Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts
Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts

Friday, November 19, 2021

Tol

Sabado ng hapon noon, apat na buwan na ang nakalilipas. Habang abala ako sa pagbabasa ng Etsa-puwera habang nakahiga sa sofa sa sala ng apartment ko, kumatok ka. Sabado kaya alam kong alam mo na naroon lamang ako kaya mo kinatok. At malamang na nasilip mo na rin na naroon ako. Naka-lock ang pinto, di ako mapalagay kapag hindi ito naka-lock. Di ko alam, nakasanayan ko na lang na gano’n. Di ako bumangon para pagbuksan ka. May susi ka naman.

Nangupahan ako ng apartment sa may San Vicente para mas malapit sa pinapasukan kong accounting firm. Masuwerte at may nakuha akong may sariling sala at may karugtong na kusina at may isang kuwarto. Walang kagamit-gamit dito noon, unti-unti, galing sa suweldo. Sa loob ng isang taong mahigit, kumpleto na ako sa gamit. Sa sala, bumili ako ng sofa, isang mahaba at dalawang tig-isahan. May maliit na mesang salamin sa gitna. Nagpasadya rin ako ng bookshelf na ipinakabit ko sa sala, katabi ng computer. Sa kusina, anim na pinggan, tatlong mangkok, tatlong platito, anim na set ng kutsara’t tinidor isang kalderong maliit at isang malaki, gano’n din sa kaserola, may isa ring kawaling katamtaman ang laki—hindi kalakihan, hindi rin kaliitan, dalawang sandok at siyanse. May maliit naman na parihabang hapag-kainan na kasya ang anim na tao. Sa kuwarto, medyo malaki ang aking kama, kasya ang apat kung katamtaman ang laki ng katawan. Nasa magkabilang gilid nito ang isang lamp shade sa kanan at isang maliit na mesa sa kaliwa na may single sofa. May aparador na rin sa may pintuan. May isang araw nga na tinatawanan mo ako, sabi mo bakit parang may pinaglalaanan na ako sa mga gamit ko. Mag-isa ko lang naman bakit laging may pasobra. Ang sagot ko, tamad akong maghugas ng paisa-isang pinggan kaya marami akong gamit-pangkain, malikot akong natutulog at alam mo naman iyon dahil ilang beses na tayo nagkatabi sa pagtulog mula pa noong mga bata tayo. kaya kailangan ko ng ganito kalaking kama. At kung dadalaw sina Mama at Papa at ang kapatid ko, may magagamit sila. At ano ba ang masama kung paghandaan ko na ang pagkakaroon ng sariling pamilya. Mas maganda na kung ngayon pa lang naghahanda na ako. Balak ko kasi, pagkaraan ng dalawa pang taon, aayain ko na ng kasal si Shiela. Di ka umimik.

Noong una, padalaw-dalaw ka lang kapag day-off ko na alam mong naroon ako hanggang sa mga araw na kapag umuuwi ako, nadaratnan kitang naghihintay sa labas. Kadalasan kong uwi ay alas singko y medya ng hapon. Halos araw-araw, nararatnan kitang naghihintay pero may mga panahon na nauuna akong dumating. Nakasanayan mo na kasi ang makitambay sa akin kapag wala kang ibang ginagawa o kung bakante sa eskuwela. Tapos, bigla ka na lang sisibat para pumasok pagpatak ng alas-siyete. May panggabi ka kasing subjects. kung minsan naman, bumabalik ka pagkatapos ng klase mo, mga 9:15, nakikikain hanggang sa makikitulog na. Uuwi kinabukasan.

May mga araw naman na kinakailangan kong mag-over time sa trabaho at gabi na ako makauuwi, naroon ka pa rin. Naghihintay. Kung minsan, nagdarabog ka at sinasabing bakit gabing-gabi na akong umuwi alam ko naman na madalas ay naghihintay ka, sana man lang mag-text ako. Lalo na kung alas-tres pa lang ay naroon ka na dahil mahaba ang bakanteng oras mo sa eskuwela. Sinabi ko noon na bakit kailangan kasing puntahan ako anumang oras na gustuhin mo gayong alam mo naman kung anong oras akong dumarating. Hindi ka sumagot. Dahil doon, humingi ka ng kopya ng aking susi dahil sabi mo nakaiinis ang maghintay sa labas kung kailan ako darating. Hindi na rin ako nag-usisa pa at ibinigay ko ang susi para mapa-duplicate mo. Mula noon, bawat free time mo ay roon ka na tumutuloy, doon na nag-rereview, at gumagawa ng assignment (nakikigamit ng Internet) at kung ano-ano pa. Dumarating kahit wala ako. Mas mukhang bahay mo na nga ito kaysa sa akin. Minsan, pabiro kong sinabi na bakit di mo na lang kunin ang mga damit mo at tuluyan nang makitira sa akin, isang Linggo ng gabi, dumating ka na may dalang dalawang malalaking bag at sinabi mong nasabi mo na kina mama mo na makikitira ka na sa akin para mas malapit ka sa Tarlac State University (TSU). Tumawa lang ako nang malakas noon at sinabing nagbibiro lang ako, bakit mo tinotoo? Hindi ka umimik noon, pumasok ka lang at tumuloy sa kuwarto ko, inayos ang mga gamit sa aparador ko. Mula noon, ikaw na ang naglilinis ng apartment, ikaw ang nagluluto at naghuhugas ng pinagkainan, at kung minsan, isinasabay mo na rin ang labahin ko.

 

At iyon na nga, pagkatapos mong kumatok nang tatlong beses at hindi pa rin kita pinagbuksan, ginamit mo na ang susi mo. Wala kang imik na pumasok, tiningnan lang kita hanggang sa umupo ka sa sofa katapat ko. Mangiyak-ngiyak. Ni hindi makatingin sa akin. Inasar kita noon, sabi ko nababakla ka na ata at may gusto ka na sa akin. Hindi na bago sa atin ang ganitong asaran, dahil may mga pagkakataon noon na kapag nagbabasa lamang ako, nakahiga rito sa paborito kong sofa, ay napapatitig ka, na kung titingin ako, iniiwas mo ang iyong tingin, tapos kapag ipagpapatuloy ko na ang pagbabasa, titingin ka ulit.

“Di ka ba nagsasawa sa ka-guwapuhan ko? Mula bata magkasama na tayo, ilang beses na kitang napapansin na tumititig, a!” gago lang naman ang isinagot mo

“Di ka ba nagsasawa sa kababasa? Mula elementarya, hanggang sa kolehiyo walang tigil tayo sa pagbabasa ng mga lessons. Ngayong nagtapos ka na, nagbabasa ka pa rin?” Ngisi lang ang isinagot ko. Ilang minuto kang di nagsalita, hinihintay siguro ang sagot ko, pero wala akong balak sumagot. Maya-maya, tumayo ka, hinablot ang binabasa kong Walong Diwata ng Pagkahulog ni Edgar Calabia Samar, binasa ang pamagat pagkatapos ay inihagis mo sa bintana. Hindi ito tumama sa jalousie ng bintana kaya tuloy-tuloy ito sa labas. Dinampot mo ang susi sa mesa at kumaripas ng takbo papasok sa kuwarto at ini-lock mo ang pinto para di kita masuntok. Ilang beses na rin kasi tayong nagsusuntukan sa maliliit at malalaking bagay. Wala akong magawa kundi tumayo at kunin ang aklat sa labas kahit na kumukulo ang dugo ko. Kinabukasan, nakita kitang binubuklat-buklat ang mga libro ko, parang hinahanap ang sagot sa iyong tanong.

Minsan namang nahuli mo akong pinanonood ka habang naglalaro sa computer ko ng DOTA isang hapon ng Linggo, bumawi ka: “Di ka ba nagsasawa sa ka-guwapuhan ko? Mula bata magkasama na tayo, ilang beses na kitang napapansin na tumititig, a!” gago lang din naman ang sagot ko.

“Di ka ba nagsasawa kalalaro niyan? Sa pagkakatanda ko, wala akong ini-install na kahit anong laro diyan, a! Minsan, buburahin ko lahat ng laro diyan!” Ngumisi ka lang din. Ilang minuto akong di nagsalita, naghihintay ng sagot mo, pero parang wala kang balak sumagot. Tumayo ako at lumapit at biglang binunot ang computer sa saksakan. Lintik lang ang walang ganti. Tumakbo rin ako papuntang kuwarto. “Pustahan 'to! 'Tang ina naman! Malapit na kaming manalo!” sigaw mo. Kinabahan ako dahil di ko nakuha ang susi. Hindi ka naman sumunod para suntukin ako. Lagi’t lagi namang ako palagi ang nagsisimula ng suntukan. Kinabukasan, sinabi mong tuturuan mo akong mag-DOTA, sabi mo pa nga, walang kabataan ang hindi naglalaro ng DOTA ngayon. Nagpaturo naman ako. Nawili kaya hindi ko binura ang mga inilagay mong mga laro sa PC ko.

“Break na kami ni Mary Anne” ang sagot mo sa tanong ko. Tumawa lang ako noon nang malakas. Sa totoo lang hindi ko naman iyon intensiyon. Nagawa ko lamang ang pagtawa sa kawalan ng sasabihin. Ganoon naman ako palagi, tawa ang nagiging sagot kapag wala akong alam sabihin. Dapat alam mo na iyon. Di gaya mo, nananahimik kung wala nang masabi. At iyon, alam na alam ko. Tumayo ka na lang at sinabing maghihiwalay rin kami ni Shiela, sabay sibat. Pabagsak mo pang isinara ang pinto. Ilang araw kang hindi umuwi na ikinatuwa ko naman dahil walang istorbo kapag nag-uuwi ako ng trabaho. Pero nag-alala pa rin na baka dinamdam mo ang ginawa ko. Tayo lang ang magkaibigan, dapat dinamayan na lang kita.

-=oOo=-

Nakikita na kita noon sa paaralan, kilala kita sa hitsura pero hindi sa pangalan. Alam ko ring gano’n ka sa akin. Pareho tayong grade four, magkaiba lamang ang ating section. Isang hapon, umiiyak na nagsumbong sa akin ang nakababata kong kapatid na babae na noon ay nasa grade 2. Sinigawan mo raw siya at pinagbantaang susuntukin kung hindi siya umalis sa iyong harapan. Kumulo agad ang dugo ko nang mga oras na iyon. Sinundan ko ang aking kapatid dahil sinabi kong puntahan ka namin. Naabutan ka naming nagpupunas ng kung ano sa iyong puwetan, may inaalis? Agad kitang sinuntok nang makalapit ako. Hindi ka nakailag dahil hindi mo naman inaasahan ang gagawin ko. Napaupo ka. Agad kang tumayo at gumanti naman ng suntok, nailagan ko ngunit hindi na ang ikalawa. Ang bilis mong kumilos. Napaupo rin ako.

