Tuesday, October 31, 2017

Yoyong

“Puro kau reklamo, bakit endi nyu nlng suportahan ang ating pangulo s mga gus2 nyang gawin?” comment ko sa isang news page na naglabas ng balita tungkol sa pagkundena ng Katoliko sa tokhang. Nakatanggap ako ng maraming like at love reaction, mayroon ding mga angry.

“Kailangang suportahan ang mga magagandang ginagawa, ngunit kailangang batikusin ang mga pangit.” Sagot ng kung sinong bayarang Dilawan.

“Ikw nlng kaya ang maging pangulo!” sagot ko.

“Typical Dutertard” naman ang reply niya. Di na ako sumagot pa. Alam ko namang Dilawan at bayaran lamang siya.

Keyboard warriors ang tawag nila sa mga kagaya ko na nagtatanggol sa ating mahal at magaling na Pangulong Digong. Dutertard ang ilang tawag. Ang mga wala nang ibang maitatawag ay trolls. Natatawa na lang ako sa kanila kung minsan.

Nagba-brows pa ako sa FB nang mag-text si Pia. Agad-agad kong isinara ang dummy FB account ko. Hindi ko totoong picture ang ginagamit ko rito, kinuha ko lang ito sa isa kong friend sa aking isa pang account at iyon ang ginamit ko. Hindi niya alam ang ginagawa ko sa mga larawan niya. Blocked siya sa account ko na ito kaya hindi niya makikita. Lahat din ng nasa friend list niya ay pinagtiyagaan kong i-block para walang lusot. Paminsan-minsan ay nag-a-upload ako ng mga ninakaw niyang picture dito sa account ko na ito at pinuputakti ako ng likes at reactions, karamihan ay mga babae at bakla. Guwapong-guwapo sila sa akin. Tuwang-tuwa naman ako. Pakiramdam ko ay tanggap ako ng mundo.

-Yoyong?

-Yow mahal?, dali-dali kong sagot.

-payg na quo sa gus2 mo.


-=oOo=-


Nakilala ko si Pia sa isang group chat. Di ko na nga alam kung paano ako napasok sa group chat na iyon ng mga single. Pero hindi na ako umalis. Gustong-gusto ko naman sa mga ganito dahil sa totoo lang maraming group chat na kabilang ako. Karamihan sa mga ito ay ang mga grupo namin na nagtatanggol sa ating pangulo, mga dating group na iba-ibang lahi ang kasama mga lahing naghahanap ng kanilang kapareha, at mga group na naghahanap ng forever.

 Si Pia ang unang nag-add sa akin. Accept naman ako agad. Lahat naman ng nag-a-add sa akin ay tinatanggap ko. Isang araw napadpad sa newsfeeds ko ang isang picture niya. Nakatalikod siya at walang suot, nakaupo sa parang higaan. Kitang-kita ang buong likuran niya, mukhang wala ring suot pambaba pero dahil sa nakaupo siya hindi ko masigurado. May caption na Isaiah 41:10  “So do not fear, for I am with you; do not be dismayed, for I am your God.  I will strengthen you and help you; I will uphold you with my righteous right hand.” may halos dalawang daan na likes at reactions at halos isang daang comments ito. Pinusuan ko. Ilang araw ang nakalipas selfie naman ito sa harapan ng salamin. Parang sa loob ng banyo. Naka-sando siya ng puti at nakalislis ang isang strap nito sa kaliwang balikat pababa. May hawak na toothbrush. Parang walang bra at may caption na Mark 12:25  “When the dead rise, they will neither marry nor be given in marriage; they will be like the angels in heaven.”. May higit dalawang daan na likes at reaction. Sandamakmak din ang comments. Pinusuan ko ulit.

Sa ikatlong picture niya na dumaan sa newsfeeds ko na may hashtag na #Wokeuplikethis ay nakahiga siya sa kama nakakumot ng manipis na puti na hanggang dibdib, halatang walang suot na kahit ano ni bra dahil bakat ang utong nito sa puting kumot at may caption na “Lamentations 3:23 They are new every morning; great is your faithfulness”. Halos umabot ito sa apat na raang likes at reactions, pinusuan ko ulit.

