila Mama at Papa ang nangyari ay hindi na kami pag-aaralin. At
kung hindi na kami mag-aaral ay hindi ka na niya makikita pang muli sa
eskuwela. Tumango lamang siya. Naaasar sa akin ngayon ang kapatid ko sa tuwing
binabanggit ko ito sa kaniya. Lalo na kapag dumadalaw sa apartment. “Bata pa
ako noon!” lagi niyang sagot sabay bato ng kahit anong madarampot niya sa akin.
Kinabukasan, nang gigisingin na ako ni Mama, nagsisisigaw
siya. Tinatanong ako kung anong nangyari. Nahihirapan akong imulat ang kanang
mata ko noon. Patakbo namang dumating si Papa dahil nagulat sa sigaw ni Mama.
Mahapdi at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong
sakit. Sa totoo lang noong gabing iyon
ko pa iniinda ang nararamdaman, at para akong lalagnatin. Mabuti at nakatulog
pa ako. Pero maya’t maya ay nagigising ako. Nananaginip pero pagkagising ay
hindi ko na alam kung ano ang panaginip ko. Basta alam ko lamang na nanaginip
ako at nakakapagod ang panaginip na iyon. Ito ang nagiging dahilan kung bakit
ako nagigising. May ilang beses din akong nagigising dahil sa kirot na
nararamdaman—sa katawan at sa mukha.
Kaya pala sila nagsisisigaw ay namamaga na pala ang mukha
ko. Agad nilang tinapalan ng yelo na binalot sa tela at pinainom ako ng gamot.
Sunod-sunoran ako dahil ayaw kong mas mapagalitan. Tinanong ako kung anong
nangyari. Napilitan akong sabihin ang totoo. Kinuwento ko nang buong-buo.
Walang iniwang detalye.
“Pupunta ako sa paaralan,” hayag ni Mama pagkatapos kong
magkuwento. Hindi ko sila mapigilan.
“Kuya, akala ko ba hindi natin sasabihin?” tanong ng
kapatid ko nang maiwan na lang kaming dalawa sa kuwarto dahil nagbibihis na si Mama.
“Hindi na ba tayo mag-aaral? Hindi ko na ba siya makikita?” Wala akong alam
isagot noon kaya tumawa na lang ako nang malakas. Naramdaman ko rin ang
pagkirot ng bitak kong labi.
Pinagbihis din ako ni Mama at naiwan ang kapatid ko at si
Papa sa bahay. Hindi na pinapasok. Tumawag din ang Papa ko sa kaniyang trabaho
para magpaalam na hindi muna papasok noong araw na iyon. Ipinipilit ni Papa na
siya na lang ang pupunta sa eskuwela para makipag-usap pero ayaw ni Mama. Siya
raw dapat. Ang rason, hindi ko alam at hindi na niya sinabi. Basta iyon lang
ang sinabi: "Ako dapat ang makikipag-usap." At sa mga pagkakataong
gano’n, ang Mama ang nasusunod.
Sa eskuwela, naratnan namin kayo sa principal’s office.
Nang malaman nila na sila na pala ang hinahanap ng bawat isa, nagkaroon na ng
laban ng taon part 2. Sa pagkakataong ito ay sa pagitan naman ng ating mga ina.
Habang nagsasagutan
ang ating mga magulang, tinawag mo ako para lumabas. Nagtatawanan pa tayong
lumabas sa office noon. Nang makalabas at makalayo tayo, nagpakilala ka, ikaw
si Stefan, ako si Steven at sabay pa tayong humingi ng dispensa sa nangyari at
sa ginagawa ngayon ng ating mga magulang. Habang nagsasagutan ang ating mga
magulang, tayo naging magkaibigan.
Nalaman ko sa araw na iyon na kung paano nalaman ni Mama
ang mga pasa ko sa mukha ay gano’n din sa iyo. Tumawa tayo nang malakas at
sabay napahinto dahil biglang nanakit ang ating mga mukha. Simula noon, naging
magkaibigan tayo.
-=oOo=-
Isang araw pagkatapos mong umalis ng apartment, dumating ka
na parang walang nangyari. Balik ka uli sa dating ikaw, nambubulabog at
nanghahalungkat sa mga libro ko. Binabasa mo lahat pero wala kang tinatapos.
Puro umpisa. Ang gusto mo ikuwento ko sa ‘yo ang nasa aklat. Ito naman ang
kinaaasaran ko kaya gumaganti ako kung minsan. Inila-lock ko ang pinto kapag
alam kong darating ka. Iyong lock sa loob na hindi puwedeng buksan ng susi.