Nang mga oras na iyon, pinalibutan na tayo ng mga kapwa natin estudyante. May mga umaawat pero sa salita lang, takot siguro na madamay sa gulo kung pipigilan tayo. May ilan naman na inuudyok pa tayong ituloy ang laban. May mga nagsasabing “Sige nga, hawakan mo nga ang tainga niya!” Ang ilan naman ay tumakbo para magtawag ng guro.

Tumayo ako at pumorma gaya sa mga napanonood kong pelikula ni Jackie Chan. Ginaya mo rin ako, nagtawanan at nagpalakpakan ang mga kapwa nating estudyante. Lalo silang nanabik sa kung anuman ang kahihinatnan ng ating labanan. Dahil pareho na tayong may tama, pareho tayong nagpipigil ng iyak (nalaman ko ito nang minsang napagkuwentuhan natin ang pangyayaring iyon, na tinatawanan na lang natin). Kailangan kong ipagtanggol ang aking kapatid, kailangan mo namang ipagtanggol ang iyong sarili mula sa kung kanino na wala ka namang kasalanan ay bigla ka na lang sinuntok. Hindi mo alam kung bakit ko iyon ginawa. Laban ito ng taon para sa ating dalawa.

Nang dumating ang mga guro, bitak na ang labi ko, basag naman at may tumutulong dugo sa ilong mo. Kapwa tayo basang-basa ng pawis. Magkakahalo ang pawis, alikabok dahil kapwa tayo gumulong sa lupa habang nagrarambolan, at luhang di-napigilan sa pagpatak ang makikita sa ating mga mukha. Ngunit kahit na napaluha na tayo, kapwa pa rin natin pinipigilan ang pag-iyak. May mga pagkakataon lang talaga na pumapatak ang mga luha natin kahit na anong pigil natin.

Sa principal’s office ang bagsak natin.

Doon, nalaman ko na nilagyan pala ng ketsup ng kapatid ko ang upuan na malimit mong tambayan tuwing bakanteng oras. Hindi ko na tinanong kung saan niya kinuha ang ketsup dahil mas mahalagang malaman kung bakit niya iyon ginawa. At dahil nga sa kapilyahan niya nagalit ka at pina-aalis sa harapan mo. Ayaw niyang umalis kaya pinagbantaan mo. Hindi ko naman pinagsisihan ang ginawa ko dahil obligasyon kong ipagtanggol ang kapatid kong babae. Isa pa, puwede naman siyang pagsabihan nang maayos kaysa sa pagbantaan. Sagot mo, makulit talaga ang kapatid ko at kahit anong pilit mo ay ayaw talagang umalis. Iyon na ang pinakahuling alam mo na gawin.

Pinagkamay tayo at pinahingi ng sorry sa isa’t isa. Buti napakiusapan natin ang prinsipal na huwag nang iparating pa ito sa ating mga magulang at huwag na silang ipatawag pa. Tutal ay bati na tayo. Kapag iniisip ko ngayon hindi ko alam kung paano natin siya nakumbinsi noon.

Nauna akong lumabas sa office, kinausap ko ang kapatid ko pagkalabas ng pinto. Tinanong ko kung bakit niya iyon ginawa.

“Naiinis kasi ako sa kaniya, Kuya,” sagot niya. Tinitigan ko lang siya at naghintay ng iba pa niyang sasabihin. “Ang pogi kasi niya, Kuya,” nahihiya niyang amin, “crush ko siya,” dagdag pa niya.

Napakainosente ng pagkakasagot niya sa akin na may kahalong hiya. Tumawa ako nang malakas noon at ginulo ang buhok ng kapatid ko. Hindi ko maintindihan ang rason niya kung bakit niya iyon ginawa, basta ang nakikita ko sa panahong iyon ay parang mas gumanda ang batang-bata kong kapatid sa aking paningin habang namumula ang pisngi. Bigla siyang nagulat nang mapatingin sa aking likuran. Lumingon ako, nakasandal ka sa may pinto at nakikinig sa aming usapan. Tumayo ako at inakay ang aking kapatid palayo.

 

Dali-dali akong tumuloy sa aking silid nang araw na iyon, pagka-uwi ko sa bahay kasama ang aking kapatid. Hindi na ako nagpakita pa sa Mama ko na noon ay nanonood sa sala. Binati ko lamang siya at tuloy-tuloy na sa kuwarto. Pagkaraan ng ilang minuto ay pumunta ako sa kusina. “Kain na ‘ko, Ma, hindi na ako sasabay mamaya, marami akong assignment,” pagsisinungaling ko. Nag-oo naman si Mama at sinabing nakaluto naman na siya. Ayaw kong makita nila ang bitak kong labi. Hindi na dapat nila malaman ang nangyari. Kinausap ko na noon ang kapatid ko na huwag na huwag niyang ikukuwento ang nangyari. Sinabi ko na kapag nalaman nila Mama at Papa ang nangyari ay hindi na kami pag-aaralin. At kung hindi na kami mag-aaral ay hindi ka na niya makikita pang muli sa eskuwela. Tumango lamang siya. Naaasar sa akin ngayon ang kapatid ko sa tuwing binabanggit ko ito sa kaniya. Lalo na kapag dumadalaw sa apartment. “Bata pa ako noon!” lagi niyang sagot sabay bato ng kahit anong madarampot niya sa akin.

Kinabukasan, nang gigisingin na ako ni Mama, nagsisisigaw siya. Tinatanong ako kung anong nangyari. Nahihirapan akong imulat ang kanang mata ko noon. Patakbo namang dumating si Papa dahil nagulat sa sigaw ni Mama.

Mahapdi at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman kong sakit. Sa totoo lang  noong gabing iyon ko pa iniinda ang nararamdaman, at para akong lalagnatin. Mabuti at nakatulog pa ako. Pero maya’t maya ay nagigising ako. Nananaginip pero pagkagising ay hindi ko na alam kung ano ang panaginip ko. Basta alam ko lamang na nanaginip ako at nakakapagod ang panaginip na iyon. Ito ang nagiging dahilan kung bakit ako nagigising. May ilang beses din akong nagigising dahil sa kirot na nararamdaman—sa katawan at sa mukha.

Kaya pala sila nagsisisigaw ay namamaga na pala ang mukha ko. Agad nilang tinapalan ng yelo na binalot sa tela at pinainom ako ng gamot. Sunod-sunoran ako dahil ayaw kong mas mapagalitan. Tinanong ako kung anong nangyari. Napilitan akong sabihin ang totoo. Kinuwento ko nang buong-buo. Walang iniwang detalye.

“Pupunta ako sa paaralan,” hayag ni Mama pagkatapos kong magkuwento. Hindi ko sila mapigilan.

“Kuya, akala ko ba hindi natin sasabihin?” tanong ng kapatid ko nang maiwan na lang kaming dalawa sa kuwarto dahil nagbibihis na si Mama. “Hindi na ba tayo mag-aaral? Hindi ko na ba siya makikita?” Wala akong alam isagot noon kaya tumawa na lang ako nang malakas. Naramdaman ko rin ang pagkirot ng bitak kong labi.

Pinagbihis din ako ni Mama at naiwan ang kapatid ko at si Papa sa bahay. Hindi na pinapasok. Tumawag din ang Papa ko sa kaniyang trabaho para magpaalam na hindi muna papasok noong araw na iyon. Ipinipilit ni Papa na siya na lang ang pupunta sa eskuwela para makipag-usap pero ayaw ni Mama. Siya raw dapat. Ang rason, hindi ko alam at hindi na niya sinabi. Basta iyon lang ang sinabi: "Ako dapat ang makikipag-usap." At sa mga pagkakataong gano’n, ang Mama ang nasusunod.

Sa eskuwela, naratnan namin kayo sa principal’s office. Nang malaman nila na sila na pala ang hinahanap ng bawat isa, nagkaroon na ng laban ng taon part 2. Sa pagkakataong ito ay sa pagitan naman ng ating mga ina.

 Habang nagsasagutan ang ating mga magulang, tinawag mo ako para lumabas. Nagtatawanan pa tayong lumabas sa office noon. Nang makalabas at makalayo tayo, nagpakilala ka, ikaw si Stefan, ako si Steven at sabay pa tayong humingi ng dispensa sa nangyari at sa ginagawa ngayon ng ating mga magulang. Habang nagsasagutan ang ating mga magulang, tayo naging magkaibigan.

Nalaman ko sa araw na iyon na kung paano nalaman ni Mama ang mga pasa ko sa mukha ay gano’n din sa iyo. Tumawa tayo nang malakas at sabay napahinto dahil biglang nanakit ang ating mga mukha. Simula noon, naging magkaibigan tayo.

-=oOo=-

Isang araw pagkatapos mong umalis ng apartment, dumating ka na parang walang nangyari. Balik ka uli sa dating ikaw, nambubulabog at nanghahalungkat sa mga libro ko. Binabasa mo lahat pero wala kang tinatapos. Puro umpisa. Ang gusto mo ikuwento ko sa ‘yo ang nasa aklat. Ito naman ang kinaaasaran ko kaya gumaganti ako kung minsan. Inila-lock ko ang pinto kapag alam kong darating ka. Iyong lock sa loob na hindi puwedeng buksan ng susi. Isang oras kitang pakakatukin at kapag binuksan ko pupungas-pungas ako at nagkukunwaring kagigising ko lang.

“Kumusta kayo ni Mary Anne?” tanong ko isang gabi ng biyernes, habang binabasa ang maikling kuwentong Impulse ni Conrad Aiken, matutulog na tayo noon, nakahiga tayo pareho sa kama. Hindi ka umimik. Alam ko kung gaano mo siya kamahal, saksi ako kung paano mo siya niligawan ng isang taon nooong nag-aaral pa lamang ako, third year sa Accountancy, nasa unang taon ka naman sa Mass Com. Ang sabi mo, siya ang dahilan kung bakit ka ngayon nagtino sa pag-aaral. Ang sabi mo, nahanap mo na kung saan ka liligaya—sa Mass Com at siyempre, kay Mary Anne.