Noong araw na iyon ay kumuha ako ng isang picture ulit sa taong kinukuhanan ko, iyong hubad-baro at kitang-kita ang mga abs at in-upload ko, naghanap din ako ng bible verse sa internet:”Philippians 4:13 I can do all this through him who gives me strenght” at iyon ang inilagay kong caption. Limangdaan ang nakuha kong likes at reactions at sangkatutak na comments gaya ng “How to be you po?”, “Petmalu”, “kuya, anakan mo nga ako”, “Lodi” at kung ano-ano pa. Nagulat ako nang pusuan niya ito. Agad ko siyang chinat.

-Hi byutipul!

Ilang saglit lamang akong naghintay may reply na.

-hi hansam!

-mhilig k pla sa mga bible vers?

-hindi. Nakkta ko lang sa group quo. Kinikopya qou lng. Maganda kc.

Napatawa ako sa sinabi niya. Nakakatawa pala siya. Masarap kausap.

-ganun b? Ang ganda mo, crush kita.

-hahaha! Ang pogi mo rin. Crush nga rin kta e.

-endi naman maxado. Kung crush mo ako at crush kita, edi tau n?

-hahaha! Nkktw ka!

-:D

-kaw mahilig kb sa bible verse? ung picture mo kaxi...

-endi. Kinuha q lan s enternet.

-hahaha!

-hahaha!

Maghapon kaming magka-chat noon. Mula sa pagtatanong ng hilig sa bibliya hanggang mapunta kay Duterte at Tokhang. Kapares ko, tagapagtanggol din pala siya ni Meyor Digong. Nakuwento niya na sa kanila raw, sa Brgy. Mapaco ay isang daan ang sumuko noong bagong upo si Presidente Digong. Iyong dating magulong baranggay nila naging tahimik. Sampu naman na raw ang pinapatay sa kanilang lugar. Tuwang-tuwa siya sa mga nangyayari. Maganda raw na nauubos na ang mga adik. Dapat pa nga raw ay patayin na lahat pati ang mga sumuko para mawala na nang tuluyanang lahat ng adik sa Pilipinas.

Gano’n din dito sa amin, sabi ko. Higit dalawang daan ang sumuko noon at patuloy pang dumarami. Minsan nga ay nagpunta ang mga pulis sa aming kapit-bahay dahil ayaw sumuko ng pinaghihinalaan nilang adik (gusto kong sabihin na hindi na dapat nila pinaghinalaan dahil alam ko mismo na adik siya) na si Mang Nestor. Ayaw niyang buksan ang pinto noon, lahat ng mga bahay ay nakasara, walang gustong lumabas pero lahat nakasilip sa mga siwang ng kani-kanilang bahay. Nakaabang kung ano ang mga susunod na mangyayari. Ang mahinang katok at tawag ay papalakas nang papalakas dahil nga ayaw nilang buksan ang pinto. Hanggang sa pilitin na ng mga pulis na pasukin ang bahay. Dahil gawa lang naman sa pinagtagpi-tagping yero at plywood ang kanilang bahay gaya ng marami sa amin, agad nilang nawasak ito. Sigawan at iyakan ang naririnig. Si Aling Edna, ang asawa ni Mang Nestor, ay nagsisisigaw. Nagmamakaawa na huwag daw kukunin ang kaniyang asawa dahil hindi na ito ulit mag-aadik. Takot na takot ang boses.