Isang oras kitang pakakatukin at kapag binuksan ko pupungas-pungas ako at
nagkukunwaring kagigising ko lang.
“Kumusta kayo ni Mary Anne?” tanong ko isang gabi ng
biyernes, habang binabasa ang maikling kuwentong Impulse ni Conrad
Aiken, matutulog na tayo noon, nakahiga tayo pareho sa kama. Hindi ka umimik.
Alam ko kung gaano mo siya kamahal, saksi ako kung paano mo siya niligawan ng
isang taon nooong nag-aaral pa lamang ako, third year sa Accountancy, nasa
unang taon ka naman sa Mass Com. Ang sabi mo, siya ang dahilan kung bakit ka
ngayon nagtino sa pag-aaral. Ang sabi mo, nahanap mo na kung saan ka
liligaya—sa Mass Com at siyempre, kay Mary Anne.
Sabay tayong kumuha ng entrance exam noon sa TSU. Kapwa
nakapasa sa kukuning kurso, accountancy sa akin, journalism sa iyo. Isang araw
pagkatapos ng semestre, kinausap mo ako, sabi mo lilipat ka ng kurso. Hindi ko
tinanong kung bakit, ang sabi ko lang, kung di ka masaya sa kurso mo ngayon,
sige lang. Lumipat ka nga sa architecture. Tinanong kita kung bakit architecture,
sagot mo, parang ang sarap gumuhit ng mga bahay. Makalipas ulit ang isang
semestre, sabi mo hindi lang pala pagguhit ng bahay ang architecture. Gusto mo
ulit mag-shift. “Masaya siguro kung magkaklase ulit tayo,” sabi mo. Kumuha ka
ng accountancy, hindi mo naisip na second year na ako at ikaw, balik first year.
Ikaw ang bahala lamang ang nasabi ko. Tatlong buwan ka pa lang nag-aaral,
sinukuan mo na ang accounting. Tumigil ka na. Kinausap ako ng mama mo noon. Ang
sabi, kausapin kita. Nagdesisyon kang magtrabaho muna, sabi mo habang
pinag-iisipan mo kung ano ba talaga ang magpapasaya sa ‘yo. Nagtrabaho ka
bilang bagger sa supermarket sa Magic Star Mall. At noon mo nga nakilala si
Mary Anne. Siya lang ang nagpahirap sa iyo nang gano’n katagal. Karaniwang
ligaw mo ay inaabot lamang ng isang linggo, iyong iba pa nga, araw lang. Lalo
na ang babaeng bago si Mary Anne, kakikilala n’yo lang, kinabukasan sabi mo
kayo na. Ang iba, sila ang nanliligaw sa ‘yo. May mga pagkakataon pa nga na
sabay-sabay ang tatlo. Natatawa na lamang ako. Aminado naman ako, sa ating
dalawa, ikaw ang babaero, at habulin ng babae. Higit sampu na ang alam kong
naging girlfriend mo, partida, iyon lamang ang mga nakikilala ko. Ako,
pangalawa pa lang si Shiela, at pakiramdam ko siya na talaga. “O baka naman may
kapalit na agad?” tanong kong nakangiti at tumingin sa kaniya.
“Nagbago na ako,” maikli mong sagot. Mula noong maging
kayo, wala nga naman akong nababalitaan sa iyo na may kasabay siya. Ikaw na nga
mismo ang umiiwas sa ibang babae, di gaya noon na tila nawiwili ka pa kapag
marami ang nagpapapansin sa iyo.
“Nagbago? Lalaki ang ipinalit mo?” biro ko. Di ka sumagot.
“Inom tayo?” aya ko. Alam kong kailangan mo ng makakausap noon. Gusto kong
bumawi sa kasalanan ko.
“Basta ba ikaw ang taya?”
-=oOo=-
Mula nang araw na sabay tayong lumabas sa principal’s office
habang nagbabangayan ang mga ina natin, naging matalik na tayong magkaibigan.
Tuwang-tuwa naman ang aking kapatid. Sa tuwing pumupunta ka sa bahay para
makipaglaro, palaging siyang naroon. Nangungulit.