Sabay tayong kumuha ng entrance exam noon sa TSU. Kapwa nakapasa sa kukuning kurso, accountancy sa akin, journalism sa iyo. Isang araw pagkatapos ng semestre, kinausap mo ako, sabi mo lilipat ka ng kurso. Hindi ko tinanong kung bakit, ang sabi ko lang, kung di ka masaya sa kurso mo ngayon, sige lang. Lumipat ka nga sa architecture. Tinanong kita kung bakit architecture, sagot mo, parang ang sarap gumuhit ng mga bahay. Makalipas ulit ang isang semestre, sabi mo hindi lang pala pagguhit ng bahay ang architecture. Gusto mo ulit mag-shift. “Masaya siguro kung magkaklase ulit tayo,” sabi mo. Kumuha ka ng accountancy, hindi mo naisip na second year na ako at ikaw, balik first year. Ikaw ang bahala lamang ang nasabi ko. Tatlong buwan ka pa lang nag-aaral, sinukuan mo na ang accounting. Tumigil ka na. Kinausap ako ng mama mo noon. Ang sabi, kausapin kita. Nagdesisyon kang magtrabaho muna, sabi mo habang pinag-iisipan mo kung ano ba talaga ang magpapasaya sa ‘yo. Nagtrabaho ka bilang bagger sa supermarket sa Magic Star Mall. At noon mo nga nakilala si Mary Anne. Siya lang ang nagpahirap sa iyo nang gano’n katagal. Karaniwang ligaw mo ay inaabot lamang ng isang linggo, iyong iba pa nga, araw lang. Lalo na ang babaeng bago si Mary Anne, kakikilala n’yo lang, kinabukasan sabi mo kayo na. Ang iba, sila ang nanliligaw sa ‘yo. May mga pagkakataon pa nga na sabay-sabay ang tatlo. Natatawa na lamang ako. Aminado naman ako, sa ating dalawa, ikaw ang babaero, at habulin ng babae. Higit sampu na ang alam kong naging girlfriend mo, partida, iyon lamang ang mga nakikilala ko. Ako, pangalawa pa lang si Shiela, at pakiramdam ko siya na talaga. “O baka naman may kapalit na agad?” tanong kong nakangiti at tumingin sa kaniya.

“Nagbago na ako,” maikli mong sagot. Mula noong maging kayo, wala nga naman akong nababalitaan sa iyo na may kasabay siya. Ikaw na nga mismo ang umiiwas sa ibang babae, di gaya noon na tila nawiwili ka pa kapag marami ang nagpapapansin sa iyo.

“Nagbago? Lalaki ang ipinalit mo?” biro ko. Di ka sumagot. “Inom tayo?” aya ko. Alam kong kailangan mo ng makakausap noon. Gusto kong bumawi sa kasalanan ko.

“Basta ba ikaw ang taya?”

-=oOo=-

Mula nang araw na sabay tayong lumabas sa principal’s office habang nagbabangayan ang mga ina natin, naging matalik na tayong magkaibigan. Tuwang-tuwa naman ang aking kapatid. Sa tuwing pumupunta ka sa bahay para makipaglaro, palaging siyang naroon. Nangungulit.

Naaalala ko pa noong unang beses tayong uminom. Graduation natin noon. Nakitulog ka sa bahay dahil biglaang may dapat asikasuhin ang pamilya mo sa Cavite, kung saan kayo galing. Tinapos lamang ang graduation rites, at naghanda nang kaunti at sa hapon ay umalis na sila. Ayaw mong sumama noon, hindi ko alam kung ano ang rason mo. Dalawang araw din silang mawawala kaya sinabi mo na makikitulog ka na lang sa amin. Idinaan ka ng mga magulang mo sa amin at nag-usap ang mga magulang natin at tayo diretso na sa aking kuwarto.

Kinagabihan, inilabas mo ang isang bote ng gin bilog. Sabi mo, tira ito ng mga bisita n’yo at itinago mo lang. Hindi ito alam ng mga magulang mo.

“Hindi ako umiino—” bigla mong tinakpan ang bibig ko.

“Baka marinig ka ng Mama mo!” bulong mo. “Ako rin naman, hindi pa umiinom.”

“Pala, bakit mo ako inaayang uminom?” di ko maalis ang tingin sa dalawang tao sa hawak niyang alak. Ang isa ay nakahiga at ang isa ay nakatayo na parang naka-amba ng isang espada at papatayin ang nakahiga.

“Tikman lang natin!”

Naka-ilang tagay lang tayo noon ay bagsak na tayo. Kinaumagahan, nagising tayo sa katok sa pinto, alas-diyes na ng umaga. Ngayon ko na lang naiisip kung gaano kabagsik ang kauna-unahang alak na ininom natin.

“Tanghali na, hindi pa kayo kumakain. Bumangon na kayo riyan.” Si Nanay. Umaalingasaw ang kuwarto ng alak, natapon ang tira natin sa kama at sinipsip nito ang lahat. Masinsinan tayong kinausap ni Tatay noong malaman nila. Nakumbinsi naman natin siya na huwag nang iparating sa iyong mga magulang, pero hindi ang Nanay na naging best friend ng ina mo pagkatapos nilang mag-away noon sa principal’s office.

Pinarusahan tayo noon, tayong dalawa ang naglinis ng bahay at naglaba sa naperhuwisyo natin sa kuwarto ko.

-=oOo=-

Apat na buwan nang makipaghiwalay si Mary Anne sa iyo, nakipaghiwalay naman sa akin si Shiela kagabi nang magkita kami. Kagagaling ko sa trabaho at pagod na pagod dahil sa OT. Parang paulit-ulit kong narinig ang boses mo: Magbi-break din kayo ni Shiela, magbi-break din kayo ni Shiela, magbi-break din kayo ni Shiela. Umuwi akong kumukulo ang dugo sa iyo. Alam mo namang balak ko na siyang pakasalan, paano mo nasabi ang bagay na iyon. Hayon at nagkatotoo

Mabigat ang pakiramdam ko na umuwi sa apartment at naratnan kita sa may sala, nagkakape. Binubuklat-buklat mo ang nobelang Illustrado ni Miguel Syjuco. Pagkakita ko sa ‘yo sinugod kita at sinapak. Gumanti ka rin, hindi ka na nagtanong kung bakit, siguro ay matagal mo na rin akong gustong sapakin, hindi mo lang ginagawa at ito na ang iyong pagkakataon. Sapakan lang tayo nang sapakan. Suntok kung suntok. Tadyak kung tadyak, bigwas kung bigwas. Hindi na gaya ng dati na nakukuha pa natin ang pagporma gaya ng mga nasa pelikula ni Jackie Chan. Matatanda na tayo para doon. Nagulo ang sala sa ating dalawa, dinaig pa ang dinaanan ng bagyo.

Nang kapwa tayo napahiga dahil sa pagod, tinanong mo ako kung ano bang problema ko.

“Break na kami ni Shiela,” ang sagot ko. Hindi tayo bumangon, nakahiga lang tayo sa sala. Inabot mo ang kamay mo sa may ulo ko sabay kutos. Di ako gumanti at tumawa lang nang malakas. Wala na naman akong alam sabihin.

Gaya noon, bitak ang labi ko at basag naman ang ilong mo. Pero hindi na gaya ng dati na may tumulong luha dahil hindi natin kayang tiisin ang sakit sanhi ng pagkabugbog. Binata na nga tayo, kaya na nating indahin ang mga pisikal na sakit. Pero tinatamaan kapag usaping puso na. Ilang minuto tayong nanatiling nakahiga, binabawi ang pagod.

“Inom tayo,” sabi mo habang tumatayo. Nakagawian na natin ang pag-inom kapag may problema. Inabot mo pa ang kamay mo para tulungan mo akong tumayo. Inabot ko naman ang kamay ko pero para tapikin lamang ang naghihintay mong kamay.

“Ikaw ang taya?” tanong ko. Di ka sumagot at alam ko nang wala kang budget para sa inom. Ganito rin ang nangyari noong ikalawang beses kitang sapakin. Nasa ika-apat na taon na tayo sa hayskul noon nang sapakin ulit kita isang umaga. Nakita ko kasing umiiyak ang kapatid ko noong gabi bago ang umagang iyon. Sinabihan mo raw siya na tigilan na niya ang pangungulit sa ‘yo kasi hindi mo naman siya gusto. Bugso ng damdamin ang umiral kaya pagkarating ko sa paaralan sinapak agad kita nang makita kita sa loob ng silid aralan natin. Gaya nang mga bata pa tayo, gumanti ka agad pero hindi na humantong sa pagkabasag ng ating mga mukha dahil may mga umawat. Hindi tayo nag-usap maghapon ngunit nang pauwi na tayo hinabol mo ako sa daan.

“Gago!” iyan lang ang nasambit ko nang abutan mo ako. Hindi ka sumagot at sumabay lamang sa aking paglakad. Marahil hindi mo alam kung ano ang isasagot o kung paano ka mag-uumpisa sa gusto mong sabihin.

“Sorry,” iyan lang ang nasabi mo sa halos dalawampung minuto nating paglalakad. Kung gayon ay alam mo na kung ano ang dahilan kung bakit kita muling sinuntok. Sorry, hindi ko alam kung sasapat iyon sa ginawa mo sa kapatid ko pero naunawaan kita. Sorry, sa kapatid ko mo dapat ito sinabi at hindi sa akin, wala ka namang kasalanan sa akin. Ako dapat ang humingi ng sorry.

Bumuntong-hininga ako nang malalim bago rin ako humingi ng paumanhin sa aking ginawa. Inaya mo akong uminom, pumayag ako. Umakbay ka sa akin, gaya ng mga karaniwang araw na naglalakad tayong magkasama. Habang umiinom tayo, ipinaliwanag mo na ayaw mong paasahin ang kapatid ko di gaya ng ibang babae na nakikipaglokohan ka kung alam mong may gusto sa iyo. Sabi mo, alang-alang sa pagkakaibigan natin kaya mo iyon ginawa.

-=oOo=-

Sabay tayong nagising at nagkatinginan. Hindi ko masyadong maimulat ang kaliwa kong mata. Nagulat ako sa itsura mo. Basag ang ilong at nangingitim ang dalawa mong mata, namamaga rin ang buo mong mukha. Nakita ko rin ang gulat mo habang nakatingin sa akin, “Anong nangyari sa mukha mo?” sabay nating tanong. Inilibot ko ang aking paningin, nakahinga ako nang maluwag nang makitang nasa apartment ko tayo. Naalala ko na, kagabi, nagsapakan ulit tayo. Ito na ang ikatlo, at sa ikatlong pagkakataon, nagsapakan tayo dahil sa babae.

Malinaw na sa aking alaala ang lahat. Nag-inuman tayo kagabi pagkatapos nating magsapakan. Dalawang pusong sawi na naghahanap ng kalinga, ng masasandalan, ng makakaramay. Pagkatapos nating magsapakan, tayo at tayo pa rin ang nagdamayan hanggang sa huli.