Maya-maya ay ang anak nilang maliit naman ang umiyak. Hindi namin makita ang nangyayari sa loob pero malakas ang mga kalabog hanggang sa isa, dalawa, tatlong putok ng baril ang narinig. Kasunod ang malakas na palahaw ni Aling Edna. Maya-maya lumabas na ang mga pulis, ang isa may tinatawagan sa telepono. Pagkalipas ng halos kalahating oras ay may mga nagsidatingan pang ibang pulis, NBI at SOCO. Inilabas na bangkay si Mang Nestor, kasama ang bangkay ng kanilang walong taong gulang na anak. Ang balita, nanlaban daw ito sa mga pulis at ginawa pang panganggalang ang kaniyang anak kaya ito nadamay. Minura ko noon si Mang Nestor sa kaniyang ginawa, pati anak ay nagawa niyang idamay. Buti nga sa kaniya at napatay siya. Gago rin, nasukol na nga manlalaban pa. Sana nga ay maubos na lahat ng mga adik. Inabangan ko ang paglabas nito sa TV (kahit wala namang media ang nagpunta doon) kinagabihan. Walang balita sa nangyari. Kinabukasan, parang walang nangyaring patayan.

Manghang-mangha si Pia noon. Ang sabi niya, gusto rin daw niyang makaranas ng gano’n: ang makakita ng personal na pinapatay na adik. Mas lalo ko siyang nagustuhan dahil pareho kami ng paniniwala. Kinabukasan ay naging kami.

Ilang araw na palaging gano’n lang ang set up namin. maghapon na magka-chat, tapos hiningi ko na rin ang Cell Phone number niya. Ibinigay naman niya at mula noon sa text na kami palaging nag-uusap. Minsan naman ay maghapon na tawagan na kadalasan ay napapagalitan ako ni Nanay.

Minsan napag-usapan din namin ang ilan naming kalokohan. Minsan daw na naubusan siya ng sabon na pampaputi at mga pampaganda ay nag-shop-lift siya. Sobrang kabado raw siya noon pero nagawa niya ang pagnanakaw nang hindi siya nahuhuli. Matagal na raw siyang namamasyal sa tindahan ng mga pabango at sabon na iyon. Doon talaga siya bumibili. Kaya alam na raw niya kung nasaan ang mga CCTV Camera kaya alam niya kung saan pupuwesto. Kung saan siya makakakuha ng sabon, pabango at ilang pampaganda nang hindi nahahagip ng camera. Naka-duster daw siya noon nang maluwag at inipit niya sa pagitan ng kaniyang mga hita ang mga ninakaw. Tawang-tawa ako noon. Maloko rin pala siya. Di ko alam kung paano niya na-ipit iyon doon. Inisip ko na ano kaya ang pakiramdam nang ma-ipit doon. “Puwede mo rin ba akong ipitin doon?” tanong ko noon. Nabigla ako sa aking tanong pero nagkasubukan na. Tumawa lang naman siya at sinabing “Gusto mo ba?”. Oo naman ang sagot ko. “Baka mabaliw ka!” lang naman ang sagot niya.

Kinuwento ko rin sa kaniya ang ilan kong kalokohan: nasa looban kami ng squaters’ area dito sa sitio Pinagpala, na mas kilala sa sitio Lubog. Kaunting ambon lang kasi ay binabaha na kami. Sa eskenitang palabas may nagaganap na kababalaghan. Masikip ang daanan palabas. Isang tao lamang ang kasya, kung may kasalubong, kailangang tumagilid pareho. Kung mataba ang kasalubong, kailangang umatras ng isa sa inyo. Kung babae ang kasalubong sinasadya kong ikaskas ang aking harapan dito, kung minsan ay sinasampal ako, kung minsan naman ay hindi na nila pinapansin.

Kinse metro ang haba nito bago ka makarating sa looban. Kung galing ka sa loob palabas, isang pabrika ng tsinelas ang nasa kaliwang bahagi. Isang apat na palapag na gusali naman sa kabila. Isang pribadong lugar na pagmamay-ari ng isang intsik. Bodega raw iyon. Dahil dito ay madilim ang daanan papasok sa looban, araw man o gabi. Hindi masilip ng liwanag. Maliban na lamang kapag tanghaling-tapat.