Naaalala ko pa noong unang beses tayong uminom. Graduation
natin noon. Nakitulog ka sa bahay dahil biglaang may dapat asikasuhin ang
pamilya mo sa Cavite, kung saan kayo galing. Tinapos lamang ang graduation
rites, at naghanda nang kaunti at sa hapon ay umalis na sila. Ayaw mong sumama
noon, hindi ko alam kung ano ang rason mo. Dalawang araw din silang mawawala
kaya sinabi mo na makikitulog ka na lang sa amin. Idinaan ka ng mga magulang mo
sa amin at nag-usap ang mga magulang natin at tayo diretso na sa aking kuwarto.
Kinagabihan, inilabas mo ang isang bote ng gin bilog. Sabi
mo, tira ito ng mga bisita n’yo at itinago mo lang. Hindi ito alam ng mga
magulang mo.
“Hindi ako umiino—” bigla mong tinakpan ang bibig ko.
“Baka marinig ka ng Mama mo!” bulong mo. “Ako rin naman,
hindi pa umiinom.”
“Pala, bakit mo ako inaayang uminom?” di ko maalis ang
tingin sa dalawang tao sa hawak niyang alak. Ang isa ay nakahiga at ang isa ay
nakatayo na parang naka-amba ng isang espada at papatayin ang nakahiga.
“Tikman lang natin!”
Naka-ilang tagay lang tayo noon ay bagsak na tayo.
Kinaumagahan, nagising tayo sa katok sa pinto, alas-diyes na ng umaga. Ngayon
ko na lang naiisip kung gaano kabagsik ang kauna-unahang alak na ininom natin.
“Tanghali na, hindi pa kayo kumakain. Bumangon na kayo riyan.”
Si Nanay. Umaalingasaw ang kuwarto ng alak, natapon ang tira natin sa kama at
sinipsip nito ang lahat. Masinsinan tayong kinausap ni Tatay noong malaman
nila. Nakumbinsi naman natin siya na huwag nang iparating sa iyong mga
magulang, pero hindi ang Nanay na naging best friend ng ina mo pagkatapos
nilang mag-away noon sa principal’s office.
Pinarusahan tayo noon, tayong dalawa ang naglinis ng bahay
at naglaba sa naperhuwisyo natin sa kuwarto ko.
-=oOo=-
Apat na buwan nang makipaghiwalay si Mary Anne sa iyo, nakipaghiwalay
naman sa akin si Shiela kagabi nang magkita kami. Kagagaling ko sa trabaho at
pagod na pagod dahil sa OT. Parang paulit-ulit kong narinig ang boses mo:
Magbi-break din kayo ni Shiela, magbi-break din kayo ni Shiela, magbi-break din
kayo ni Shiela. Umuwi akong kumukulo ang dugo sa iyo. Alam mo namang balak ko
na siyang pakasalan, paano mo nasabi ang bagay na iyon. Hayon at nagkatotoo
Mabigat ang pakiramdam ko na umuwi sa apartment at naratnan
kita sa may sala, nagkakape. Binubuklat-buklat mo ang nobelang Illustrado
ni Miguel Syjuco. Pagkakita ko sa ‘yo sinugod kita at sinapak. Gumanti ka rin,
hindi ka na nagtanong kung bakit, siguro ay matagal mo na rin akong gustong
sapakin, hindi mo lang ginagawa at ito na ang iyong pagkakataon. Sapakan lang
tayo nang sapakan. Suntok kung suntok. Tadyak kung tadyak, bigwas kung bigwas.
Hindi na gaya ng dati na nakukuha pa natin ang pagporma gaya ng mga nasa
pelikula ni Jackie Chan. Matatanda na tayo para doon. Nagulo ang sala sa ating
dalawa, dinaig pa ang dinaanan ng bagyo.
Nang kapwa tayo napahiga dahil sa pagod, tinanong mo ako
kung ano bang problema ko.
“Break na kami ni Shiela,” ang sagot ko. Hindi tayo
bumangon, nakahiga lang tayo sa sala. Inabot mo ang kamay mo sa may ulo ko
sabay kutos. Di ako gumanti at tumawa lang nang malakas. Wala na naman akong
alam sabihin.
Gaya noon, bitak ang labi ko at basag naman ang ilong mo.
Pero hindi na gaya ng dati na may tumulong luha dahil hindi natin kayang tiisin
ang sakit sanhi ng pagkabugbog. Binata na nga tayo, kaya na nating indahin ang
mga pisikal na sakit. Pero tinatamaan kapag usaping puso na. Ilang minuto
tayong nanatiling nakahiga, binabawi ang pagod.