Pagkatapos nating magulat sa kapwa natin basag na mukha at magtanong kung anong nangyari, at inilibot ko ang aking paningin sa paligid, umupo ako. Di na ako makatingin sa iyo. Malinaw na malinaw na sa aking alaala kung ano ang nangyari kagabi.

Hinanap ng aking paningin ang mga damit ko, nakita ko ang aking damit sa may lamp shade sa tabi mo, magkasama naman ang aking brief at shorts sa may single sofa sa tabi ko, kasama ng iyo. Sinubukan kong hilain ang kumot pantakip sa aking kahubdan nang akmang tatayo ako para kunin ang aking mga damit ngunit nakipaghilaan ka. Hinawakan mo ang aking mga kamay. Muli, nagkatinginan tayo. Di ko maibuka nang maayos ang kaliwa kong mata. Di ka nagsalita ngunit mas hinigpitan mo ang pagkakahawak sa aking mga kamay.

 

 

 

 

Tuesday, October 31, 2017

Yoyong

“Puro kau reklamo, bakit endi nyu nlng suportahan ang ating pangulo s mga gus2 nyang gawin?” comment ko sa isang news page na naglabas ng balita tungkol sa pagkundena ng Katoliko sa tokhang. Nakatanggap ako ng maraming like at love reaction, mayroon ding mga angry.

“Kailangang suportahan ang mga magagandang ginagawa, ngunit kailangang batikusin ang mga pangit.” Sagot ng kung sinong bayarang Dilawan.

“Ikw nlng kaya ang maging pangulo!” sagot ko.

“Typical Dutertard” naman ang reply niya. Di na ako sumagot pa. Alam ko namang Dilawan at bayaran lamang siya.

Keyboard warriors ang tawag nila sa mga kagaya ko na nagtatanggol sa ating mahal at magaling na Pangulong Digong. Dutertard ang ilang tawag. Ang mga wala nang ibang maitatawag ay trolls. Natatawa na lang ako sa kanila kung minsan.

Nagba-brows pa ako sa FB nang mag-text si Pia. Agad-agad kong isinara ang dummy FB account ko. Hindi ko totoong picture ang ginagamit ko rito, kinuha ko lang ito sa isa kong friend sa aking isa pang account at iyon ang ginamit ko. Hindi niya alam ang ginagawa ko sa mga larawan niya. Blocked siya sa account ko na ito kaya hindi niya makikita. Lahat din ng nasa friend list niya ay pinagtiyagaan kong i-block para walang lusot. Paminsan-minsan ay nag-a-upload ako ng mga ninakaw niyang picture dito sa account ko na ito at pinuputakti ako ng likes at reactions, karamihan ay mga babae at bakla. Guwapong-guwapo sila sa akin. Tuwang-tuwa naman ako. Pakiramdam ko ay tanggap ako ng mundo.

-Yoyong?

-Yow mahal?, dali-dali kong sagot.

-payg na quo sa gus2 mo.


-=oOo=-


Nakilala ko si Pia sa isang group chat. Di ko na nga alam kung paano ako napasok sa group chat na iyon ng mga single. Pero hindi na ako umalis. Gustong-gusto ko naman sa mga ganito dahil sa totoo lang maraming group chat na kabilang ako. Karamihan sa mga ito ay ang mga grupo namin na nagtatanggol sa ating pangulo, mga dating group na iba-ibang lahi ang kasama mga lahing naghahanap ng kanilang kapareha, at mga group na naghahanap ng forever.

 Si Pia ang unang nag-add sa akin. Accept naman ako agad. Lahat naman ng nag-a-add sa akin ay tinatanggap ko. Isang araw napadpad sa newsfeeds ko ang isang picture niya. Nakatalikod siya at walang suot, nakaupo sa parang higaan. Kitang-kita ang buong likuran niya, mukhang wala ring suot pambaba pero dahil sa nakaupo siya hindi ko masigurado. May caption na Isaiah 41:10  “So do not fear, for I am with you; do not be dismayed, for I am your God.  I will strengthen you and help you; I will uphold you with my righteous right hand.” may halos dalawang daan na likes at reactions at halos isang daang comments ito. Pinusuan ko. Ilang araw ang nakalipas selfie naman ito sa harapan ng salamin. Parang sa loob ng banyo. Naka-sando siya ng puti at nakalislis ang isang strap nito sa kaliwang balikat pababa. May hawak na toothbrush. Parang walang bra at may caption na Mark 12:25  “When the dead rise, they will neither marry nor be given in marriage; they will be like the angels in heaven.”. May higit dalawang daan na likes at reaction. Sandamakmak din ang comments. Pinusuan ko ulit.

Sa ikatlong picture niya na dumaan sa newsfeeds ko na may hashtag na #Wokeuplikethis ay nakahiga siya sa kama nakakumot ng manipis na puti na hanggang dibdib, halatang walang suot na kahit ano ni bra dahil bakat ang utong nito sa puting kumot at may caption na “Lamentations 3:23 They are new every morning; great is your faithfulness”. Halos umabot ito sa apat na raang likes at reactions, pinusuan ko ulit.

Noong araw na iyon ay kumuha ako ng isang picture ulit sa taong kinukuhanan ko, iyong hubad-baro at kitang-kita ang mga abs at in-upload ko, naghanap din ako ng bible verse sa internet:”Philippians 4:13 I can do all this through him who gives me strenght” at iyon ang inilagay kong caption. Limangdaan ang nakuha kong likes at reactions at sangkatutak na comments gaya ng “How to be you po?”, “Petmalu”, “kuya, anakan mo nga ako”, “Lodi” at kung ano-ano pa. Nagulat ako nang pusuan niya ito. Agad ko siyang chinat.

-Hi byutipul!

Ilang saglit lamang akong naghintay may reply na.

-hi hansam!

-mhilig k pla sa mga bible vers?

-hindi. Nakkta ko lang sa group quo. Kinikopya qou lng. Maganda kc.

Napatawa ako sa sinabi niya. Nakakatawa pala siya. Masarap kausap.

-ganun b? Ang ganda mo, crush kita.

-hahaha! Ang pogi mo rin. Crush nga rin kta e.

-endi naman maxado. Kung crush mo ako at crush kita, edi tau n?

-hahaha! Nkktw ka!

-:D

-kaw mahilig kb sa bible verse? ung picture mo kaxi...

-endi. Kinuha q lan s enternet.

-hahaha!

-hahaha!

Maghapon kaming magka-chat noon. Mula sa pagtatanong ng hilig sa bibliya hanggang mapunta kay Duterte at Tokhang. Kapares ko, tagapagtanggol din pala siya ni Meyor Digong. Nakuwento niya na sa kanila raw, sa Brgy. Mapaco ay isang daan ang sumuko noong bagong upo si Presidente Digong. Iyong dating magulong baranggay nila naging tahimik. Sampu naman na raw ang pinapatay sa kanilang lugar. Tuwang-tuwa siya sa mga nangyayari. Maganda raw na nauubos na ang mga adik. Dapat pa nga raw ay patayin na lahat pati ang mga sumuko para mawala na nang tuluyanang lahat ng adik sa Pilipinas.

Gano’n din dito sa amin, sabi ko. Higit dalawang daan ang sumuko noon at patuloy pang dumarami. Minsan nga ay nagpunta ang mga pulis sa aming kapit-bahay dahil ayaw sumuko ng pinaghihinalaan nilang adik (gusto kong sabihin na hindi na dapat nila pinaghinalaan dahil alam ko mismo na adik siya) na si Mang Nestor. Ayaw niyang buksan ang pinto noon, lahat ng mga bahay ay nakasara, walang gustong lumabas pero lahat nakasilip sa mga siwang ng kani-kanilang bahay. Nakaabang kung ano ang mga susunod na mangyayari. Ang mahinang katok at tawag ay papalakas nang papalakas dahil nga ayaw nilang buksan ang pinto. Hanggang sa pilitin na ng mga pulis na pasukin ang bahay. Dahil gawa lang naman sa pinagtagpi-tagping yero at plywood ang kanilang bahay gaya ng marami sa amin, agad nilang nawasak ito. Sigawan at iyakan ang naririnig. Si Aling Edna, ang asawa ni Mang Nestor, ay nagsisisigaw. Nagmamakaawa na huwag daw kukunin ang kaniyang asawa dahil hindi na ito ulit mag-aadik. Takot na takot ang boses.

Maya-maya ay ang anak nilang maliit naman ang umiyak. Hindi namin makita ang nangyayari sa loob pero malakas ang mga kalabog hanggang sa isa, dalawa, tatlong putok ng baril ang narinig. Kasunod ang malakas na palahaw ni Aling Edna. Maya-maya lumabas na ang mga pulis, ang isa may tinatawagan sa telepono. Pagkalipas ng halos kalahating oras ay may mga nagsidatingan pang ibang pulis, NBI at SOCO. Inilabas na bangkay si Mang Nestor, kasama ang bangkay ng kanilang walong taong gulang na anak. Ang balita, nanlaban daw ito sa mga pulis at ginawa pang pananggalang ang kaniyang anak kaya ito nadamay. Minura ko noon si Mang Nestor sa kaniyang ginawa, pati anak ay nagawa niyang idamay. Sinong ama ang kayang isakripisyo ang sariling anak para sa kaniyang kaligtasan? Wala. Siya lang ata. Buti nga sa kaniya at napatay siya. Gago rin, nasukol na nga manlalaban pa. Sana nga ay maubos na lahat ng mga adik. Inabangan ko ang paglabas nito sa TV (kahit wala namang media ang nagpunta doon) kinagabihan. Walang balita sa nangyari. Kinabukasan, parang walang nangyaring patayan.

Manghang-mangha si Pia noon. Ang sabi niya, gusto rin daw niyang makaranas ng gano’n: ang makakita ng personal na pinapatay na adik. Mas lalo ko siyang nagustuhan dahil pareho kami ng paniniwala. Kinabukasan ay naging kami.

Ilang araw na palaging gano’n lang ang set up namin. maghapon na magka-chat, tapos hiningi ko na rin ang Cell Phone number niya. Ibinigay naman niya at mula noon sa text na kami palaging nag-uusap. Minsan naman ay maghapon na tawagan na kadalasan ay napapagalitan ako ni Nanay.