Gaya ng nasabi ko na kaunting ambon lamang ay binabaha na kami, ang buong looban kasi ay nakakulong sa mga nagtataasang mga pader sa paligid. Walang ibang daanan palabas kundi sa masikip na eskinita. Lahat ng mga tubig na galing sa nasa paligid na karaniwang pabrika at mga bodega, na mas mataas kaysa sa looban ay napupunta sa amin. May mga butas sa pader na daanan ng tubig papunta sa lugar namin.

Nangingitim na ang pader sa daanan, matagal na rin kasi ito. Kung iilawan nga ay makikita mo ang kulay berde-itim na mga lumot. Bako-bako na rin ito, butas-butas gawa ng mga adik. Sinadya nila itong butasan para paglagyan ng kanilang mga epektos. Isu-shoot ang isang sachet ng droga at doon kukunin ng parokyano at isusuksok naman ang bayad sa ibang butas. Noong una hindi ko pa ito alam, ang alam ko sa mga ito ay dumi na gawa lamang ng mga kung sino na nagsuksok lamang ng plastic. Minsan, may nakita akong perang nakasuksok sa ilang butas. Isang libong buo. Tuwang-tuwa ako noong una akong makakita. Ang sabi ko nga, ang tanga naman ng nagsuksok nito. Baka lasing na hindi na alam ang ginagawa. Kinabukas nang araw na may makita akong pera, may pinatay sa looban. Mula noon, sa tuwing dumaraan ako sa kinse metrong eskinita na iyon, sinusuyod ko ang bawat sulok na maaaring abutin. Baka sakaling may lasing ulit na nagsuksok ng pera. Isa hanggang dalawang beses akong makakita sa isang linggo, ang ilan ay mga plastic lamang kaya hindi ko na pinapansin. Sa tuwing may makukuha akong pera, may itinutumba sa looban.

Doon, nagsuspetsa na ako na hindi ito isinusuksok ng lasing. Sa pagtambay-tambay ko ng ilang linggo sa labas at sa loob, nalaman ko na ito ang paraan ng mga nagbibenta ng droga para makarating sa kanilang parokyano ang kanilang paninda: Isisiksik ang pakete ng droga sa isang butas at iiwan ng kumuha ang bayad sa ibang butas. Mula noon, inaabangan ko na ang kanilang gawain at inuunahan ko ang pagkuha ng pera. Sa awa ng Diyos, walang nakaka-alam na ako ang kumukuha ng pera, at sa awa ng Diyos, nakatutulong ako sa pagpatay sa mga adik. Iyon ay noong hindi pa presidente si Meyor.

Nang naging presidente siya, nabawasan ang aking pinagkakakitaan pero masaya ako sa kaniyang polisiya: Ang Tokhang. At mula nga noon, mahigit dalawampu na ang pinapatay sa Sitio Lubog, ang ilan ay nababalita sa TV pero karamihan ay tinatabunan ng iba pang patayan sa ibang lugar. Pinakahuli nga ay si Mang Nestor.

-=oOo=-

Nang may isang linggo na kaming mag-on ni Pia, inamin ko sa kaniya na hindi ako ang nasa mga picture sa FB ko. Hindi siya umimik noon pero may inamin din siya. Hindi rin naman daw siya ang nasa profile niya. Noon din ay inaya ko siyang magkita kami. At ito na nga, makalipas ang apat na araw, papayag na siya.

-cge, kta tau,

sagot ko

-saan? Klan?

-S my 7/11. D2 s Sitio Pinagpala, s Sitio Lubog. 11pm.

Sa labasan lamang ito.

Thumbs up lang ang sagot niya.

Nilabhan ko agad ang nag-iisa kong polo na kulay pula at ang kupas kong pantalon na palagi kong ginagamit sa tuwing may pupuntahan ako. Nagtaka pa ang ina ko nang makita ako. Kinagabihan, pagkatapos naming pagsaluhan ang isang sachet ng noodles, agad-agad akong naligo at nagbihis. Sinuklay ang buhok sa harapan ng basag na salamin. Pagkatapos ay pinagmasdan ko ang aking sarili. Usli ang mga buto ko sa mukha dala ng kapayatan, malalaki ang mga mata na parang lumuluwa at parang isang taon nang hindi natutulog. Sunog ang balat sa pagkakargador sa palengke at pagtambay sa wakas ng eskinita sa looban para mag-abang ng grasya sa mga butas ng pader. Magugustuhan naman siguro niya ako. Tutal, sinabi ko naman nang hindi ako guwapo sa personal.