“Inom tayo,” sabi mo habang tumatayo. Nakagawian na natin
ang pag-inom kapag may problema. Inabot mo pa ang kamay mo para tulungan mo
akong tumayo. Inabot ko naman ang kamay ko pero para tapikin lamang ang
naghihintay mong kamay.
“Ikaw ang taya?” tanong ko. Di ka sumagot at alam ko nang
wala kang budget para sa inom. Ganito rin ang nangyari noong ikalawang beses
kitang sapakin. Nasa ika-apat na taon na tayo sa hayskul noon nang sapakin ulit
kita isang umaga. Nakita ko kasing umiiyak ang kapatid ko noong gabi bago ang
umagang iyon. Sinabihan mo raw siya na tigilan na niya ang pangungulit sa ‘yo
kasi hindi mo naman siya gusto. Bugso ng damdamin ang umiral kaya pagkarating
ko sa paaralan sinapak agad kita nang makita kita sa loob ng silid aralan
natin. Gaya nang mga bata pa tayo, gumanti ka agad pero hindi na humantong sa
pagkabasag ng ating mga mukha dahil may mga umawat. Hindi tayo nag-usap
maghapon ngunit nang pauwi na tayo hinabol mo ako sa daan.
“Gago!” iyan lang ang nasambit ko nang abutan mo ako. Hindi
ka sumagot at sumabay lamang sa aking paglakad. Marahil hindi mo alam kung ano
ang isasagot o kung paano ka mag-uumpisa sa gusto mong sabihin.
“Sorry,” iyan lang ang nasabi mo sa halos dalawampung
minuto nating paglalakad. Kung gayon ay alam mo na kung ano ang dahilan kung
bakit kita muling sinuntok. Sorry,
hindi ko alam kung sasapat iyon sa ginawa mo sa kapatid ko pero naunawaan kita.
Sorry, sa kapatid ko mo dapat ito
sinabi at hindi sa akin, wala ka namang kasalanan sa akin. Ako dapat ang
humingi ng sorry.
Bumuntong-hininga ako nang malalim bago rin ako humingi ng
paumanhin sa aking ginawa. Inaya mo akong uminom, pumayag ako. Umakbay ka sa
akin, gaya ng mga karaniwang araw na naglalakad tayong magkasama. Habang
umiinom tayo, ipinaliwanag mo na ayaw mong paasahin ang kapatid ko di gaya ng
ibang babae na nakikipaglokohan ka kung alam mong may gusto sa iyo. Sabi mo,
alang-alang sa pagkakaibigan natin kaya mo iyon ginawa.
-=oOo=-
Sabay tayong nagising at nagkatinginan. Hindi ko masyadong
maimulat ang kaliwa kong mata. Nagulat ako sa itsura mo. Basag ang ilong at
nangingitim ang dalawa mong mata, namamaga rin ang buo mong mukha. Nakita ko
rin ang gulat mo habang nakatingin sa akin, “Anong nangyari sa mukha mo?” sabay
nating tanong. Inilibot ko ang aking paningin, nakahinga ako nang maluwag nang
makitang nasa apartment ko tayo. Naalala ko na, kagabi, nagsapakan ulit tayo.
Ito na ang ikatlo, at sa ikatlong pagkakataon, nagsapakan tayo dahil sa babae.
Malinaw na sa aking alaala ang lahat. Nag-inuman tayo
kagabi pagkatapos nating magsapakan. Dalawang pusong sawi na naghahanap ng
kalinga, ng masasandalan, ng makakaramay. Pagkatapos nating magsapakan, tayo at
tayo pa rin ang nagdamayan hanggang sa huli.
Pagkatapos nating magulat sa kapwa natin basag na mukha at
magtanong kung anong nangyari, at inilibot ko ang aking paningin sa paligid,
umupo ako. Di na ako makatingin sa iyo. Malinaw na malinaw na sa aking alaala
kung ano ang nangyari kagabi.
Hinanap ng aking paningin ang mga damit ko, nakita ko ang
aking damit sa may lamp shade sa tabi mo, magkasama naman ang aking brief at
shorts sa may single sofa sa tabi ko, kasama ng iyo. Sinubukan kong hilain ang
kumot pantakip sa aking kahubdan nang akmang tatayo ako para kunin ang aking
mga damit ngunit nakipaghilaan ka. Hinawakan mo ang aking mga kamay. Muli,
nagkatinginan tayo. Di ko maibuka nang maayos ang kaliwa kong mata. Di ka
nagsalita ngunit mas hinigpitan mo ang pagkakahawak sa aking mga kamay.