Minsan napag-usapan din namin ang ilan naming kalokohan. Minsan daw na naubusan siya ng sabon na pampaputi at mga pampaganda ay nag-shop-lift siya. Sobrang kabado raw siya noon pero nagawa niya ang pagnanakaw nang hindi siya nahuhuli. Matagal na raw siyang namamasyal sa tindahan ng mga pabango at sabon na iyon. Doon talaga siya bumibili. Kaya alam na raw niya kung nasaan ang mga CCTV Camera, alam na niya kung saan pupuwesto. Kung saan siya makakakuha ng sabon, pabango at ilang pampaganda nang hindi nahahagip ng camera. Naka-duster daw siya noon nang maluwag at inipit niya sa pagitan ng kaniyang mga hita ang mga ninakaw. Tawang-tawa ako noon. Maloko rin pala siya. Di ko alam kung paano niya na-ipit iyon doon. Inisip ko na ano kaya ang pakiramdam nang ma-ipit doon. “Puwede mo rin ba akong ipitin doon?” tanong ko noon. Nabigla ako sa aking tanong pero nagkasubukan na. Tumawa lang naman siya at sinabing “Gusto mo ba?”. Oo naman ang sagot ko. “Baka mabaliw ka!” lang naman ang sagot niya.

Kinuwento ko rin sa kaniya ang ilan kong kalokohan: nasa looban kami ng squaters’ area dito sa sitio Pinagpala, na mas kilala sa sitio Lubog. Kaunting ambon lang kasi ay binabaha na kami. Sa eskenitang palabas may nagaganap na kababalaghan. Masikip ang daanan palabas. Isang tao lamang ang kasya, kung may kasalubong, kailangang tumagilid pareho. Kung mataba ang kasalubong, kailangang umatras ng isa sa inyo. Kung babae ang kasalubong sinasadya kong ikaskas ang aking harapan dito, kung minsan ay sinasampal ako, kung minsan naman ay hindi na nila pinapansin.

Kinse metro ang haba nito bago ka makarating sa looban. Kung galing ka sa loob palabas, isang pabrika ng tsinelas ang nasa kaliwang bahagi. Isang apat na palapag na gusali naman sa kabila. Isang pribadong lugar na pagmamay-ari ng isang intsik. Bodega raw iyon. Dahil dito ay madilim ang daanan papasok sa looban, araw man o gabi. Hindi masilip ng liwanag. Maliban na lamang kapag tanghaling-tapat.

Gaya ng nasabi ko na kaunting ambon lamang ay binabaha na kami, ang buong looban kasi ay nakakulong sa mga nagtataasang mga pader sa paligid. Walang ibang daanan palabas kundi sa masikip na eskinita. Lahat ng mga tubig na galing sa nasa paligid na karaniwang pabrika at mga bodega, na mas mataas kaysa sa looban ay napupunta sa amin. May mga butas sa pader na daanan ng tubig papunta sa lugar namin.

Nangingitim na ang pader sa daanan, matagal na rin kasi ito. Kung iilawan nga ay makikita mo ang kulay berde-itim na mga lumot. Bako-bako na rin ito, butas-butas gawa ng mga adik. Sinadya nila itong butasan para paglagyan ng kanilang mga epektos. Isu-shoot ang isang sachet ng droga at doon kukunin ng parokyano at isusuksok naman ang bayad sa ibang butas. Noong una hindi ko pa ito alam, ang alam ko sa mga ito ay dumi na gawa lamang ng mga kung sino na nagsuksok lamang ng plastic. Minsan, may nakita akong perang nakasuksok sa ilang butas. Isang libong buo. Tuwang-tuwa ako noong una akong makakita. Ang sabi ko nga, ang tanga naman ng nagsuksok nito. Baka lasing na hindi na alam ang ginagawa. Kinabukas nang araw na may makita akong pera, may pinatay sa looban. Mula noon, sa tuwing dumaraan ako sa kinse metrong eskinita na iyon, sinusuyod ko ang bawat sulok na maaaring abutin. Baka sakaling may lasing ulit na nagsuksok ng pera. Isa hanggang dalawang beses akong makakita sa isang linggo, ang ilan ay mga plastic lamang kaya hindi ko na pinapansin. Sa tuwing may makukuha akong pera, may itinutumba sa looban.

Doon, nagsuspetsa na ako na hindi ito isinusuksok ng lasing. Sa pagtambay-tambay ko ng ilang linggo sa labas at sa loob, nalaman ko na ito ang paraan ng mga nagbibenta ng droga para makarating sa kanilang parokyano ang kanilang paninda: Isisiksik ang pakete ng droga sa isang butas at iiwan ng kumuha ang bayad sa ibang butas. Mula noon, inaabangan ko na ang kanilang gawain at inuunahan ko ang pagkuha ng pera. Sa awa ng Diyos, walang nakaka-alam na ako ang kumukuha ng pera, at sa awa ng Diyos, nakatutulong ako sa pagpatay sa mga adik. Iyon ay noong hindi pa presidente si Meyor.

Nang naging presidente siya, nabawasan ang aking pinagkakakitaan pero masaya ako sa kaniyang polisiya: Ang Tokhang. At mula nga noon, mahigit dalawampu na ang pinapatay sa Sitio Lubog, ang ilan ay nababalita sa TV pero karamihan ay tinatabunan ng iba pang patayan sa ibang lugar. Pinakahuli nga ay si Mang Nestor.

-=oOo=-

Nang may isang linggo na kaming mag-on ni Pia, inamin ko sa kaniya na hindi ako ang nasa mga picture sa FB ko. Hindi siya umimik noon pero may inamin din siya. Hindi rin naman daw siya ang nasa profile niya. Noon din ay inaya ko siyang magkita kami. At ito na nga, makalipas ang apat na araw, papayag na siya.

-cge, kta tau,

sagot ko

-saan? Klan?

-S my 7/11. D2 s Sitio Pinagpala, s Sitio Lubog. 11pm.

Sa labasan lamang ito.

Thumbs up lang ang sagot niya.

Nilabhan ko agad ang nag-iisa kong polo na kulay pula at ang kupas kong pantalon na palagi kong ginagamit sa tuwing may pupuntahan ako. Nagtaka pa ang ina ko nang makita ako. Kinagabihan, pagkatapos naming pagsaluhan ang isang sachet ng noodles, agad-agad akong naligo at nagbihis. Sinuklay ang buhok sa harapan ng basag na salamin. Pagkatapos ay pinagmasdan ko ang aking sarili. Usli ang mga buto ko sa mukha dala ng kapayatan, malalaki ang mga mata na parang lumuluwa at parang isang taon nang hindi natutulog. Sunog ang balat sa pagkakargador sa palengke at pagtambay sa wakas ng eskinita sa looban para mag-abang ng grasya sa mga butas ng pader. Magugustuhan naman siguro niya ako. Tutal, sinabi ko naman nang hindi ako guwapo sa personal.

Ibibigay ko sana sa kaniya ang totoo kong FB account para makilala na niya ako at makita man lang, at para makuha ko rin ang kaniyang FB at makita ko man lang siya pero tumanggi siya. Akala ko ayaw na niya akong makita.

Kaninang huling text ko sa kaniya mga alas tres ng hapon, tinanong ko kung tuloy ba talaga kami, oo raw. Baka ‘ka ko mag-back out na siya, okay lang sa akin. Ang sabi, parang wala naman daw kaming pinagsamahan. Boyfriend daw niya ako at girlfriend ko siya. Sapat na iyon na maging dahilan para magkita kami.

Alas diyes na nang lumabas ako ng bahay. Kung noong hindi pa presidente si Meyor, hanggang alas dose-ala una ng madaling araw marami pa ring mga tao rito, sa loob may mga nag-iinuman at sa labas ay mga nagsusugal. Ngayon, tahimik na at madalang na lang ang mga tao. Idinala ko ang flash light sa paglabas at habang dumaraan ako sa eskinita ay sinusuyod ko ang mga pader, umaasa na may makikita akong pera. Sa kalagitnaan ay may nakita ako, limang daan. Maluwang ang pagkakangiti ko. Jackpot! May pang-date kami ni Pia!

Paglabas ko sa eskinita may isang lalaki sa kabilang kalsada, tapat ng lamp post, malapit sa 7-eleven. May mangilan-ngilan namang customer sa loob ng convinient store. May kalahating oras pa akong maghihintay kaya nakatayo lamang ako sa labasan. Gusto ko munang pagmasdan kung gaano na kalaki ang pagbabago sa aming lugar. Tahimik na tahimik bukod sa mangilan-ngilan na dumaraang sasakyan. Maganda rin ang puwesto ko, madilim at ang mga dumaraang sasakyan lamang ang ilaw na tumatama sa akin. Kitang-kita ko ang paligid pero di ako masyadong pansin.

May isang malakas na alingawngaw ng putok akong narinig. Nakita ko ang nakatayong lalaki sa tapat ng lamp post, napayuko at napatakip sa tenga. Heto na naman, may isa na namang adik ang mapapatay sa harapan ko, naisip ko. At dumilim ang aking paningin.






Ang kuwentong ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards

Update: Ang kuwentong ito ay pinarangalan bilang isa sa mga natatanging akda sa Saranggola Blog Awards.




*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*



 www.sba.ph

http://culturalcenter.gov.ph


 http://device.ph


<div class="separator" style="clear: both; text-align: center;">

<a href="http://culturalcenter.gov.ph/" target="_blank"><img border="0" data-original-height="100" data-original-width="200" src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEg-62Miz1JWkS22eGDmkGOtautRZOuPUTKWtSsV0YUcH0HZZfg99hViSKCUjsBNDBllOi36eiM9fpBl0yqpWwA3mpFtfoaveilm3qvbMvO9h8Y_QJAiN6ATa1rDD_8lJ7HeeQavG6PYxTuZ/s1600/ccp.png" /></a></div>

<div class="separator" style="clear: both; text-align: center;">

<a href="http://www.device.ph/" style="margin-left: 1em; margin-right: 1em;" target="_blank"><img border="0" data-original-height="100" data-original-width="200" src="https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhypboxaEguPvX15WlolnOoCTUU89DNU-r0CePKF9sGIrmJF30rj7m7y0O8i2OwQy-A2eMXp-i8ScZ7rpXVYXtUjKqgIzaO4jyMdNmQZfOh2w5frRN6vvEeAp6_cfU2htIt5VgUf5O9wtHr/s1600/deviceph.png" /></a></div>

</div>

Sunday, April 23, 2017

Berto: Patay kang Bata ka!

 Isang kabanata lamang ito ng isinusulat kong nobela. Siya rin si Berto sa kwento kong Berto:Alipin ng Paaralan, Prinsepe ng Lansangan na mababasa rito:
http://huwadnabayani.blogspot.com/2016/04/bertoalipin-ng-paaralan-prinsepe-ng.html


Ang tagal kong inantay ang pagmulat ng mata nitong kapatid ko na si Jani. Kanina ko pa siya ginigising ayaw magising. Parang mantika kung matulog. Teka, natutulog nga ba ang mantika? Ay ewan ang mga tao talaga kung ano-ano ang ini-imbentong mga walang kwentang salita. Inihahambing ang tao sa mantika na wala namang kaluluwa. Dipende na lang kung pulitiko ang pag-uusapan, hihihi.. ang tali-talino ko talaga! Putang ina! Mamatay na ang nag-imbento ng salitang ‘yan!

Teka, malamang patay na siya. Pero salamat na rin sa kaniya dahil may nagamit ako ngayon sa kapatid ko. Kung sakali kayang di naimbento ang salitang ‘yon ano kaya ang gagamitin ko? Tsk! Di bale na nga! Bat kasi ‘yon ang pinoproblema ko? Tanungin ko na lang ang bespren ko na si James kung anong pwedeng pamalit.

Ang dapat na pinagtutuonan ko ng pansin ay ang pagpatay sa kapatid kong si Jani. Hindi ko naman talaga siya papatayin. Tatakutin ko lang. hihihi!

Wala sina Inang at Tatang kasama ang lima ko pang mga kapatid, naroon sila sa lamayan, ang tatlo ko pang mga kapatid di ko alam kung nasaan, pero naglalaro ang mga ‘yon, darating na lang pag matutulog na. Tapos ito si Jani, ang sumunod sa akin at ako lang ang natira dito sa bahay. Kaninang pananghalian ando’n silang lahat sa lamayan nakikikain. Hindi ako pumunta, tinatamad ako.

Kanina ko lang naisip. Ang boring kasi ng buhay, wala na ngang makain, wala pang magawang matino. Kaya naisip kong magpanggap bilang si kamatayan. Nagsuot ako ng itim na pantalon (‘yong uniporme ko noong high school) itim na damit at ibinalabal ko ‘yong itim na tela sa ulo ko. ‘Yong nakasabit sa harapan nila Mang Kanor. Yung isinabit nila no’ng mamatay ang kaniyang asawa na si Aling Iska. ‘Yong may nakasulat na pangalan ng funeral parlor na nag-imbalsamo kay Aling Iska. Di ko alam kung para saan ‘yon, basta hiniram ko muna.

Tapos nagdurog ako ng uling, ipinahid ko sa buong mukha ko. Kinuha ko rin ang itak ni Tatang, ‘yong korteng kalawit sana kaso walang gano’n si tatang kaya ito na lang.

Kagaya nga ng sabi ko, mahirap gisingin ang hinayupak kong kapatid. Ala una na siyang natulog, e mag-aalas tres na ng hapon, isang oras na rin akong naghihintay sa paggising niya. Pinagpapawisan na ang buo kong katawan sa sobrang init. Ang kilikili ko, ang singit, bayag, braso, maging ang loob ng tenga ko ata pinagpapawisan. Nangangati na rin ang mga tigyawat ko. E, nuknukan ng dami, ibig sabihin, buong mukha ko ang nangangati. Pero kailangan kong isakatuparan ang aking balak.

At sa wakas! Dumilat na sya!

Tumayo ako bigla “Ako si Kamatayan! Oras mo na kaya magpaalam ka na sa mga mahal mo sa buhay!” pinilit kong ibahin ang boses ko para hindi niya mahalata na ako ito.

“Oy, Bokbok, ano na namang kagaguhan ‘yan?!” pupungas-pungas niyang tanong. Ni hindi man lang natakot sa itsura ko.

“Gagu! Kuya mo ako kaya dapat ‘Kuya Bokbok!’” lagot bakit ako agad umamin? “Ay, hindi ako ang kuya Bokbok mo… ako si Kamatayan... hindi ako ang kuya Bokbok mo!” iniba ko ulit ang boses ko. “At papatayin na kita! Wah....” lumapit ako sa kaniya at akmang tatagain na siya. Wala man lang siyang reaksiyon. Bumangon lang siya at umupo. Imbes na sa kaniya ko itinaga ‘yong itak ay sa papag na lang, para matakot naman.

“Ewan ko sayo!” masama ang tingin sa akin ng aking kapatid.

Itinaga ko pa ulit ang itak. “Papatayin kita! Tumakbo ka na!”

“Hala ka! Sira na nga ang papag sisirain mo pa!” tumayo siya at lumabas. “Isusumbong kita kina Inang!”

Maya-maya humahangos na dumating sina Inang at Tatang. Galit na galit si Inang.

“Putang ina mong bata ka! Ano na namang kabaliwan ang nasa kokote mo?! Gagu ka! Ikaw kaya pagtatagain ko at nang mamatay ka na!?” hinablot ni Inang ang itak sa akin at ini-amba sa akin.

 “Inang Chill lang! Ang suso n’yo lalaylay niyan, e!” tumawa ako nang malakas. Si Inang talaga OA kung minsan, kung minsan naman madalas.

“Kaya pala nawawala ‘yan! Sabay turo sa itim na tela na naka pulupot sa ulo ko. “Gusto mong multuhin ka ni Manang Iska buong buhay mo? Hala! Isaoli mo ‘yan! Kanina pa nila hinahanap kung saan-saan!” si Tatang naman naka tanghod lang at nanonood. Pinagmamasdan si Inang. Siguro nainlab si Tatang sa pagiging bungangera ni Inang. Nangiti ako dahil kinikilig ako kapag naiisip ko iyon. Si Inang ang Reyna ng mga bungangera si Tatang naman ang hari ng katahimikan. ‘Yon ay kung hindi lasing, pero pag nalasing, hahamunin ng suntukan kahit si San Pedro o si Lusiper. Hayun, nagkita at nagka-inlaban. Kakakilig!

Tumayo na ako para isaoli ang hiniram kong tela. Pagkatapos ay tatambay na lang ako sa aking kaharian.




*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*




Wednesday, April 27, 2016

Berto:Alipin ng Paaralan, Prinsepe ng Lansangan

Awarded 2nd Place Panelists' Choice Awards, Pamiyabe 2012, The Regional Creative Writing Workshop of The Angelites (the Official Student Publication of Holy Angel  University HAU)


“Tayp mo ako ‘no?” labas gilagid na nakangiting sabi ko sa isang kolehiyalang napadaan lang sa aking pinagtatambayang weyting shed. Ginaya ko pa ang istayl ni Jose Manalo sa pagpapa-kyut na aayusin ang kilay gamit ang hinlalaking nilawayan, pagkatapos ay nag-pose na ala Mister Pogi ng Eat Bulaga.

Napatakbo na lang ang dalaga sa pag-aakalang may isang baliw na tikbalang na kapre na nagkatawang tao na bigla na lang nagpa-kyut? sa kaniya.

Natawa lang ako sa reaksiyon ng babae. Hindi ako maiinsulto o maiinis man lang. Sanay na ako sa ganitong sitwasyon, ikaw ba naman ang makaranas ng ganito sampung beses sa isang araw kung hindi ka masasanay. Ito na ang pampalipas oras ko araw-araw o minsan sa isang linggo habang hinihintay ang pagdating ni James, ang aking bespren.

Si James, kababata ko, itinuturing kong matalik na kaibigan, pero hindi ako sigurado kung gano’n din ba ang tingin niya sa akin. Gano’n man o hindi, wala akong paki-alam.

Sabay kaming nag-aral sa elementarya hanggang high school, hindi pala buong high school dahil na kick-out ako noong ikalawang taon ko rito. Ang mga hinayupak ko kasing titser walang pakikisama. Parang hindi umiinom ng alak! Masahol pa nga silang maglasing kesa sa’kin. Porke nahuli akong palihim na umiinom sa loob ng kampus, e, bigla na lang akong kinik-out! Buti na lang anderstanding si Ermats at Erpats. Isang buong libro lang ng sermon na binigkas buong maghapon ang ibinigay ni ermats sa akin. Partida bawat litanya ay may kasunod na malutong na ‘putang ina mo’, as if, hindi siya ang ina ko. O baka naman ampon lang ako? Si Erpats naman, binatukan lang ako nang malakas at sinabing “Gago ka pala, e! Alam mo namang mahilig din akong uminom, sana sinabi mo sa’kin at nag-inuman tayo, unang matumba gigilitan ng titi!” sana inaya ko siya noong gabi ring iyon at pinilit ang sarili na talunin siya sa inuman para nagilit ko ang titi niya at hindi na umabot sa sampo ang kanilang mga anak. Sana lima lang kaming magkakapatid ngayon.

Mas masarap talaga sa labas ng iskwelahan— ang hindi mag aral. Hindi ka gigising nang maaga kahit puyat dahil kunwari’y nag-aaral sa gabi pero sa totoo lang ay nagbabasa lang ng mga malalaswang babasahin.  Walang pipingot sa’yong guro pag wala kang asaynment dahil nga iba ang ginagawa sa gabi. Walang magpapatawag sa magulang mo pag lumiban ka sa klase dahil nakikipag-inuman ka pag may madaraanang nag-iinumang kalalakihan, mapa-matatanda o binata o kagaya kong bata, basta inuman Globe na (go lang nang go). Dapat palaging nasa loob lang daw ng kampus pag oras ng klase. Pero pag sa loob ka ng kampus iinom kick-out ka. At higit sa lahat walang guro na gagawin ang lahat maging impiyerno lang ang buhay mo sa napakagandang mundong ito.

Ibang-iba ang buhay sa lansangan kesa paaralan. Pero pareho akong kilala sa paaralan at sa lansangan. Kilala ako sa iskwela bilang bobo, gago at mukhang maligno, at dahil ganiyan ang tingin sa akin, utos-utosan lang ako ng mga magagaling kong guro. Ibig sabihin ginagawa akong alipin. Pakshet! Buti pa ngayon sa lansangan kilala ako bilang si Berto, ang Prinsipe ng lansangan. Inggit ka ‘no?

“Putik! Nasaan na ba’ng bespren ko? Mag-aalas sais na, a! Madilim na. Baka hinoldap na ‘yon sa kabilang kanto! Tsk! Hindi ko pa mandin kasundo ang prinsipe do’n!” bulong ko sa sarili habang paparoo’t paparito ako sa weyting shed na siyang aking palasyo. “Hindi! Marami lang ginagawa ‘yon sa iskwela,” Tumawa ako nang malakas, natatawa na naman ako dahil kausap ko na naman ang aking sarili.

“O, Berto! Masaya ka ha!” puna ni Aling Doreng nang matapat sa akin. Si Aling Doreng, payat at mukhang otsenta sa edad na trenta. Parang si Inang lang.

“Palagi po akong masaya, Aling Doreng!” masigla kong sagot.

“Paki-sabi nga pala kay Inang mo, magtago na siya. Paparating na ang tagasingil ng mga utang!” bilin nito. 

Oo nga pala, lubog na kami sa utang. Kabilaan ang kina-uutangan ni Inang, ilang ulit na rin siyang pinapabaranggay dahil sa kaniyang mga utang na di mabayaran. Kung di ba naman kasi sila magaling, uutang para pambayad sa utang. Ang labas, ang prinsipal na utang hindi nababawasan, ang interes limang daang pursiyento na ang ipinatong. Minsan nang sabihin kong tumigil na sila sa ka-uutang, isiagot sa akin, wag ko raw sila maturo-turuan dahil hindi ko alam ang sinasabi ko. At no’ng sabihin kong alam ko kung anong sinasabi ko sasabihan ako ng “Sige! Hindi na ako uutang! Bayaran mo lahat ng utang ko at ikaw ang dumilihensiya ng pang araw-araw nating gastusin!” sapul ako do’n! Oo nga, hindi na dapat pa akong mangi-alam dahil wala akong magagawa. Pakshet naman kasi si Tatang, ang dakila kong Erpats, walang matinong trabaho nag-anak pa ng sampu! Mga kapatid ko? Pareho kong palamunin, hindi naman lahat, ‘yong iba nagtatrabaho. Nangangalakal, nagtitinda ng bote, diyaryo, tabako at kung anu-ano pa, at ako? Eto, pinangangalagaan ang aking palasyo at nasasakupan. Aba! Baka may magtangka na patalsikin ako sa aking trono, mahirap na! Isa pa, may prinsipe na bang nagtatrabaho para sa kaniyang pamilya? Wala! Ang mga alipin ang gagawa para sa akin. Teka, sino-sino ba ang mga alipin ko? Tsk! Tsk! Tsk!

“O, Berto! Ang lalim ng iniisip mo, a!” si James na!

“Oo nga! Sa sobrang lalim hindi ko na malaman kung ano,” nakangiti kong sagot. “Ano? May maibibigay ka ba?” agad kong tanong nang wala akong makitang hawak-hawak niya.

“Oo naman! Ako pa? Pwede bang wala?” binaklas niya ang kaniyang bak pak mula sa kaniyang likuran at binuksan iyon, inilabas ang mga papel at inabot sa akin. Labas gilagid na naman ako sa pagkakangiti. “Asan ‘yong ibinigay ko no’ng nakaraang linggo?” tanong nito.

Tumungo ako sa basurahan na malapit sa aming kinatatayuan, inangat at kinuha ang mga papel sa ilalim, ibinigay sa kaniya. Parang nandidiri pa nga siya. Pero kilala ko itong bespren kong ‘to kahit gaano karumi kukunin at kukunin niya kung ako ang nagbibigay.

“Kung sa’n-sa’n mo naman tinatago ang mga gawa ko!” padrama pa niyang sabi.

“Mabuti nang pa iba-iba, baka matiktikan ako, nakawin pa mga yan!” binuklat ko ang kabibigay lang na papel at binasa nang malakas ang titulo. “Berto, Ang Alipin ng Paaralan, Prinsipe ng Lansangan,” ayos ‘to! Ginamit pa niya ngayon ang pangalan ko sa kaniyang kwento. “Dapat maganda ‘to, ginamit mo pa ang pangalan ko.”

“May ginawa ba akong pangit?”

“Pag pangit ‘to, ipapahuli kita sa aking mga alipin at papa-pugutan!” isang malakas na tawa lang ang sagot niya.

“Gago ka! Pag ipinapatay mo ako wala nang gagawa ng mga kwentong tungkol sa palasyo, hari at prinsipe para sa’yo!”

Oo nga, ako rin ang kawawa kung nagkataon. “Sige, ipapakulong na lang kita at bibigyan lang ng papel at lapis,” biro ko. Sabay kaming nagtawanan. “Wala ka bang pera riyan? Hindi pa nagreremit ang mga tao rito sa nasasakupan ko eh, kailangan kong paswelduhin ang ilang alipin!” alam kong naiintindihan niya ang kalokohan ko. Siya lang ang nakaka-intindi sa mga trip ko. At kung minsan siya lang ang sumasabay at nakakasabay.

Bumunot siya sa kaniyang bulsa, inilabas ang napakaraming papel, hindi ko alam kung bakit doon niya inilalagay ang mga papel na lukot-lukot, bakit hindi na lang niya itapon o kung mahalaga bakit hindi niya sa bag inilagay? Ang labo talaga nitong bespren ko. Bumunot pa ulit, maraming barya isang dakot. Kaya pala maumbok ang bulsa niya, akala ko tuloy kanina lumipat na ang ari niya sa bulsa. Ibinigay niya lahat sa akin ang mga barya.

“Pambihira! Ako na nga lang ang ginagawang alipin sa paggawa ng mga kwento, ako pa ang huhuthutan!” nakangiti nitong galit sabay kamot sa ulo. “Sige, mauna na ako. Marami pa akong gagawing assignments.”

“Sabi ko naman sa’yo! Mas masarap ang magpa kick-out! Nagpapagago ka lang sa mga titser mo! Inuuto ka lang nilang gumawa ng ganito at ganyan. Kayo naman sunod nang sunod! Pinaka-tanga ‘yong sinasabi ninyong pinakamatalino sa klase! Sabihin mo rin ‘yan kay Julius!” si Julius ang genius daw na kaibigan niya na kaibigan ko na rin.

“Bakit naman?” naka-tanga niyang tanong.

“Kasi hindi niya malamang inuuto lang siya!” malakas ulit ang tawa ko.
“Oo nga no?” natutuwa ako sa itsura niya. Para siyang batang paslit na may nalaman sa isang napaka talinong tao, at ako ‘yong taong ‘yon. “Hayaan mo, sasabihin ko sa kaniya,” anito at nagpaalam na.

Ang tali-talino ko talaga! Mas matalino pa sa mga nag-aaral. Mag-aplay kaya ako bilang titser? Malamang maraming estudiyante ang matututo sa akin. Pero teka! Ayaw ko nga palang pa-uto tapos mang-uuto naman ako? Tsk! Di bale na!

Hindi ko sukat akalaing makakahanap ako nang tulad ng bespren ko. Akalain mo, may itsura naman, e, nagtitiyagang makisama sa tulad kong bukod sa pangit at mukhang binulutong na hindi gumaling ang mukha, e, pangit talaga. May kalakihan nga pero butiking pasay naman. Teka nga! Iba pa ba ang butiki sa Pasay sa butiki sa aming bahay? Marahil ay kaya siya dumidikit sa akin para lumitaw pa lalo ang kaniyang ka-gwapohan. Tang ina, ginagamit lang pala ako?

Okay lang kung gamitin niya ako sa bagay na iyon. Basta nagagamit ko rin naman siya. Isa siyang manunulat sa kanilang publikasyon, gustong sumikat bilang nobelista o manunulat ng mga maikling kwento. Matagal ko ring niligawan para igawa ako ng mga kwento, ayaw niya no’ng una. Hindi raw siya basta-basta manunulat(ang yabang niya ‘no?), hindi raw basta kwento pwedeng isulat at higit sa lahat ang mga gusto niyang isulat ay ang mga kwentong makatotohanan, mga kwentong nangyayari sa lipunan, kabuktutan ng gobyerno at kagaguhan ng mga buwayang nagkatawang tao raw ang dapat isulat hindi mga pantasya gaya ng mga gusto ko. Kaya mariin siyang tumanggi noong pagsulatin ko siya tungkol sa mga hari o prinsipe. Ito lang kasi ang gusto kong basahin mula nang maging prinsipe ako ng lansangan.

Hindi ko alam kung totoo bang ipektibo ang gayuma na binili ko sa isang kilalang mangkukulam dito sa amin. Basta pinakain ko siya no’n ang sabi ko “Kainin mo ‘yan, pinag-ipunan ko pa pambili ng gayumang inilagay ko riyan para ipansusulat mo ako ng kwento,” tapos bigla-bigla isang araw binigyan ako ng isang kwento, tungkol ito sa hari na hindi mapasunod ang kaniyang mga alipin, ang ginawa niya pinatay niyang lahat ang mga ito at mag-isang namuhay.

 Tinanong ako noon kung gagawin ko ba ‘yon sa mga alipin ko kung sakaling hindi ko sila mapasunod, ang sagot ko hindi, kasi malungkot ang mag-isa. Natuwa siya sa sagot ko. Akala mo naman isa akong baliw kung kausapin kung minsan.

Alam ko ang kwento ng buhay niya at gano’n din siya sa akin. Alam kong may niligawan siya noong unang taon namin sa high school pero na-turn off siya dahil napag-alaman niya na ‘yong babae pa mismo ang nanliligaw sa kaniyang natitipuhan at ang masaklap tibo ang nililigawan no’ng babaeng nililigawan niya. Taksiyapo!1 Kahit sino naman matu-turn off sa gano’n. Tsk! Tsk! Tsk!

Alam ko rin na may gusto siya kay Melay, ‘yong byutikwin ng aming iskwela. Iniyakan pa niya ito noon. Ang ipinagtataka ko iniiyakan niya ang taong hindi naman naging sila at ang nakakainis ni hindi naman niya niligawan. Ligaw tingin lang ang mokong! Ako nga ang nanligaw. Muntikan kong napasagot. Ang sabi kasi sa akin no’n ‘Berto, wala pa kasi sa isip ko ang mag-boyfriend,’ sayang hindi ko na siya ulit nakita. Siguro kung ngayon ko siya liligawan sasagutin na niya ako dahil nasa edad na siya at nasa isip na niya ang mag-boypren.

Ako rin ang unang naka-alam na may M.U. na sila nang kaniyang bespren (hindi ako ‘yan, ‘yong bespren niyang babae), ako rin ang unang naka-alam no’ng gusto na niyang ayaing pakasal ito. Ang gaga naman, ayaw maniwala, ang alam ata niya, e, isang paglalambing at biro lang ang lahat. Ilang buwan lang ang nakararaan binalitaan na lang ako ni James na ikakasal na raw ang kaniyang bespren (hindi pa rin ako ‘to). Ang gulo ng buhay nila! Minsan nga niloko ko siyang isulat ang sarili niyang kwento, ayaw raw niya. Ordinaryo lang daw ang kwentong pag-ibig niya. Marami na raw ang ganitong kwento sa merkado. Pero alam ko ang dahilan niya kung bakit ayaw niya. Dahil ayaw niyang malaman ng iba ang kaniyang kagaguhan at karuwagan. Sapat na akong nakaka-alam.

Pero hindi na lang ako ngayon ang nakaka-alam ng ilan sa kaniyang buhay. May mga naging kaibigan din siya sa kolehiyo. Sina Christian, Yawi, Marlon at Julius. Konti lang ang alam ko sa kanilang buhay. Si Christian, mayaman, may itsura rin kaya ‘yon, nilandi, nagpalandi, nabuntis ‘yong lumandi sa kaniya, nanganak, iniwan sa kaniya ‘yong anak, at itong kawawang si Christian, hindi pa raw handang maging ama. Niloko ko nga minsan sabi ko ibigay na lang sa’kin ang anak niya para pamanahan ko ng aking kaharian, tinawag lang akong baliw! Ang gago! Hindi lang siya kaibigan ni bespren matagal na siyang nakabaon sa lupa! Pero mabait din naman, palaging taya sa inuman namin.

Si Julius, ang alam ko lang matalino siya, siya raw ang pinakamatalino sa kanila. Pero gaya nang sabi ko, siya ang pinakatanga sa mga kaibigan ni James, palagi mong maririnig ang salitang ‘Praise the Lord’ sa kaniya. Sa tuwing maririnig ko naman ‘yon, sinusundan ko ng malutong na mura! Gusto pa atang maging pari.

Si Marlon naman, inggit ata sa akin, kahit mahirap daw kami atleast mahal ako nina Erpats at Ermats. Kahit daw minumura ako ni Ermats, may halo pa rin itong lambing, mura raw ito ng pagmamahal. Korni. Gago rin, e! Sino kaya ang hindi nagmamahal sa sariling anak! Try ko kayang makipagpalit ng buhay at nang maranasan niya ang mamuhay na puno ng utang at puno sa kapatid. Pero ayaw ko rin, baka di niya mapangalagaan ang kaharian ko. O kaya naman masarapan niyang maging prinsipe at hindi na niya ibalik ang trono ko. Teka nga! Ako lang ata ang Prinsipe na lubog sa utang ang pamilya?

Si Yawi, pasimple ko pang tsinatsansingan kung minsan, ’yon at malulutong na mura ang palagi kong pulutan. Minsan na napansin niya ang ginagawa ko, isang malakas na sapak ang natikman ko at kung hindi siya naawat malamang, matagal na akong nasa ilalim ng lupa, inuuod. May lahi atang amasona. Malas daw siya sa mga lalaki. Ang sabi ko, ako na lang ang mahalin niya, kahit hindi ko siya mahal pipilitin ko siyang paligayahin at gagawin ko pa siyang reyna, at ako magiging hari na! Isang malakas na ‘grosssssss!’ lang ang sinabi, kinuha ang bote ng alak, hindi tatagay sa baso, kundi ‘yon na mismong bote ang itotongga.

Sila ang mas palaging kasama ni James. Sila na kapareha niyang nagpapa-uto sa mga titser nila.

oOo

Masaya akong iniwan ang weyting shed na nagsisilbi kong kaharian para umuwi ng bahay dala-dala ang kwento ni James at ang mga barya niya. May pang-inom kami ni Tatang! Sigurado akong magkakasya ito sa isang bote ng GSM na maliit. ‘‘yong sobra ibibigay ko na lang kay ‘Nang para hindi magbugnot. Wala nang pulu-pulutan.

“Sa’n ka galing?” salubong agad sa’kin ni Inang habang abala sa pagpapaningas sa kalang de kahoy. Punum-puno ng usok sa bahay. Pakiramdam ko tuloy nasa langit na ako.

“Inang! Kahit pala masama ang ugali niyo makakasama ko pa rin kayo sa langit!” natatawa kong sabi. Alam kong mumurahin na naman nila ako sa sinabi ko. Hinintay ko na lang ang mura pero wala, bagkus inulit nila ang tanong kung sa’n ako galing.

Si Inang talaga, alam naman nila na sa palasyo ko lang ako manggagaling magtatanong pa. “Sa Mars po,” sagot ko. “Sinubukan ko lang kung totoong mabubuhay ang tao ro’n, end of the world na kasi bukas, do’n ko na lang ipapatayo ang bago kong palasyo. Asaan si Tatang?”

“Nasa impiyerno! Kainuman si Lusiper!” naiinis na turan ng aking mahal na ina.

Pumasok ako sa kwarto naming magkakapatid. Isiniksik ang papel na kinalalagyan ng gawa ni James sa ilalim ng unan ko. Inilabas ang mga barya binilang ang pambili ng alak nag-iwan ng bente sa lansena at ang natira ibibigay ko na kay Inang. Kung end of the world na nga bukas kailangan magpakalasing na ako nang todo! Masaya na akong end of the world na bukas, at least hindi na kailangang magbayad ng mga utang si Inang, tsk! Kawawa naman ang mga kinauutangan nila. Pero dapat lang ‘yon sa kanila! Kinokotongan na lang nila nang harap-harapan ang mga gipit. Sila raw ang tutulong sa mga naghihirap, papautangan ng pang-negosyo para guminhawa ang buhay. Ang mga gago! Ipapahiram ngayon ang pera kinabukasan umpisa na ang pagbabayad, araw-araw hanggang sa mabayaran mo ang utang, at kung hindi makabayad manghihila sila ng kasangkapan. Nawala tuloy ang radyo at TB namin. Ang galing. Nakatulong nga sila. Pakshet!

Pero teka! Kung end of the world na bukas, e, bukas ko pa lang balak basahin ang kabibigay lang na kwento ni James! Mukhang maganda pa naman! Kawawa rin pala si James, hindi matutupad ang pangarap dahil magugunaw na ang mundo. Gano’n din ang iba pang mga kaibigan niya. Lalong-lalo na ‘yong anak ni Christian. Ang bata naman niyang mamatay, hindi man lang niya maranasan ang malandi gaya nang naranasan ng kaniyang ama. Kung nagkataon ako lang pala ang masaya sa pagkagunaw ng mundo!?

Lumabas ako. Gano’n pa rin, mausok pa rin.

“Inang, hindi ko kayo makita! May ibibigay pa naman sana ako sa’yo!” Pabiro kong sabi. Hindi naman totoong hindi ko sila makita.

“Tumigil ka na nga Berto! Nahihirapan na nga akong huminga sa putang inang kalan na ito!” patuloy pa rin sila sa pag-ihip ng bakal na pahaba na may butas sa gitna na angnguyob ang tawag ng mga ilokano. Air supply naman ang tawag ko do’n, gano’n din kasi ang tawag ng iba.

Nakadilihensiya siguro sila kaya may isasaing. Kung may ulam, hindi ko alam, ang mahalaga may kanin na makakain mamaya. Ini-abot ko ang barya, may trenta pa siguro iyon, hindi ko na binilang.

“Sa’n galing ‘to?”

“Ninakaw ko po.”

“Hindi ka marunong magnakaw gago! Sa’n galing ‘to?” nagpamewang pa sila.

“Kay James po.”

“Bakit hindi mo siya pinatuloy rito sa bahay?”

“Sa palasyo lang po kami nagkita. Nagmamadali, marami pa raw siyang tatapusing asaynment.” 

“Sa’n ka na naman pupunta?” tanong na naman ni Inang nang akmang lalabas na ako.

“Sa impyerno po, makikipag-inuman kay Lusiper kasama ni Tatang.”

“Pag nakita mong mga kapatid mo pauwiin mo na sila! Umuwi kayo ng maaga. Wag na kayong magpapagabi sa inuman! Ano bang napapala niyo sa pag inum-inom niyong ‘yan? Kung......” blah blah blah blah!  Hindi ko na pinatapos ang litanya ni Inang, alam kong aabutin kami ng madaling araw kung hihintayin ko silang matapos magsermon. Sila na nga ang bibigyan ng pera, sila pa ang manenermon!

oOo

Naiinis ako kay Tatang! Pinagbawalan niya akong bumili ng panibagong bote ng alak! May pera naman ako! Matapos naming ubusin ‘yong boteng dinatnan ko sa inuman tumigil na kami. Ni hindi man lang ako nalasing, uminit lang ang likod ng tenga ko uwian na! End of the world na bukas, hello? Kung hindi ko lang Erpats ‘tong mokong na ‘to sinaksak ko na ng kutsilyo ang kaniyang lalamunan. Tuloy ang isang prinsipe ay naging alalay ng isang Tatang na walang laman ang bulsa kahit singkong pera! May singko pa ba ngayon?

Dalawa kaming gegewang-gewang sa daan. Kaya ko namang maglakad nang diretso na akay-akay si Tatang pero mas masaya ang maglakad nang ganito. Hindi naman masama, uminom kaming pareho ni Tatang, alam ng lahat ng mga kapitbahay na uminom kami kaya walang pakialamanan!

“Woooh! Meri Krismas Hapi new yir!” sigaw ko habang iginigewang ang aking lasenggong tatang sa daan.

“Lumabash ang shiga at harrrapin kami ng annnnak kooo!” si Tatang may gana pang manghamon di na nga kayang tumayo. Ibalibag ko kaya siya? Nakaka-irita kasi, walang originality, lahat na ata ng nalalasing ganito ang sinasabi. Mag-isip naman sana sila ng iba.

“End of the world na bukas, hintayin niyo na lang ang kamatayan niyo!” bulong ko kay Tatang.

“Gago ka tallllagang bata ka! Nagpapapapaniwallla ka sha mga kallllokohan ng mga gagong tulad mo! Twenti tartin na ngayon, pashko na! Shabiii nila noon magugunnnawww na ang mundo noong papapapashok ang tutawsan. Hindiiii naman!”

Pagkarating namin sa bahay, hindi pa tulog si Inang. Hinihintay ang dalawang magaling na nakipag-inuman. Agad inakay ni Inang si Tatang papunta sa kanilang kwarto. Ako tumuloy sa may mesa para kumain. Wala nang natirang kanin kundi tutung. Inubos na  naman ng mga hinayupak kong kapatid ang kanin! Ibinili siguro ni Inang ng bangus ‘yong binigay kong pera, may nakita akong pinagbalatan ng sitsiria, e. Pinulot ko na lang at inamoy-amoy habang sarap na sarap sa paglatak ng tutung. Uubusin ko na ‘tong kanin. Wag nang ipagtira si Tatang, tutal busog naman siya ng alak!

“Alam niyong wala na tayong pera iinum-inom pa kayo!” si Inang na naman. Kelan kaya nila maiintindihan na gaya ng kanin ay kailangan naming uminom para mabuhay? “At ayan! Pati si Berto nagaya sa’yo! Alam mo naman na may problema siya sa pag-iisip hinahayaan mo siya sa ginagawa niyang pag inom!”

“Hindi siya nakainom nang marami. Konti na lang ang laman ng bote no’ng dumating siya. Tumigil na kami pagkaubos.”

Tsk! Palagi na lang nilang sinasabi ‘yan!







1-Taksiyapo- isang mura sa Kapampangan.



*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*