Ibibigay ko sana sa kaniya ang totoo kong FB account para makilala na niya ako at makita man lang, at para makuha ko rin ang kaniyang FB at makita ko man lang siya pero tumanggi siya. Akala ko ayaw na niya akong makita.

Kaninang huling text ko sa kaniya mga alas tres ng hapon, tinanong ko kung tuloy ba talaga kami, oo raw. Baka ‘ka ko mag-back out na siya, okay lang sa akin. Ang sabi, parang wala naman daw kaming pinagsamahan. Boyfriend daw niya ako at girlfriend ko siya. Sapat na iyon na maging dahilan para magkita kami.

Alas diyes na nang lumabas ako ng bahay. Kung noong hindi pa presidente si Meyor, hanggang alas dose-ala una ng madaling araw marami pa ring mga tao rito, sa loob may mga nag-iinuman at sa labas ay mga nagsusugal. Ngayon, tahimik na at madalang na lang ang mga tao. Idinala ko ang flash light sa paglabas at habang dumaraan ako sa eskinita ay sinusuyod ko ang mga pader, umaasa na may makikita akong pera. Sa kalagitnaan ay may nakita ako, limang daan. Maluwang ang pagkakangiti ko. Jackpot! May pang-date kami ni Pia.

Paglabas ko sa eskinita may isang lalaki sa kabilang kalsada, tapat ng lamp post, malapit sa 7-eleven. May mangilan-ngilan namang customer sa loob ng convinient store. May kalahating oras pa akong maghihintay kaya nakatayo lamang ako sa labasan. Gusto ko munang pagmasdan kung gaano na kalaki ang pagbabago sa aming lugar. Tahimik na tahimik bukod sa mangilan-ngilan na dumaraang sasakyan. Maganda rin ang puwesto ko, madilim at ang mga dumaraang sasakyan lamang ang ilaw na tumatama sa akin. Kitang-kita ko ang paligid pero di ako masyadong pansin.

May isang malakas na alingawngaw ng putok akong narinig. Nakita ko ang nakatayong lalaki sa tapat ng lamp post, napayuko at napatakip sa tenga. Heto na naman, may isa na namang adik ang mapapatay sa harapan ko, naisip ko. At dumilim ang aking paningin.






Ang kuwentong ito ay opisyal kong lahok sa Saranggola Blog Awards

Update: Ang kuwentong ito ay pinarangalan bilang isa sa mga natatanging akda sa Saranggola Blog Awards.




*If you like this story, please subscribe. Thank you! :)*



 www.sba.ph

http://culturalcenter.gov.ph


 http://device.ph


<div class="separator" style="clear: both; text-align: center;">

<a href="http://culturalcenter.gov.ph/" target="_blank"><img border="0" data-original-height="100" data-original-width="200" src="https://4.bp.blogspot.com/-eXXv8GisSss/WdTUN5lSgrI/AAAAAAAAB2g/4dTL82X1nw8VFAXZpss5P1iWfz2-793HgCLcBGAs/s1600/ccp.png" /></a></div>

<div class="separator" style="clear: both; text-align: center;">

<a href="http://www.device.ph/" style="margin-left: 1em; margin-right: 1em;" target="_blank"><img border="0" data-original-height="100" data-original-width="200" src="https://1.bp.blogspot.com/-wlU2XIbXSuE/WdTUUJwM-6I/AAAAAAAAB2k/Nm_6qVvnwJMFynvgHd0TAurhYL5ONEmvwCLcBGAs/s1600/deviceph.png" /></a></div>

</div>

1 comment: